Kasaysayan ng Simbahan
Wilford Woodruff


“Wilford Woodruff,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Wilford Woodruff”

Wilford Woodruff

Si Wilford Woodruff ay naglingkod bilang ikaapat na Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pagitan ng 1889 hanggang sa kanyang kamatayan noong 1898. Tubong Connecticut, nabinyagan siya noong 1833. Lumahok siya sa ekspedisyon ng Kampo ng Israel at naglingkod sa maraming misyon.1 Matapos maorden bilang Apostol noong 1839, naglingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa loob ng mahigit 50 taon. Ang kanyang mga regular at detalyadong diary ay nananatiling isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng naunang kasaysayan ng Simbahan.

profile na larawan ni Wilford Woodruff

Profile na larawan ni Wilford Woodruff.

Sa kagandahang-loob ng Church History Department

Pinakasalan ni Woodruff si Phebe Whittemore Carter noong 1837. Noong dekada ng 1840 ay tinanggap niya ang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa na itinuro ni Joseph Smith, at sa pagitan ng 1846 at 1877 ay pinakasalan niya ang hindi bababa sa pitong iba pang kababaihan. Siya ay ama ng 34 na mga anak.2

Noong 1877, si Woodruff ang naging unang taong naglingkod bilang temple president nang matapos ang St. George Utah Temple. Naglingkod siya bilang pangulo ng templong iyon hanggang 1884. Matapos ang pagkamatay ni John Taylor noong 1887, pinamunuan ni Woodruff ang Simbahan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, at pagkalipas ng dalawang taon ay muli niyang inorganisa ang Unang Panguluhan at sinang-ayunan siya bilang Pangulo ng Simbahan.3

Matapos humingi ng paghahayag tungkol sa hinaharap ng Simbahan noong 1890, tumanggap si Woodruff ng inspiradong patnubay na magpalabas ng isang dokumento na tinatawag na Pahayag, na nagpasimula ng pagbabago palayo sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa.4 Kasunod ng paghahayag noong 1894, ipinakilala niya ang pagbabago sa gawain ng mga pagbubuklod ng Simbahan, itinuturo sa mga Banal na ibuklod ang kanilang sarili sa kanilang mga ninuno kahit na ang kanilang mga ninuno ay hindi sumapi sa Simbahan. Pinalitan nito ang kaugalian ng pagbubuklod ng sarili o ng mga ninuno sa mga missionary o sa mga lider ng Simbahan sa pamamagitan ng pag-ampon na pagbubuklod. Upang masuportahan ang gawaing ito, inilunsad ni Woodruff ang mga pagsisikap na isulong ang pagsasaliksik sa talaangkanan, kabilang na ang pagtatatag ng Genealogical Society of Utah. Iniatas din ni Pangulong Woodruff ang mga unang pagtawag sa mga dalaga na magmisyon, nagbubukas ng bagong panahon ng paglilingkod ng mga babaeng missionary.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni Wilford Woodruff, tingnan ang mga video sa Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org at sa Gospel Library app.

Mga Kaugnay na Paksa: Pahayag, Pagbubuklod

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Kampo ng Sion (Kampo ng Israel).

  2. Reid L. Neilson, pat., In the Whirlpool: The Pre-Manifesto Letters of President Wilford Woodruff to the William Atkin Family, 1885–1890 (Norman, OK: Arthur H. Clark, 2011), 204–206. Sa ilang tala, ikinasal si Woodruff sa mahigit walong babae, bagama’t ang mga mananalaysay ay hindi magkasundo sa eksaktong bilang. Halos tatlo sa kanyang pagpapakasal ay humantong sa diborsyo. Tingnan sa Laurel Thatcher Ulrich, A House Full of Females: Plural Marriage and Women’s Rights in Early Mormonism, 1835–1870 (New York: Knopf, 2017), 156–57, 266.

  3. Tingnan sa Paksa: Unang Panguluhan.

  4. Tingnan sa Opisyal na Pahayag 1.