Kasaysayan ng Simbahan
John Taylor


John Taylor

Si John Taylor ay naglingkod bilang ikatlong Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pagitan ng 1880 at kanyang pagkamatay noong 1887. Ipinanganak noong 1808 sa Milnthorpe, England, sumapi siya sa Simbahan noong 1836 kasama ang kanyang asawang si Leonora Cannon Taylor habang naninirahan sa Toronto, Canada. Nakaligtas siya sa pagsalakay ng mga mandurumog sa Piitan ng Carthage na pumaslang kina Joseph at Hyrum Smith ngunit siya ay malubhang nasugatan. Sa 40 taon na naglingkod si Taylor bilang Apostol, pinamatnugutan niya ang ilang pahayagan ng Simbahan, naglathala ng mga aklat at polyeto, nangaral sa Great Britain at Hilagang Amerika, at pinangasiwaan ang mga unang misyon sa Germany at France. Matapos ang pagpanaw ni Brigham Young noong 1877, unang pinamunuan ni Taylor ang Simbahan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noong 1880 ay inorden siya bilang ikatlong Pangulo ng Simbahan at inorganisang muli ang Unang Panguluhan.

larawan ni John Taylor

Profile na larawan ni John Taylor.

Habang pinamamahalaan ang Simbahan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa, inaprubahan ni John Taylor ang paglikha ng organisasyon ng Primary at itinalaga ang mga unang Pangkalahatang Pangulo ng mga samahan ng kababaihan ng Simbahan. Bilang Pangulo ng Simbahan ay pinangasiwaan niya ang pagtatalaga sa Ang Mahalagang Perlas bilang banal na kasulatan at isang programa ng kaluwagan sa utang at iba pang mga pagsisikap sa gawaing pangkapakanan para sa mga maralita bilang bahagi ng pagdiriwang ng jubilee para sa ika-50 anibersaryo ng Simbahan.

Tinanggap ni John Taylor ang maramihang pag-aasawa sa Nauvoo, Illinois, at noong tumindi pa ang panggigipit ng pamahalaan laban sa maramihang pag-aasawa, nilabanan niya ito. Noong siya ay nabubuhay, pinakasalan niya ang walong babae. Ginugol ni Pangulong Taylor ang karamihan sa mga huling taon ng kanyang buhay sa pagtatago mula sa pederal na mga awtoridad. Pumanaw siya noong Hulyo 1887.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni John Taylor, tingnan ang mga video sa Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.