Great Depression
Ang pagbagsak ng stock market noong 1929 ay nagdulot ng magkakasunod na matinding dagok sa ekonomiya sa iba’t ibang panig ng mundo na siyang nagpalaganap ng kahirapan, sumira ng mga institusyon sa pananalapi, at nagpahina sa pandaigdigang kalakalan. Ang malawakang krisis na ito, na kilala bilang Great Depression, ay nagkaroon ng epekto sa halos lahat ng bansa sa mundo. Noong panahong iyon, mga 90 porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan ay nakatira sa Estados Unidos, kung saan tumagal ang Depression nang isang dekada. Karamihan sa natitirang mga miyembro ay nakatira sa Canada, Europa, mga Isla ng Pasipiko, Gitna at Timog Amerika, at Asya, kung saan nakita ang ilan sa pinakamasasamang epekto ng Great Depression. Halos bawat kongregasyon ng Simbahan ay dumanas ng mabigat na problema sa kabuhayan at kita ng mga miyembro, na naghikayat ng mga lokal at pangkalahatang tugon mula sa Simbahan.1
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng kababaihang naglilingkod sa Relief Society sa pangangalaga sa mga maralita at pangangasiwa ng mga programang pangkapakanan bago at sa mismong panahon ng Depression. Sa Germany, kung saan ang problema sa pananalapi ay pinalala ng obligasyon ng bansa na magbayad ng mga danyos matapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, ang mga programa ng Relief Society tulad ng mga pagtitipon sa pananahi at mga tiyanggeng nagbebenta ng mga gawang kamay ay naging napakahalagang maagang tugon sa krisis.2 Ang kababaihan at kalalakihan ay nagdagdag ng mga pagtatanghal ng musika, pagsasayaw, pagbabasa ng tula, at pananalita sa mga tiyangge at pangangalap ng pondo, na nagpapagaan ng mga loob habang nagkakalap ng pondo para sa mga maralita.3 Sa unang pagbagsak ng ekonomiya sa Estados Unidos, nangalap ang mga miyembro ng Relief Society ng mga donasyon at nagboluntaryo sa mga pabrika ng pagkain at mga patahian. Ang mga bishop at mga lider ng Relief Society ay nagtulungan upang matukoy ang mga pamilyang nangangailangan at mamahagi ng mga pagkain at kagamitan sa mga maralita.
Nakipagtulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga lokal at pamahalaan ng estado, mga Protestante, Katoliko, at mga pribadong ahensyang tumutulong upang tulungan ang mga nangangailangan. Halimbawa, itinalaga ng gobernador ng Utah na si George Dern si Presiding Bishop Sylvester Q. Cannon bilang pinuno ng Nagpapayong Konseho ng Estado Ukol sa Kawalan ng Trabaho [State Advisory Council of Unemployment], na nagrerepaso ng mga estratehiya sa pagtugon batay sa iba’t ibang hakbang, kabilang na ang survey ng hanapbuhay sa bawat tahanan na isinasagawa ng Lunsod ng Salt Lake. Ginagamit din ng pamahalaan ng estado ang Social Service Exchange ng Relief Society bilang tagapamagitan para sa iba’t ibang pagsisikap na pangkawanggawa. Ang pagtutulungang ito ay pinamunuan ni Amy Brown Lyman, na naglilingkod bilang unang tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Relief Society.4 Ngunit habang nagpapatuloy ang krisis at ang mga problemang idinudulog sa kanila ay nagsimulang lumampas sa kakayahan ng Relief Society Social Service Department, ang mga lider sa stake at mga lider sa pangkalahatang antas ay naghanap ng mga paraan upang palawakin ang mga programang pangkapakanan para mas masuportahan ang mga miyembro ng Simbahan.5
Sa Pioneer Utah Stake, kung saan ang karaniwang personal na kita ay bumagsak sa halos kalahati, naglunsad ng mga programa ang stake president na si Harold B. Lee upang mapahusay ang imbentaryo ng kamalig at magbigay ng mga oportunidad sa trabaho. Nang mapansin ang tagumpay sa paraan ng pagtugon ng stake na ito, itinalaga ng Unang Panguluhan si Lee na pamunuan ang Pangkalahatang Komite sa Seguridad ng Simbahan [General Church Security Committee] at bumuo ng planong pangkapakanan ng Simbahan. Noong 1933 at 1934, bumuo ng plano ang komite na bahagyang kawangis sa mga programang pangkapakanan ng Relief Society upang magbigay ng tulong sa oras ng pangangailangan habang nililinang ang personal na kapamaraanan at kalayaan sa pananalapi.6 Ang bagong Church Security Plan na ito, na ipinaalam noong 1936, ay naging tanda ng simula ng makabagaong programang pangkapakanan ng Simbahan.
Maraming bansang naghirap sa panahon ng Depression ang nagpatupad ng iba’t ibang estratehiya sa pagbangon, tulad ng mga reporma sa mga institusyon ng bangko, pagkansela ng mga interes sa utang, pagtataguyod ng mga proyektong pang-imprastraktura at programang pangkapakanan, at pagbibigay ng direktang pagbabayad sa mga walang trabaho. Ipinakilala ng Great Britain at ng Estados Unidos ang mga bagong regulasyon at mga programa sa stock market upang maiwasan ang pagkaligalig at protektahan ang mga merkado. Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada ng 1930, karamihan sa mga nalugmok na bansa ay nagsimulang makabangon, at sa pagsapit ng 1939, ang produksyon at karaniwang personal na kita ay umaabot na sa mga antas na katulad ng 1929. Ang simula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1939 ay nagpakilala ng isang bagong krisis sa ekonomiya, sa pagkakataong ito ay hinimok ang mga industriya sa maraming bansa na dagdagan ang produksyon bilang suporta sa digmaan.7 Ang mga bagong pamantayan sa pagbabangko, pagbaba ng dami ng pandaigdigang kalakalan, at ang maagang epekto ng digmaan ay nagdulot ng pagwawakas ng Great Depression.8
Mga Paksa: Mga Welfare Program, Relief Society, Amy Brown Lyman, Harold B. Lee