“Paglilitis kay Joseph Smith Noong 1826,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Paglilitis kay Joseph Smith Noong 1826”
Paglilitis kay Joseph Smith Noong 1826
Noong 1826, inupahan ni Josiah Stowell si Joseph Smith para tumulong na hanapin ang nawalang Espanyol na pilak malapit sa hangganan ng New York at Pennsylvania. May isang tao sa komunidad, posibleng malayong kamag-anak ni Stowell, ang nag-akusa kay Joseph na tumititig sa isang bato upang tuklasin ang nawawalang ari-arian. Bunga nito, inatasan si Joseph na humarap sa huwes ng kapayapaan na si Albert Neely sa Chenango County, marahil sa mga paratang ng panggugulo. Ang pagkakadakip sa kanya ay tila batay lamang sa isang kautusan sa batas ng estado ng New York na nagbabawal sa “pagkukunwari . . . na tuklasin kung saan maaaring matagpuan ang nawawalang kalakal.”1 Apat na salaysay ang naglarawan sa pagdinig na ito, lahat ay nagsasaad na walang malubhang legal na epekto kay Joseph. Ang iba pang mga detalye ay iba-iba at kung minsan ay hindi magkakatugma.2
Sa kanyang salaysay, agad na sumang-ayon si Joseph na paminsan-minsan niyang ginamit ang kanyang bato ng tagakita upang hanapin ang nawawalang ari-arian, ngunit itinigil na niya ang gawaing ito—sumasakit ang kanyang mga mata, sabi niya. Hindi siya humiling ng gayong gawain at “sa halip ay palaging tinanggihan na magkaroon ng anumang kaugnayan sa trabahong ito.”3 Sinuri ng hukom ang bato at tinanong ang iba pang mga saksi, kabilang na ang ama ni Joseph, si Joseph Smith Sr., at ang amo ni Joseph, si Josiah Stowell.
Tumestigo sina Joseph Sr. at Josiah Stowell na tumugon si Joseph sa mga kahilingan na gamitin ang kanyang bato ng tagakita para lamang tulungan ang mga kaibigan o, sa kaso ni Stowell, para tulungan si Stowell at ang iba pang mga upahang manggagawa na naghuhukay ng kayamanan. Nagtiwala si Stowell kay Joseph at pinahalagahan ang kanyang gawain. Umasa si Joseph Sr. na hindi aabusuhin ng kanyang anak ang kaloob sa paghahanap ng mga kayamanan sa lupa at nagdasal na ihayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa binata. Naniniwala ang ilang mga saksi na nagbigay-salaysay sa kahusayan ni Joseph; ang iba ay hindi.4
Ang kinalabasan ng pagdinig ay nananatiling isang palaisipan. May isang sinasabing tala ng korte na nagpapahiwatig na napagtanto ng hukom na may-sala si Joseph. Isang kapitbahay ni Josiah Stowell ang nagsabing “kinondena” ng hukuman si Joseph subalit hinayaan siyang makatakas dahil sa kanyang kabataan. Isang kaibigan ng hukom na nagsasabing gumawa ng mga tala sa pagdinig ang sumulat na tinanggap ng hukom ang salaysay ni Stowell at pinawalang-sala si Joseph. Si Oliver Cowdery, na hindi dumalo sa pagdinig (nakilala niya si Joseph Smith pagkaraan ng tatlong taon), ay binanggit ang malamang na resulta dahil sa kakulangan ng mga dokumento, na si Joseph ay pinawalang-sala sa pagiging taong mapanggulo.5