Kasaysayan ng Simbahan
Brigham Young


“Brigham Young,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Brigham Young”

Brigham Young

Talambuhay, Pagbabalik-loob, at Pagiging Apostol

Isinilang si Brigham Young sa Vermont noong 1801 bilang ikasiyam sa 11 magkakapatid. Lumaki siya sa isang pamilyang lumipat nang ilang ulit sa paghahanap ng isang matatag na hanapbuhay. Iginiit ng kanyang mga magulang ang mahigpit na pagsunod sa Biblia at indibidwal na kasipagan sa bawat isa sa kanilang mga anak. Nilisan ni Brigham ang kanilang tahanan sa edad na 16, dalawang taon matapos pumanaw ang kanyang ina dahil sa tuberkulosis. Ipinakilala sa kaniya ang Aklat ni Mormon agad matapos ang paglilimbag ng aklat noong 1830 subalit pinag-aralan niya ang ebanghelyo nang dalawang taon bago niya tinanggap ang binyag. Mabilis siyang natuto upang masuportahan ang propeta sa “pagtitiis at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 21:5) matapos marinig ang pangitain ni Joseph Smith tungkol sa mga antas ng kaluwalhatian, na tila salungat sa pananaw ni Brigham ukol sa pagkabuhay na mag-uli. Tinanggap niya ang paghahayag at hinikayat ang iba na gawin din ang gayon.1

Nagmartsa si Brigham patungong Missouri kasama ang Kampo ng Israel (na kalaunan ay tinawag na “Kampo ng Sion”)2 noong 1834, at hindi nagtagal matapos ang pagbalik ng kampo sa Kirtland, Ohio, hinirang siyang maglingkod bilang Apostol sa Korum ng Labindalawa. Noong 1837, nang ilang mga lider, kabilang ang ilang mga Apostol, ay hindi tinanggap ang pamumuno ni Joseph Smith sa Kirtland, humikayat si Brigham ng mga tagasuporta upang pangalagaan ang Simbahan at sang-ayunan ang Propeta. Matapos magbitiw ni Thomas B. Marsh mula sa Labindalawa, humalili si Brigham kay Marsh bilang pangulo ng Korum at ginampanan ang isang mahalagang papel sa paggabay sa mga Banal patungo sa kanlungan noong panahon ng mga pag-uusig sa Missouri.3 Noong sumunod na taon, umalis si Brigham kasama ang iba pang mga Apostol sa isang misyon sa Britain, kung saan niya hinimok ang pagkakaisa sa Korum ng Labindalawa at tumulong na mabinyagan sa Simbahan ang ilang libong katao.

Sa Nauvoo, isa si Brigham sa mga unang tumanggap ng bagong ipinahayag na endowment sa templo.4 Matapos ituro ni Joseph Smith ang tungkol sa maramihang pag-aasawa, si Brigham, sa pahintulot ng kanyang asawang si Mary Ann, ay pinakasalan si Lucy Ann Decker noong 1842.5 Noong unang bahagi ng 1844 ay sumapi siya sa Konseho ng Limampu, isang grupong naatasang mangasiwa sa paghahanap ng mga lugar na maaaring tirahan ng mga Banal sa mga Huling Araw.6

Noong 1844, habang nangangampanya para sa kandidatura ni Joseph Smith sa pagkapangulo ng Estados Unidos, nalaman ni Brigham na sina Joseph at Hyrum Smith ay pataksil na pinatay.7 Agad siyang umalis patungo sa Nauvoo, dumating noong Agosto at nakipag-usap sa iba pang mga lider ng Simbahan upang matukoy kung paano magpapatuloy. Sa isang pangkalahatang pulong ng mga Banal, iminungkahi niya na ang Labindalawa ang dapat mamuno sa Simbahan bilang isang korum, isang mungkahing halos buong pagkakaisang sinang-ayunan ng mga nagtipon.8 Binigyang-diin din ni Brigham ang pangangailangan na matapos ang Nauvoo Temple bago lisanin ng mga Banal ang lunsod. Matapos ang bahagyang paglalaan ng templo noong Disyembre 1845, pinamahalaan niya ang pagsasagawa ng mga ordenansa para sa libu-libong mga Banal sa templo, madalas ay pinangangasiwaan ang mahahaba at mahihirap na oras, bago lisanin ang lunsod patungong Kanluran.9 Noong 1847 ay tumanggap siya ng paghahayag (kalaunang kinilala bilang Doktrina at mga Tipan 136) na inuulit kung paano dapat isaayos ng mga lider ng mga Banal ang exodo at ginabayan ang paunang grupo patungo sa Lambak ng Salt Lake sa taon ding iyon.10 Noong Disyembreng iyon, matapos makabalik mula sa Iowa, muling inorganisa ni Brigham ang Unang Panguluhan sa Kanesville, Iowa, kasama sina Heber C. Kimball at Willard Richards bilang kanyang mga tagapayo.11

