“Pananalapi ng Simbahan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)
“Pananalapi ng Simbahan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Pananalapi ng Simbahan
Mula sa mga unang araw ng Pagpapanumbalik, inilahad ng paghahayag ang mga aspeto ng misyon ng Simbahan na mangangailangan ng pondo, kabilang na ang pagkalinga sa mahihirap, paglalathala ng mga banal na kasulatan at iba pang mga materyal ng Simbahan, at pagtatayo ng mga bahay-sambahan. Sinunod ni Joseph Smith ang paghahayag gayundin ang kasalukuyang mga pamamaraan ng pagpopondo sa mahahalagang gawaing ito. Ginawa rin ng mga sumunod na lider ang pamantayang ito, iniaakma ang pananalapi ng Simbahan upang matugunan ang mga pabagu-bagong pangangailangan ng Simbahan. Sa paglipas ng panahon, nakaranas ang Simbahan ng mga problema sa pananalapi gayundin ng mga panahong nakapagreserba ito ng pondo.1
Ang mga paghahayag noong 1831 ay nagtatag ng “batas ng paglalaan at pangangasiwa,” kung saan tinagubilinan ang mga miyembro ng Simbahan na ilaan ang kanilang ari-arian upang mas maisulong ang gawain ng Panginoon at maibsan ang kahirapan. Ang mga paghahayag na ito ay nagpatibay din sa katungkulan ng bishop na tumanggap at magpamahagi ng mga inilaang ari-arian.2 Sinunod rin ni Joseph Smith at ng iba pang mga lider ang mga paghahayag na nagpapayo sa kanila na pamahalaan ang mga kalakal at mga paglalathala ng Simbahan sa pamamagitan ng organisasyon na tinatawag na United Firm o Nagkakaisang Samahan.3
Tulad ng ibang mga simbahan noon sa Amerika, gumamit ang mga lider na mga Banal sa mga Huling Araw ng mga promisory note, bills of exchange, mga pautang, stock, at bond.4 Noong 1836, sa Kirtland, Ohio, itinatag ng mga lider ng Simbahan ang Kirtland Safety Society, isang bangko na pinondohan mula sa mga biniling stock. Layunin ng institusyong ito na palawakin ang pagkuha ng puhunan ng mga Banal sa mga Huling Araw at pondohan ang mga gawain ng Simbahan. Sa kasawiang-palad, isang krisis sa pananalapi sa Estados Unidos at sa Britain noong 1837 ang sumaid sa reserbang pondo ng bangko, sumira sa bentahan ng lupa, at nagpalugi ng maraming bangko, kabilang na ang Kirtlland Safety Society.5
Dalawang paghahayag noong 1838 ang nagpasimula ng pagbabago sa pamamaraan ng Simbahan sa pagpondo ng mga gawain nito. Binigyang-diin nito ang kahalagahan ng ikapu bilang paraan ng pagtustos sa gawain ng Simbahan at nagtatag ng konseho na mamamahala sa pagkakagastusan ng ikapu, na nakilala bilang Konseho sa Pamamahala ng mga Ikapu.6
Simula noong 1841, nakipagtransaksyon si Joseph Smith para sa Simbahan bilang “Trustee-in-Trust,” o ang taong legal na responsable sa mga ari-arian ng Simbahan.7 Ito ang pangkaraniwang huwaran ng pag-oorganisa para sa maraming simbahan at iba pang mga institusyon nang panahong iyon.8 Matapos ang kamatayan ni Joseph Smith, sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang Korum ng Labindalawang Apostol upang “pamahalaan ang mga gastusin ng Simbahan” hanggang sa muling maorganisa ang Unang Panguluhan.9
Sa nalalabing bahagi ng ika-19 na siglo, nakipagtulungan ang Trustee-in-Trust sa mga konseho ng Simbahan upang bumili ng mga ari-arian at makipagkalakalan para sa iba pang mga negosyo ng Simbahan, mamuhunan sa pagtatayo ng mga komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw, at pondohan ang pagtitipon ng mga Banal sa North American West.10 Halimbawa, tumulong ang Simbahan na mapadali ang pandarayuhan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa North American West sa pamamagitan ng pagpapautang mula sa Perpetual Emigrating Fund ng Simbahan.11 Noong 1877, sa pagsisikap na matiyak na maingat at tama ang financial record, nag-organisa si Pangulong John Taylor ng isang komite na mag-a-audit at magrerepaso ng lahat ng transaksyong ginawa ng Trustee-in-Trust.12
Naging target ng mga batas laban sa poligamya na ipinatupad ng pamahalaan ng Estados Unidos noong 1880s ang pananalapi ng Simbahan, na humantong sa pagtanggal sa karapatan ng Simbahan at pagkumpiska sa mga pondo at ari-arian nito. Ang pagtaas at pagbaba ng mga bilihin sa merkado at maling pamumuhunan ang sumaid sa natitirang kabuhayan ng Simbahan, na humantong sa malaking pagkakautang nito, isang sitwasyong hinarap ng mga pangulo ng Simbahan na sina Wilford Woodruff at Lorenzo Snow. Matapos ang 1890 Manifesto, nakipagtulungan si Pangulong Woodruff sa mga gumagawa ng batas at opisyal ng korte upang mabawi ang mga ari-arian ng Simbahan at ginawang pribado ang mga negosyong konektado sa Simbahan, isang proseso na ipinagpatuloy ng mga sumunod sa kanya. Noong 1899, hinikayat ni Pangulong Snow ang mga Banal sa mga Huling Araw na pag-bayuhin ang kanilang katapatan sa pag-aambag sa ikapu, na kalaunan ay nakatulong para makaraos sa pinansyal na problema ang Simbahan.13
