Kasaysayan ng Simbahan
Mga Korum ng Pitumpu


“Mga Korum ng Pitumpu,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Korum ng Pitumpu”

Mga Korum ng Pitumpu

Ang Pitumpu ay isang katungkulan sa Melchizedek Priesthood. Simula noong 1986, ang mga miyembro ng mga Korum ng Pitumpu ay itinuturing na mga general o regional authority, na tumutulong sa pangangasiwa ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo. Gayunman, sa malaking bahagi ng kasaysayan ng Simbahan, ang mga stake ay may sariling mga korum ng pitumpu.

Ang mga unang miyembro ng pitumpu ay inordenan noong ika-28 ng Pebrero 1835, nang sinimulan ni Joseph Smith na tumawag at mag-orden ng mga espesyal na misyonero upang “mapungusan ang olibohan sa huling pagkakataon.”1 Nang buwan ding iyon, tinulungan nina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris si Joseph Smith sa pagpili ng Labindalawang Apostol, isang korum ng priesthood na may labindalawang high priest, na gaya ng mga Apostol sa Bagong Tipan, ay inatasang ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo. Sang-ayon sa isang tagubilin tungkol sa priesthood na kasama sa Doktrina at mga Tipan, ang pitumpu ay “tinawag na mangaral ng ebanghelyo, at na maging mga natatanging saksi sa mga Gentil at sa buong daigdig,” na isinunod sa Pitumpu na tinawag ni Jesus na mangaral sa mga Israelita noong Kanyang panahon.2

Ipinaliwanag din ng tagubilin na ang pitumpu ay “bumubuo ng isang korum, pantay sa kapangyarihan sa Labindalawa” ngunit ang pitumpu ay kumikilos sa ilalim ng patnubay ng mga Apostol, na tanging may taglay ng “mga susi” upang maipahayag ang ebanghelyo kapwa sa mga Judio at Gentil.3

Nilikha ang mga karagdagang korum ng pitumpu nang maordenan ang mga karagdagang kalalakihan. Matapos ang pagpanaw ni Joseph Smith noong 1844, karamihan sa mga elder na wala pang 35 anyos ay inordenan bilang mga pitumpu, at maraming bagong korum ang nilikha dahil sa dumaraming miyembro nito. Pagsapit ng 1846, ang bilang ng mga korum ng pitumpu ay umabot na sa 35. Kalaunan ang kabuuang bilang ng mga korum ay umabot sa daan-daan. Karamihan sa mga missionary noong ikalawang bahagi ng ika-19 na siglo ay mga miyembro ng mga lokal na korum ng pitumpu.4 Isang konseho ng pitong tao na pinili mula sa mga miyembro ng bawat korum ang namumuno sa isang korum. Sa kabuuan, ang mga korum ng pitumpu ay pinamumunuan ng pitong lalaki na bumubuo sa Unang Konseho ng Pitumpu. Ang mga lalaking ito ay sinang-ayunan bilang mga General Authority na kasunod ng Korum ng Labindalawa sa awtoridad. Noong 1907, itinuro ni Joseph F. Smith na ang Unang Konseho ng Pitumpu ay kumikilos bilang “mga katuwang ng Labindalawang Apostol” at sila, sa isang banda, ay “mga apostol ng Panginoong Jesucristo” na isinugo upang ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng panig ng daigdig.5

Sa pagdami ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng daigdig, naging mahirap para sa Labindalawa na gampanan ang lahat ng kanilang tungkulin sa pamamahala. Noong 1941, ang Unang Panguluhan ay nagsimulang tumawag ng ilang kalalakihan bilang “mga katuwang ng labindalawa.” Noong 1961, inatasan ni Pangulong David O. McKay ang mga miyembro ng Unang Konseho ng Pitumpu na maordenan sa katungkulan ng high priest at binigyan ng awtoridad na kailangan upang “isaayos ang lahat ng bagay na nauukol sa stake at sa mga ward, sa ilalim ng pamamahala ng Labindalawang Apostol.”6 Noong Oktubre 1975, inihayag ni Pangulong Spencer W. Kimball ang pagbuo ng Unang Korum ng Pitumpu bilang karagdagang lupon ng mga General Authority, at pinunan ang korum ng mga miyembro ng Unang Konseho ng Pitumpo, mga Katuwang sa Labindalawa, at iba pang bagong tawag na mga Pitumpu. Noong Oktubre 1986, inutusan ni Pangulong Ezra Taft Benson ang mga lokal na lider na itigil na ang mga lokal na korum ng pitumpu at huwag nang tumawag o mag-orden ng kalalakihan sa katungkulan ng pitumpu. Inatasan naman ng mga lider ang mga dating miyembro ng mga lokal na korum ng pitumpu na dumalo sa mga elders quorum o ordenan sila bilang mga high priest.

Simula noong 1986, ang katungkulan ng Pitumpu ay nanatiling bahagi ng mga general authority at mga area authority, sa halip na isang katungkulan ng mga lokal na lider. Ang mga miyembro ng Pitumpu ay karaniwang nagreretiro mula sa aktibong serbisyo sa edad na 70, kung kailan ay ginagawaran sila ng katayuang emeritus. Ang pagbuo ng isang “Unang” Korum ng Pitumpu ay nagpanibago sa huwaran ng mga Korum ng Pitumpu na nakita noong mga unang araw ng Simbahan, na para sa pangkalahatan lamang kumpara sa lokal na antas. Noong Abril 1989, binuo ang Pangalawang Korum ng Pitumpu. Noong 1995, ibinalita ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang paghinto sa pagtalaga ng mga regional representative sa Labindalawa at ang pagpapakilala ng mga lokal na opisyal, na tinatawag noong una na “Mga Area Authority” at kalaunan ay binago bilang mga “Mga Area Authority Seventy” at matapos ang 2005 ay naging “Mga Area Seventy.”7 Sa pagitan ng 1997 at 2004, tinawag ng Unang Panguluhan ang mga Area Authority Seventy sa Ikatlo hanggang Ikalimang Korum at inilagay ang mga ito sa ilalim ng pamamahala ng Unang Korum ng Pitumpu. Nagpatuloy ang mga pagbabago sa mga korum at ang paglikha ng mga karagdagang korum.8 Noong 2020, ibinalita ng Unang Panguluhan ang apat na bagong korum, na nagdudulot ng kabuuang bilang ng mga korum ng Pitumpu sa labindalawa.9

Ang Pitumpu ngayon ay sumusuporta sa Korum ng Labindalawa at sa Unang Panguluhan sa pangangasiwa sa Simbahan sa buong daigdig, na naglilingkod bilang mga miyembro ng mga Area Presidency, nag-oorganisa ng mga stake, at tinuturuan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pangkalahatan at lokal na kumperensya.