Kasaysayan ng Simbahan
Jane Elizabeth Manning James


“Jane Elizabeth Manning James,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Jane Elizabeth Manning James”

Jane Elizabeth Manning James

Si Jane Elizabeth Manning (circa 1822–1908) ay isa sa limang anak na isinilang sa isang malayang mag-asawang African American sa Connecticut sa panahong ang karamihan sa mga taong itim sa Estados Unidos ay mga alipin.1 Bilang young adult, sumali siya sa New Canaan Congregational Church noong 1841, ngunit makalipas ang 18 buwan, noong taglamig ng 1842–43, siya at ang ilang miyembro ng pamilya ay nabinyagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi nagtagal ay ninais nina Jane at ng iba sa kanyang pamilya na makasama ang mga Banal sa Nauvoo, kaya’t naglakbay sila mula sa Connecticut patungong New York, nagbabalak maglakbay na sakay kapwa ng mga bapor at bangka. Gayunman, hindi sila pinahintulutan na sumakay ng bangka dahil sa kanilang lahi, kung kaya’t kinailangan nilang lakarin ang natitirang 800 milya. Sa Peoria, Illinois, pinagdudahan ng mga lokal na awtoridad ang mga Manning bilang potensyal na aliping tumakas at hiningi ang kanilang mga papeles upang patunayan ang kanilang malayang katayuan. Ang rasismo (kapootang panlahi) ay isang balakid na haharapin ni Jane sa buong buhay niya.

litrato ni Jane Manning James

Litrato ni Jane Manning James.

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Pagdating sa Nauvoo, agad naging kaibigan ni Jane sina Joseph at Emma Smith. Nakitira siya sa kanila at nagtrabaho sa kanilang tahanan. Minsan, inanyayahan ni Emma si Jane na maampon bilang anak ng pamilya Smith sa pamamagitan ng pagbubuklod ng priesthood.2 Tumanggi si Jane, dahil hindi niya nauunawaan ang di-pamilyar at bagong gawi, subalit matibay ang paniniwala niya sa tungkulin ni Joseph bilang propeta. “Kilala ko si Propetang Joseph,” pinatotohanan niya kalaunan. “Siya ang pinakamahusay na taong nakita ko sa lupa. … Natitiyak ko na siya ay propeta dahil nalaman ko ito.”3

Sa pamamagitan ng pakikipag-usap kay Joseph at sa ina nito, si Lucy Mack Smith, nalaman pa ni Jane ang tungkol sa Aklat ni Mormon at ang pagsasalin nito at nagtamo ng kaalaman tungkol sa at ng paggalang sa mga ordenansa sa templo.

Pinakasalan ni Jane si Isaac James, isang nagbalik-loob na malayang itim na tao mula sa New Jersey. Nilisan nila, kasama ang anak ni Jane na si Sylvester, ang Nauvoo noong 1846 upang magtungo sa kanluran kasama ng mga Banal. Noong Hunyo ng taong iyon, ang anak nina Jane at Isaac na si Silas ay isinilang. Nang sumunod na taon ay naglakbay ang pamilya patawid sa kapatagan, at dumating sa Salt Lake Valley noong taglagas ng 1847. Sina Isaac at Jane ay nagkaroon ng anim pang anak, kung saan dalawa lang ang nabuhay nang mas matagal kaysa kay Jane. Gaya ng iba pang mga unang naninirahan sa Salt Lake Valley, masigasig na nagtrabaho sina Jane at Isaac para sa kanilang pamilya. Nagtrabaho si Isaac bilang isang manggagawa at paminsan-minsang kutsero ni Brigham Young, at naghabi ng tela si Jane, gumawa ng mga damit, at naglabada, tulad ng ginawa niya sa Nauvoo.

Ang tensyon sa pagsasama ay humantong sa diborsyo nina Isaac at Jane noong 1870. Kalaunan ay ikinasal si Jane sa isang dating alipin, si Frank Perkins, ngunit pagkalipas ng dalawang taon ay muli siyang namuhay bilang isang solong magulang at lola. Ang pangangailangang pinansyal at ang pagkamatay ng tatlong anak ang natulak kay Jane na bumalik sa pagtatrabaho. Gumawa at nagbenta siya ng mga sabon, habang ang dalawa niyang anak na lalaki ay nagtrabaho bilang mga manggagawa. Noong 1890, pagkatapos malayo sa loob ng 20 taon, bumalik si Isaac sa Salt Lake City, at bumalik sa pagiging miyembro ng Simbahan, at bumuo ng mapayapang uganayan kay Jane. Nang mamatay si Isaac makalipas ang isang taon, ginanap ang burol sa bahay ni Jane.

