Kasaysayan ng Simbahan
Pandemya ng Trangkaso ng 1918


“Pandemya ng Trangkaso ng 1918,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pandemya ng Trangkaso ng 1918,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Pandemya ng Trangkaso ng 1918

Sa pagitan ng 1918 at 1920, humigit-kumulang 500 milyong tao (o sangkatlong bahagi ng populasyon ng mundo) ang nagkasakit ng trangkaso.1 Dahil noong panahong iyon ay hindi pa natutukoy ang nakahahawang sakit na ito bilang isang virus, wala pang bakuna na poprotekta laban sa virus, wala pang antibiotics na gagamot sa mga kaugnay na impeksyon ng bakterya, at hindi regular ang pagpapatupad ng kuwarentenas [quarantines] at disimpeksyon, marahil ang bilang ng mga namatay sa buong mundo ay higit pa sa 50 milyon. Kung ang kabuuang bilang ng mga namatay ang pagbabatayan, ang pangyayaring ito ang maituturing na pinakamalalang pandemya sa kasaysayan ng mundo.2 Tulad ng kanilang mga kapwa mamamayan, nakaranas ang mga Banal sa mga Huling Araw ng kaguluhan, sakripisyo, at trahedya sa kanilang pagsisikap na kayanin ang mga mapaminsalang epekto ng pandaigdigang pandemya.

Sa panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig, ang mga batas na kumokontrol sa paglabas ng impormasyon sa ilang bansa ay nagtulak sa maraming pampublikong opisyal sa kalusugan at mamamahayag na pagmukhaing hindi malala at paminsan-minsang ilihim ang epekto ng krisis. Sa Espanya, na walang pinanigan noong panahon ng digmaan, iniulat ng malalayang mamamahayag ang mabilis na pagkalat ng sakit sa iba’t ibang panig ng bansa, kung kaya’t ipinalagay ng marami na doon nagmula ang virus. Karaniwang tinutukoy ang pandemya sa mga ulat bilang “Spanish Flu [Trangkasong Espanyol],” isang maling katawagan na nagpatuloy sa ika-21 siglo.3 Pinalala ng digmaan ang pagkalat ng sakit, na lalong tumindi sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon, na siyang nagdagdag ng kumplikasyon sa kamalayan tungkol sa pinagmulan ng pandemya.4 Hindi pa nagkakasundo ang lahat ng mananaliksik kung saan unang kumalat ang virus, ngunit ang pinakamaagang pagkalat na naitala ay naganap sa Estados Unidos. Noong Marso 1918, mahigit isang daang sundalo ang nagkasakit sa Camp Funston sa Fort Riley, Kansas, at sa loob ng isang linggo, ang bilang ng mga kaso ay dumoble nang limang beses. Nadala ang virus sa Europa nang ang mga nahawang sundalo na hindi nagpakita ng mga sintomas ay nadestino roon noong Unang Digmaang Pandaigdig.5

larawan ni Joseph F. Smith

Ang unang pagkalat ng trangkaso malapit sa punong-tanggapan ng Simbahan sa Utah ay naitala noong Oktubre 1918. Sa loob ng tatlong linggo, ang bilang ng mga kaso sa Utah ay umabot sa 2,300 at 117 ang namatay.6 Ang Relief Society ay nakipag-ugnayan sa mga ospital at nangalap ng kababaihan na tutulong sa mga apektadong tahanan bilang mga nars, tagalinis, tagaluto, tagapaglaba, at iba pa. Sa ilang distrito ng paaralan, hindi bababa sa 90 porsiyento ng mga bata ang nagkasakit ng trangkaso. Ang Pangulo ng Simbahan na si Joseph F. Smith ay namatay dahil sa pulmonya noong Nobyembre 1918, at dahil sa mga patakaran ng kuwarentenas, ang kanyang libing ay hindi isinapubliko.7 Sumunod ang Unang Panguluhan sa mga regulasyon sa kalusugan na itinakda ng estado at ipinasara nila ang lahat ng templo, mga meetinghouse, at ang Salt Lake Tabernacle, at pinayuhan nila ang mga lokal na lider na kanselahin ang lahat ng aktibidad at pulong ng Simbahan.8 Ipinagpaliban nila ang pangkalahatang kumperensya ng Abril 1919 upang makadistansya ang mga Banal sa mga Huling Araw sa isa’t isa at maiwasan ang lalo pang pagkalat ng sakit. Nang matuloy ang kumperensya noong sumunod na Hunyo, ibinalita ng Pangulo ng Simbahan na si Heber J. Grant na 1,054 na Banal sa buong mundo ang namatay dahil sa trangkaso.9