larawan ni Brigham Young

Ang pinakaunang kilalang litrato ni Brigham Young, circa 1845.

Propeta sa Ilang

Sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young, nagtulungan ang mga Banal na magtayo ng mga pamayanan sa hindi pamilyar na lupain ng Great Basin.12 Sa pag-aangkop sa kanilang kapaligiran, mas pinalalim ng mga Banal ang kanilang katapatan sa isang natatangi at komunal na kultura, tiniis ang taggutom, at nagtayo ng maraming komunidad sa ilang lugar mula Mexico at timog California patungong Idaho at Canada. Nagpakita si Brigham ng isang pambihirang pananaw sa pag-oorganisa ng mga komunidad, pagsuporta sa pabagu-bagong ekonomiya ng mga malalayo at liblib na lugar, at pagtanggap sa patuloy na pagdaloy ng mga nandarayuhan. Sa gitna ng lahat ng ito, napanatili niya ang pagtuon ng pansin sa nagkakaisang layunin ng pagtatayo ng Sion.13 “Nasa pananaw ko ang Sion nang palagian,” sinabi niya. “Hindi tayo maghihintay ng mga anghel, o kay Enoc at sa kanyang mga kasama na dumating at itatag ang Sion, ngunit ating itatayo ito.”14 Bagama’t hayagan siyang magsalita at matalas kung minsan, ang kanyang mga kapwa Banal ay naalala siya bilang isang maasikaso at minamahal na lider na nagmalasakit para sa kanilang kapakanan.15

Umasa si Brigham na itaguyod ang kapayapaan sa mga grupo ng mga American Indian sa rehiyon. Kung minsan, gayunman, nakipag-alitan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kanila, at nagpahayag si Brigham ng kalungkutan sa paraan kung paano naganap ang mga salungatang ito.16 Naglilingkod siya bilang Gobernador ng Teritoryo sa Utah noong 1857–58 noong nagpadala ng mga hukbo ang pamahalaan ng Estados Unidos upang kitilin ang inaakalang kawalan ng batas sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Utah.17 Noong nagaganap ang pagkabalisa para sa pagdating ng hukbo ng Estados Unidos, ilang mga Banal sa mga Huling Araw ang walang-awang pinaslang ang isang pangkat ng mga nandarayuhan na dumaraan sa teritoryo ng Utah sa Mountain Meadows.18 Bagama’t marahil ay nag-ambag ang masisidhing mensahe niya at ng iba pang mga lider sa saloobin ng pagkapoot na humantong sa trahedya, inatasan ni Brigham ang mga Banal na hayaan ang mga nandayuhan.19

Habang nakatuon ang kanyang pansin sa mga pakikibaka ng mga Banal sa Utah, nasa isip ni Brigham Young ang kanyang mga responsibilidad bilang propeta sa mundo. Nagbigay siya ng mga paghirang sa mga missionary na maglilingkod sa continental Europe, Africa, Asya, at Timog Amerika.20 Bago ang kanyang pagpanaw, lahat o halos lahat ng nilalaman ng Aklat ni Mormon ay inilathala sa wikang Danish, French, Welsh, German, Italian, Hawaiian, Swedish, at Espanyol. Sa kabila ng mga hadlang na bunga ng pagkakaiba sa kultura noong panahong iyo, si Brigham ay nagsikap upang matulungan ang mga nandarayuhan na may iba’t ibang kultura at wika na magtipon sa Teritoryo ng Utah at magtatag ng mga tahanan kasama ang mga Banal.21

larawan ni Brigham Young

Larawan ni Brigham Young sa Utah, circa 1870.

