“Mga Pamayanan ng mga Pioneer,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Pamayanan ng mga Pioneer”
Mga Pamayanan ng mga Pioneer
Habang pinagninilayan ng mga mambabatas ang malawak na Hilagang Kanlurang Amerika na may interes sa pagpapalawak ng Estados Unidos, nakita ni Joseph Smith ang potensyal para sa mga Banal sa mga Huling Araw na itatag at palawakin ang Sion. Apat na buwan bago ang kanyang pagkamatay, hinimok ni Joseph ang Korum ng Labindalawang Apostol na maghanap ng mga posibleng pamayanan sa California at Oregon, inaasam kung paano “mabilis na magtatayo ng pamayanan” ang mga Banal at “magkaroon ng ating sariling [pamahalaan].” Bago at pagkatapos mapaslang si Joseph noong 1844, pinagnilayan ng Konseho ng Limampu ang iba’t ibang lugar para pamahayan, at kalaunan ay napili ang mga lambak sa bundok malapit sa Great Salt Lake. Naging agaran ang kanilang mga plano noong 1846 matapos iginiit ng mga opisyal ng estado ng Illinois na lisanin ng mga Banal ang Nauvoo.
Sa loob ng isang dekada, ang mga Banal sa mga Huling Araw na ginabayan pakanluran ni Brigham Young ay nagtatag ng isang lugar upang tirhan sa loob at paligid ng Lambak ng Great Salt Lake. Kapag unang dumarating sa isang lugar, madalas makasalubong ng mga Banal ang mga komunidad ng mga Katutubong Amerikano na naninirahan na sa lupain. Sa kabila ng kanilang pag-asa ng payapang pakikipamuhay, ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Katutubong Amerikano ay madalas na mahirap, lalo na at ang dalawang grupo ay itinuturing ang lupain at mga pinagkukunan ng may magkaiba at kung minsan ay magkasalungat na mga inaasahan. Sumusunod sa mga mas malawak na huwaran ng pamayanan, karaniwang inaangkin at ginagamit ng mga Banal sa mga Huling Araw ang anumang lupain na kanilang pinili upang tirhan. Ang saklaw at epekto ng mga pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lugar ay nakalulungkot na nagpaalis sa mga Katutubong pangkat mula sa kanilang sariling bayan.
Sa unang bahagi ng dekada ng 1860, dose-dosenang mga komunidad na sinunod ang isang urban template mula sa mga paghahayag kay at disenyo ni Joseph Smith ay itinatag sa pagitan ng Bear Lake Valley sa hilaga at St. George sa timog, sa loob ng 300 milya (480 kilometro) mula sa Salt Lake City. Sa panahon ng panunungkulan ni Brigham Young bilang pangulo (1847–1877), ang mga pagsisikap sa pagtatayo ng mga pamayanan ay umabot din sa Karagatang Pasipiko, nagdudulot sa mga bagong pamayanan na makarating sa kahabaan ng San Bernardino, California, at sa bagong mga sistemang pang-ekonomiya at mga misyon sa mga industriya bago ang taong 1860. Sa kabila ng mahinang klase ng lupa at limitadong suplay ng tubig sa buong pangunahing grupo ng mga pamayanan, naitaguyod ng mga komunidad ng mga pioneer ang pinagsama-samang populasyon na mahigit 96,000 pagsapit ng 1870, na may 11 stake na inorganisa sa Idaho at Utah. Sa pagtatapos ng siglo, nakapagtatag ang mga Banal ng tinatayang 500 komunidad sa kabuuan ng Intermountain West.
Ang panahon ng mga pioneer sa Teritoryo ng Utah ay natapos sa pagdating ng mga riles ng tren noong 1869 at sa kasunod na paglawak ng linya ng riles ng tren sa buong rehiyon. Gayunman, nagpatuloy ang mga pagsisikap sa pagtatayo ng mga pamayanan sa mga kolonya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Mexico at Canada noong dekada ng 1880. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, kakaunti na lamang ang mga bagong pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw, at bumaling ang mga Banal sa pagpapabuti ng simbahan, pamilya, at buhay komunidad kung saan sila nakatira.
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Kolonya sa Mexico, Lambak ng Salt Lake, Utah, Sion/Bagong Jerusalem