Nakapinsala ang trangkaso sa maraming komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa nayon ng Sauniatu, Samoa, tanging ang 12 taong gulang na si Tom Fanene at isang matandang lalaki lang ang hindi nagkasakit nang kumalat ang trangkaso noong Nobyembre 1918. Habang nakaratay ang kanilang 400 kanayon, kinatay ni Tom ang lahat ng manok sa nayon upang makapagluto ng sabaw, umakyat siya sa mga puno upang makapamitas ng mga niyog, at nagbahay-bahay siya upang makapaghatid ng pagkain at sariwang tubig mula sa bukal. Ibinalot nila ng matandang lalaki ang mga bangkay gamit ang mga banig at inilibing nila ang mga ito sa mabatong lupa sa likod ng kanilang mga tahanan.10

Sa New Zealand, itinala ng mission president na si James Lambert kung paanong nagsara ang mga pampublikong lugar sa Auckland at napuno ang mga medikal na pasilidad.11 Noong Disyembre 1918, habang nagsisimulang humupa ang pandemya, ang pampasaherong barko na Makura ay naghatid ng mahigit 200 katao, kabilang na ang 12 Banal sa mga Huling Araw, sa Auckland Harbor. Habang naglalayag patawid sa Pasipiko, nakatuklas ang mga pasahero ng ilang kaso ng trangkaso at tigdas sa barko. Nagtakda ang mga lokal na opisyal ng kuwarentenas upang mapigilan ang “muling pagkahawa ng Auckland” mula sa mga barkong galing sa ibang bansa, kung kaya’t pinagbawalan ang mga pasahero ng Makura na bumaba. Sina Mere Whaanga, Apikara Pomare, Isaiah Whaanga, Sidney Christy, at Kate Christy, kasama ang pito pang bata, ay nanatili sa barko nang mahigit isang linggo bago pumunta sa dalampasigan.12

Natapos ang Unang Digmaang Pandaigdig habang ang pangalawang bugso ng pandemya ay nagsisimulang humupa. Ipinagdiwang ng maraming mamamayan sa Utah ang pagtatapos ng digmaan sa pamamagitan ng mga parada at kapistahan, na siyang nagpataas sa bilang ng mga naimpeksyon.13 Ang mga lider ng Simbahan ay nagsagawa ng mga karagdagang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng sakit, tulad ng paggamit ng maliliit na indibiduwal na tasa sa halip na isang tasang iinuman ng lahat para sa sakramento at pagrerekomenda ng iba pang pamamaraan sa kalinisan para sa paghahanda ng sakramento.14 Ang kombinasyon ng mga pagsisikap na mapangalagaan ang kalusugan ng publiko, tulad ng pagsasara ng mga paaralan at simbahan, pagbabawal sa mga pagtitipon ng maraming tao, mga kautusan sa pagsusuot ng face mask, kuwarentenas, at mga hakbang sa disimpeksyon, ay nagpabagal sa pagkalat ng pandemya.15 Bumaba ang bilang ng mga kaso sa tagsibol at tag-init ng 1919, at sa taong 1920, ang trangkaso ay naging pana-panahong epidemya, isang pangyayaring nararanasan pa rin taun-taon sa iba’t ibang panig ng mundo.16

Mga Kaugnay na Paksa: World War I, Joseph F. Smith

Mga Tala

  1. Kalaunan ay natukoy ng mga siyentipiko na ang strain ng trangkasong ito ay nagmula sa isang “novel H1N1 influenza A virus”; tingnan sa Jeffery K. Taubenberger, Ann H. Reid, Amy E. Krafft, Karen E. Bijwaard, at Thomas G. Fanning, “Initial Genetic Characterization of the 1918 ‘Spanish’ Influenza Virus,” Science, tomo 275, blg. 5307 (1997), 1793–96; tingnan din sa Douglas Jordan kasama sina Terrence Tumpey at Barbara Jester, “The Deadliest Flu: The Complete Story of the Discovery and Reconstruction of the 1918 Pandemic Virus,” Centers for Disease Control and Prevention, Dis. 17, 2019, cdc.gov/flu/pandemic-resources.