Buhay-Pamilya

Pinakasalan ni Brigham Young ang kanyang unang asawa, si Miriam Works, sa New York noong 1824. Ilang buwan matapos silang kapwa mabinyagan, pumanaw si Miriam dahil sa tuberkulosis. Ang pangalawang asawa ni Brigham, si Mary Ann Angell, ay tumulong na palakihin ang mga anak ni Miriam bilang kanyang mga sariling anak, pinangalagaan ang kanilang tahanan nang mag-isa sa madalas na pagliban ni Brigham para sa mga misyon, at tinanggap ang maramihang pag-aasawa noong ipinakilala sa alituntunin.

Bagama’t noong una ay nabahala, agad naging tagapagtaguyod si Brigham Young para sa pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa. Sa pagtatapos ng kanyang buhay, kilalang-kilala si Brigham bilang ama ng isang malaking maramihang pamilya. Nabuklod siya sa mahigit 50 kababaihan, marami subalit hindi lahat ay namuhay sa piling niya. Ilan marahil ay itinuturing ang pagbubuklod nila kay Brigham bilang pagkakaroon ng espirituwal sa halip na pantahanang kahalagahan. Si Brigham at ang 16 sa kanyang mga asawa ay may kabuuang 56 na anak. Bilang mga magulang, bumuo sila ng mga bagong tradisyon upang pamahalaan ang malaking pamilya.22 Dalawa sa kanyang mga asawa ay kalaunang naging mga Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society: sina Eliza R. Snow at Zina D. Huntington Jacobs.23 Marami sa mga anak ni Brigham, gayundin ang mga ulila na inampon ng pamilya, ay nagtala ng masasayang alaala ng kanyang presensya bilang ama at impluwensya sa kanilang mga buhay.

Mga asawa at anak na babae ni Brigham Young

Isang larawan ng 8 sa asawa ni Brigham Young at 16 sa kanyang anak na babae, circa 1893.

Mga Pagbabago sa Organisasyon ng Simbahan

Noong huling dekada ng kanyang buhay, ipinakilala ni Brigham Young ang maraming pagbabago sa organisasyon ng Simbahan. Noong 1867 ay inatasan ni Brigham ang mga kababaihan na muling organisahin ang Relief Society at maglunsad ng mga grupo sa bawat ward. Noong taon ding iyon, inorganisa niya ang isang pangkalahatang lupon na mangangasiwa sa mga lokal na Sunday School. Noong 1869, sa tulong ng mga kanyang asawa at mga anak na babae, hinikayat niya ang kilusan sa pagtitipid (retrenchment movement), na di-naglaon ay humantong sa pagbuo ng isang mas malaking organisasyon para sa mga kabataang babae.24 Ang pag-usad sa pagtatayo ng Salt Lake Temple ay naging mabagal, at noong dekada ng 1870 ay pinamahalaan niya ang pagtatayo ng templo sa St. George at nagplano ng iba pang mga templo sa Manti at Logan.25 Nang malapit nang matapos ang pagtatayo ng St. George temple noong 1877, nakipagtulungan si Brigham sa iba na isulat ang mga ordenansa sa templo sa unang pagkakataon upang matiyak na magpapatuloy ang gawain sa templo pagkatapos ng kanyang pagpanaw ayon sa nakikinita niya. Kasama sa kanyang huling gawain bilang Pangulo ng Simbahan, pinaigi at pinasimple ni Brigham Young ang mga responsibilidad at ugnayan ng mga korum ng priesthood at inilaan ang St. George temple. Pumanaw siya noong Agosto 29, 1877, sa edad na 76.

Mga Kaugnay na Paksa: Susa Young Gates, Zina D. H. Jacobs Young, Eliza R. Snow, Paglalakbay ng mga Pioneer, Mga Pamayanan ng mga Pioneer, Salt Lake Temple, Mga Nagkakaisang Orden, Cooperative Movement, Mountain Meadows Massacre, Digmaan sa Utah, Repormasyon noong 1856–1857, Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan, Hinirang na Korum (“Banal na Orden”), Konseho ng Limampu, Pag-alis sa Nauvoo, Kaloob na mga Wika, Maramihang Pag-aasawa sa Utah, Korum ng Labindalawa, Mga Pagbabago sa Organisasyon ng Priesthood, Pandarayuhan, Pagtatayo ng Templo, Riles ng Tren, Alpabetong Deseret, Pagtitipid