Kasaysayan ng Simbahan
Bishop


“Bishop,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Bishop”

Bishop

Noong Pebrero 4, 1831, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na tawagin si Edward Partridge bilang unang bishop ng Simbahan.1 Ilang araw lamang pagkatapos ng kanyang pagkakatalaga, isa pang paghahayag kay Joseph Smith ang nagpaliwanag na ang papel na gagampanan ng bishop ay ang pangasiwaan ang pagpapatupad ng mga bagong ipinahayag na batas ng paglalaan. Ayon sa paghahayag, ang bishop ay tatanggap ng inilaang mga ari-arian mula sa mga miyembro ng Simbahan at pamamahalaan ang mga ari-ariang ito para sa kapakinabangan ng mga maralita at para bumili ng lupain sa Sion.2 Noong Hulyo 1831, isa pang paghahayag ang nag-atas kay Bishop Partridge na lumipat sa Jackson County, Missouri, kung saan siya ay bibili ng lupain at hahatiin ito sa mga bahagi, o mana, para sa mga Banal na sumusunod sa batas ng paglalaan.3

larawan ni Edward Partridge

Edward Partridge, unang bishop ng Simbahan.

Isang paghahayag kay Joseph Smith noong Nobyembre 1831 ang nagpalawak sa mga tungkulin ng bishop: siya ang mamamahala sa “lahat ng mga temporal na bagay” sa Simbahan at siya rin ay “magiging isang hukom sa Israel.”4 Makalipas ang ilang buwan, tumanggap ng isa pang paghahayag si Joseph Smith na mas nagbigay-diin na ang bishop ay dapat “punan ang luklukan ng paghatol,” mangasiwa sa batas ng paglalaan, at mananagot sa Diyos para sa kung paano niya isinagawa ang kanyang mga tungkulin.5

Noong 1835, sa pamamagitan ng inspirasyon, binago ni Joseph Smith ang dalawang naunang paghahayag upang linawin ang posisyon at tungkulin ng isang bishop. Ipinaliwanag niya na ang mga “literal na inapo ni Aaron” ay may legal na karapatan sa obispado [bishopric], kung sila ay ang panganay sa mga anak na lalaki ni Aaron.” Kung hindi, isang high priest ang tatawagin upang punan ang katungkulan.6 Bukod dito, nilinaw ni Joseph Smith na ang bishop ay ang pangulo ng Aaronic Priesthood at ang pangulo ng priests quorum.7

Dahil wala na sa Ohio si Partridge pagkatapos ng Hulyo 1831, si Newel K. Whitney ang itinalaga na maging bishop sa Ohio noong Disyembre 1831 sa pamamagitan ng paghahayag. Sina Partridge at Whitney ay patuloy na nanungkulan bilang mga bishop sa Missouri at Ohio at ang tanging dalawang bishop ng Simbahan hanggang sa isang stake ang inorganisa sa Adan-ondi-Ahman sa Missouri noong 1838 at si Vinson Knight ay tinawag na maglingkod bilang bishop.8

Nang nanirahan ang mga Banal sa Nauvoo, Illinois, sina Partridge, Whitney, at Knight ay kapwa mga tinawag na maging bishop: isa para sa bawat isa sa tatlong ward sa lugar. Tumawag ng iba pang mga bishop sa mga bagong stake na nilikha sa Illinois at Iowa Territory, at tumawag ng mga bishop sa mga kongregasyon ng Simbahan sa mga lugar tulad ng Philadelphia. Noong Agosto 1842, hinati ng mataas na kapulungan ng Nauvoo ang Nauvoo sa 13 eklesiyastikal na mga ward at nagtalaga ng mga bishop sa bawat ward.9 Noong Abril ng 1847, si Whitney ay sinang-ayunan bilang unang Presiding Bishop ng Simbahan, isang katungkulan na nagpapatuloy hanggang ngayon.10

Matapos dumating ang mga Banal sa Salt Lake Valley, hinati ng mga pinuno ng Simbahan ang komunidad sa 19 ward na may bishop na namamahala sa bawat ward. Habang lumalaki ang Salt Lake City at itinatatag ang mga bagong komunidad, lumikha ng mga karagdagang ward na may bishop sa bawat isa. Ang mga bishop na ito ang nagsilbing mga namumunong eklesiyastikal na opisyal ng bawat ward, pinamahalaan ang pagtanggap ng ikapu at iba pang mga donasyon, nanguna sa mga pulong tuwing Linggo, at tumatawag ng mga miyembro ng ward sa iba’t ibang posisyon. Tulad ng nagdaang mga bishop, karaniwang tinutulungan sila ng dalawang tagapayo.

Ang mga responsibilidad ng bishop ay muling lumawak sa mga unang taon ng 1900s noong muling inorganisa nina Pangulong Joseph F. Smith at ng iba pang mga pinuno ang mga korum ng Aaronic Priesthood upang kabilangan lamang ng mga kabataan. Ang mga bishop ay inatasan na hikayatin ang mga kabataang lalaki sa kanilang mga responsibilidad sa priesthood at pangasiwaan ang lahat ng korum ng Aaronic Priesthood sa kanilang ward. (Ito ay dating nasa ilalim ng pamamahala ng mga stake.)11

Ngayon, ang mga bishop ay tinatawag na mamuno sa lahat ng mga ward ng Simbahan. Pinangangalagaan nila ang temporal at espirituwal na mga pangangailangan ng mga miyembro ng kanilang kawan at namumuno sa halos lahat ng aspeto ng Simbahan na sakop ng kanilang ward.

Mga Kaugnay na Paksa: Paglalaan at Pangangasiwa