  2. Centers for Disease Control and Prevention, “History of 1918 Flu Pandemic,” Mar. 21, 2018, cdc.gov/flu/pandemic-resources; Centers for Disease Control and Prevention, “1918 Pandemic Influenza Historic Timeline,” Mar. 20, 2018, cdc.gov/flu/pandemic-resources; World Health Organization, Avian Influenza: Assessing the Pandemic Threat (2005), 25. Dahil kadalasan ay hindi isinasama ang mga katutubong komunidad sa pangangalap ng datos noong panahong iyon, maaaring umabot sa 100 milyon ang kabuuang bilang ng mga namatay sa buong mundo dahil sa pandemya; tingnan sa Niall P. A. S. Johnson at Juergen Mueller, “Updating the Accounts: Global Mortality of the 1918–1920 ‘Spanish’ Influenza Pandemic,” Bulletin of the History of Medicine, tomo 76, blg. 1 (2002), 105–15.

  3. John M. Barry, The Great Influenza: The Epic Story of the Deadliest Plague in History (New York: Viking, 2004), 393–94.

  4. Jeffery K. Taubenberger at David M. Morens, “1918 Influenza: The Mother of All Pandemics,” Emerging Infectious Diseases, tomo 12, blg. 1 (2006), 15–22.

  5. Centers for Disease Control and Prevention, “1918 Pandemic Influenza Historic Timeline,” cdc.gov/flu/pandemic-resources.

  6. Leonard J. Arrington, “The Influenza Epidemic of 1918–19 in Utah,” Utah Historical Quarterly, tomo 58, blg. 2 (1990), 167–69.

  7. Ang mga ulat bago ang kanyang kamatayan ay nagsaad na nagkaroon si Joseph F. Smith ng malalang impeksyon na karaniwan sa matatanda noong panahong iyon dahil hindi pa naiimbento ang antibiotics. Sa sertipiko ng kamatayan ni Joseph F. Smith, bronchopneumonia ang nakalistang pangunahing dahilan ng kanyang kamatayan, ipinapahiwatig na itinuring ng mga doktor na gumamot sa kanya ang pagbagsak ng kanyang pangangatawan bilang bunga ng kanyang dating karamdaman at hindi ng pagsisimula ng trangkaso. Tingnan sa “Four Score Years Have Passed Over Head of Venerable Church President,” Deseret Evening News, Nob. 13, 1918, 1; Joseph Fielding Smith, Death Certificate, Utah State Department of Health, Office of Vital Records and Statistics, Death Certificates Series 81448, https://archives.utah.gov/indexes/data/81448/2229752/2229752_0000939.jpg; “President Joseph F. Smith, Venerable Church Leader, Summoned by Death Following Illness of Several Months,” Deseret Evening News, Nob. 19, 1918, 1.

  8. Passing Events,” Improvement Era, tomo 22, blg. 1 (1918), 89.

  9. Sa Conference Report, Hunyo 1918, 74.

  10. Kenneth W. Baldridge, “Sauniatu, Western Samoa: A Special Purpose Village, 1904–34,” Journal of the Polynesian Society, tomo 87, blg. 3 (1978), 165–92.

  11. James N. Lambert, Journals, 1916–1919, Nob. 4, 6, at 18, 1918, Church History Library, Salt Lake City.

  12. The Makura,” Dominion, tomo 12, blg. 58 (1918), 5; Lambert, Journals, Dis. 8, 1918; Florence H. Jensen, Journal, 1917 Disyembre–1918 Disyembre, Nob. 18–19, 1918, Church History Library, Salt Lake City.

  13. Arrington, 170–71, 181.

  14. Justin R. Bray, “The Lord’s Supper during the Progressive Era, 1890–1930,” Journal of Mormon History, tomo 38, blg. 4 (2012), 103–4.

  15. Martin C. J. Bootsma at Neil M. Ferguson, “The Effect of Public Health Measures on the 1918 Influenza Pandemic in U.S. Cities,” Proceedings of the National Academy of Sciences of the United States of America, tomo 104, blg. 18 (2007), 7588–93.

  16. Arrington, 182; Centers for Disease Control and Prevention, “1918 Pandemic Influenza Historic Timeline.”