Sa lahat ng mga paghihirap sa buhay niya, nanatiling tapat si Jane sa kanyang pananampalataya sa mga turo ng ebanghelyo at pinahalagahan ang kanyang pagiging miyembro ng Simbahan. Nag-ambag siya sa pagtatayo ng templo at nakibahagi sa Relief Society at sa Young Ladies’ Retrenchment Society.4 Saganang naranasan ni Jane ang mga kaloob ng Espiritu, kabilang na ang mga pangitain, panaginip, at pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang pagsasalita ng mga wika. “Ang aking pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo,” isinulat niya kalaunan, “ay kasinglakas ngayon, hindi, kung posible ay mas malakas pa ito kaysa sa araw na ako ay unang nabinyagan.”5

Sa pagitan ng 1884 at 1904, paminsan-minsan ay nakikipag-ugnayan si Jane sa mga lider ng Simbahan—kina John Taylor, Wilford Woodruff, Zina D. H. Young, at Joseph F. Smith—at humingi ng pahintulot na matanggap ang kanyang endowment sa templo at mabuklod.6 Noong panahong iyon, ang mga itim na lalaki at babae na mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi pinahihintulutan na lumahok sa halos lahat ng mga ordenansa ng templo. Noong 1888, pinahintulutan ng stake president na si Angus M. Cannon si Jane na magpabinyag para sa kanyang yumaong kaanak.7 Kalaunan pinayagan siya ng mga lider ng Simbahan na mabuklod sa pamamagitan ng proxy sa pamilya ni Joseph Smith bilang isang lingkod noong 1894, na isang kakaibang pangyayari. Bagamat hindi siya nakatanggap ng endowment sa templo o pagbubuklod ng pamilya noong siya ay nabubuhay pa, ang mga ordenansang ito ay isinagawa para sa kanya noong 1979.8

Namatay siya noong Abril 16, 1908, sa edad na 95, laging isang matapat na Banal sa mga Huling Araw. Iniulat ng Deseret News, “Iilang mga tao lamang ang mas kilala sa kanilang pananampalataya at katapatan kaysa kay Jane Manning James, at bagamat aba ang kanyang pinagmulan siya ay may daan-daang mga kaibigan at kakilala.”9

Mga Tala

  1. Ang ina ni Jane ay naging alipin ngunit napalaya dahil sa gradual emancipation law ng Connecticut. Isinilang na malaya si Jane, ngunit ang pang-aalipin ay legal sa estado hanggang sa matapos lumisan si Jane. Tungkol sa buhay ni Jane, tingnan sa Henry J. Wolfinger, “A Test of Faith: Jane Elizabeth Manning James and the Origins of the Utah Black Community,” sa Clark Knowlton, ed., Social Accommodation in Utah (Salt Lake City: University of Utah, 1975), 126–75 at Quincy D. Newell, “The Autobiography and Interview of Jane Elizabeth Manning James,” Journal of Africana Religions, tomo 1, blg. 2 (2013), 251–91.

  2. Liham ni Zina D. H. Young kay Joseph F. Smith, Ene. 15, 1894, Church History Library, Salt Lake City.

  3. “‘Aunt’ Jane James,” sa “Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, tomo 16, blg. 12 (Dis. 1905), 551, 553.

  4. Eighth Ward Relief Society Minutes and Records, 1867–1969, Eighth Ward, Liberty Stake, Ago. 20, 1874; Okt. 20, 1874; Dis. 21, 1874; Ene. 20, 1875; Mar. 22, 1875; Mayo 20, 1875; Nob. 20, 1875, tomo 1, Church History Library, Salt Lake City [ginamit ni Jane ang apelyidong Perkins sa maikling panahon]; “Ladies Semi-monthly Meeting,” Woman’s Exponent, tomo 22, blg. 9 (Dis. 1, 1893), 66. Nagbigay si Jane ng pera para sa pagtatayo ng mga Templo sa St. George, Logan, at Manti, at nag-ambag sa Misyon sa mga Lamanita (Indian). Tingnan sa Linda King Newell at Valeen Tippetts Avery, “Jane Manning James,” Ensign, Ago. 1979, 29.

  5. Jane Elizabeth Manning James autobiography, circa 1902, idinikta kay Elizabeth J. D. Roundy, Church History Library, Salt Lake City, 22.

  6. Liham ni Jane E. James kay John Taylor, Dis. 27, 1884; Liham ni Jane E. James kay Joseph F. Smith, Peb. 7, 1890; Liham ni Jane E. James kay Joseph F. Smith, Ago. 31, 1903.

  7. Liham ni Angus M. Cannon kay Jane E. James, Hunyo 16, 1888; tingnan din sa Tonya Reiter, “Black Saviors on Mount Zion: Proxy Baptisms and Latter-day Saints of African Descent,” Journal of Mormon History, tomo 43, blg. 4 (Okt. 2017), 100–123.

  8. Jane Elizabeth Manning James autobiography, circa 1902. Idinikta ni Jane ang kanyang talambuhay sa Salt Lake City sa pagitan ng 1902 at 1908; Ronald G. Coleman at Darius A. Gray, “Two Perspectives: The Religious Hopes of ‘Worthy’ African American Latter-day Saints before the 1978 Revelation,” sa Newell G. Bringhurst at Darron T. Smith, eds., Black at Mormon (Urbana: University of Illinois Press, 2004), 54. Tingnan din sa Quincy D. Newell, “The Autobiography and Interview of Jane Manning James,” Journal of Africana Religions, tomo 1, blg. 2 (2013), 256, 275 (note 34).

  9. “Death of Jane Manning James,” Deseret News, Abr. 16, 1908.