Noong mga unang taon ng ika-20 siglo, ang Pangulo ng Simbahan na si Heber J. Grant at Presiding Bishop na si Charles Nibley, na dating mga negosyante, ay hinati sa tatlong organisasyon ang mga gawain ng Simbahan na dating pinamamahalaan lamang ng trustee. Noong 1916, ang Corporation of the Presiding Bishop ay itinatag upang mamahala ng mga donasyon at gastusin para sa “mga gawaing pangkawanggawa at bahay-sambahan,” kabilang na ang mga lokal na meetinghouse. Noong 1923, itinatag ni Pangulong Grant ang Corporation of the President, na namahala sa iba pang mga ari-ariang ginamit ng Simbahan para sa layuning pang-relihiyon. Itinatag din niya ang Zion Securities Corporation upang mapamahalaan ang nalalabing organisasyon at ari-arian na binabayaran ng buwis at hindi eklesyastiko. Sa panahong ito, sinikap ni Bishop Nibley na iayon ang mga rekord sa pananalapi ng Simbahan sa makabagong mga pamantayan ng accounting. Sa pagbuti ng sitwasyon sa pananalapi ng Simbahan, sinimulan ng mga lider ng Simbahan ang pagtustos nang hanggang 50 porsyento ng mga halaga ng pagtatayo ng mga lokal na meetinghouse, at ipinabayad ang natirang gastusin sa lokal na badyet. Ang mga patakaran sa pananalapi na ipinatupad ni Pangulong Grant ay hindi nabago hanggang noong 1960s.14
Sa pagitan ng 1915 at 1959, ang taunang ulat ng kita at gastusin ng Simbahan ay inaanunsyo sa pangkalahatang kumperensya. Ipinakita sa mga ulat na ito na karamihan sa mga pondo ay ginastos sa mga gusali ng ward at stake, gusali ng opisina ng headquarters, paaralan ng Simbahan, misyon, at welfare.15 Pagkaraan ng 1959, ang inilahad ng mga auditor sa pangkalahatang kumperensya ay mga resulta lamang ng pangkalahatang audit, tinitiyak sa publiko na sinunod ng mga lider ang nararapat na pamamaraan sa pananalapi at tapat sa kanilang paggamit ng mga pondo ng Simbahan.
Ang lampas sa badyet na paggastos para sa malakihang pandaigdigang programa ng Simbahan na pagtatayo ng mga gusali ng ward at stake noong 1960s ang sumaid sa pondo ng Simbahan. Si N. Eldon Tanner, dating propesyonal na negosyante, ay tinawag sa Unang Panguluhan noong 1963 at pinasimulan ang istriktong pagkontrol ng badyet para sa mga gawain ng Simbahan. Gumawa siya ng plano para sa pananalapi kung saan hinikayat niya ang pag-iipon ng surplus, istriktong paggamit ng badyet, at paggasta gamit ang mga nareserbang pondo. Sa loob lamang ng maikling panahon, natugunan ng Simbahan ang badyet para sa mga gawain at nakabayad ng mga utang.16
Dahil sa napatatag na kundisyon ng pananalapi mas epektibong nasuportahan ng Simbahan ang maraming aspeto ng misyon nito. Halimbawa, simula noong 1900s, ang mga lokal na ward at stake ay gumamit ng mga lokal na donasyon at pondo ng ikapu sa pagbadyet sa kanilang mga gawain. Noong 1990, inanunsyo ng Konseho sa Pamamahala ng Ikapu na lahat ng mga gastusin sa gawain ng mga lokal na unit ay babayaran mula sa mga pondo ng ikapu. Sa sumunod na taon, dahil sa pinagsama-samang pondo ng missionary napagpantay-pantay ang buwanang gastusin ng mga missionary sa lahat ng misyon.17
Matapos ang ilang dekadang paggastos ng surplus at maingat na pagpaplano, ang matapat na kontribusyon ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagparami ng naipong pondo ng Simbahan, na ang malaking bahagi ay ginamit ng mga lider sa muling pamumuhunan, pag-ipon para sa mga pangangailangan sa hinaharap, o paggamit para sa panibagong proyektong pantao at pangkomunidad sa iba’t ibang dako ng mundo.18 Simula noong 2013, gumawa ang Simbahan ng taunang ulat na naglalahad ng detalye ng mga gastusin nito sa mga gawaing-pantao.19
Noong 2019, pinamahalaan ni Pangulong Russell M. Nelson ang pagsasanib ng Corporation of the Presiding Bishop at ang Corporation of the President, at ang kinalabasang korporasyon ay muling pinangalanan na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.20 Sa taon din na iyon, binigyang-diin muli ng Unang Panguluhan ang kanilang matibay na hangaring gamitin nang matalino ang mga sagradong pondo ng Simbahan: “Taimtim naming tinutupad ang responsibilidad na ingatan ang mga ikapu at donasyong natatanggap mula sa mga miyembro. Karamihan sa mga pondong ito ay kaagad na ginagamit para tugunan ang mga pangangailangan ng lumalagong Simbahan kabilang dito ang mas maraming meetinghouse, templo, edukasyon, gawaing-pantao at gawaing-misyonero sa iba’t ibang dako ng mundo.”21
Mga Kaugnay na Paksa: United Firm o Nagkakaisang Samahan (“Nagkakaisang Orden”), Ang Kirtland Safety Society, Bishop, Paglalaan at Pangangasiwa, Ikapu, Pagsasaayos ng mga Ari-arian ni Joseph Smith, Cooperative Movement, Mga Nagkakaisang Orden, Wilford Woodruff, Lorenzo Snow, Heber J. Grant