“Pag-aayuno,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pag-aayuno”
Pag-aayuno
Noong panahong itinatag ang Simbahan, ang pag-aayuno ay isang mahalagang katangian ng pagsamba para sa maraming Kristiyano sa Hilagang Amerika. Ibinatay nila ang gawaing ito sa mga halimbawang matatagpuan sa Biblia.1 Ang mga pinakaunang Banal sa mga Huling Araw ay maaaring nag-ayuno bago sila sumapi sa Simbahan at patuloy na nag-ayuno bilang mga miyembro ng Simbahan. Noong Agosto 1831, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nag-uutos sa mga Banal na maghanda ng pagkain “nang may katapatan ng puso upang ang inyong pag-aayuno ay maging ganap.”2 Binanggit sa isang paghahayag kalaunan na ang isang mahalagang gawain ng Kirtland Temple ay hikayatin ang “panalangin, at pag-aayuno.”3 Bago ang paglalaan ng templo noong 1836, ang pag-aayuno ng grupo ay halos karaniwang ginagawa bilang paghahanda para sa pagpapagaling ng maysakit o pakikibahagi sa mga pulong ng Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland.4 Matapos ang paglalaan ng templo, itinalaga ng mga lider ng Simbahan ang unang Huwebes ng buwan bilang araw ng pag-aayuno.5 Kabilang sa mga espesyal na miting sa araw ng pag-aayuno sa templo ang mga sermon, personal na patotoo, at donasyon para sa mga maralita.6
Sa pagitan ng 1838, nang karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay nilisan ang Ohio, at 1849, nang magsimulang maging mas maayos ang kalagayan ng mga Banal sa Utah, ang mga pulong sa pag-aayuno ay idinaraos paminsan-minsan bilang bahagi ng mga konseho at kumperensya at sa pagsasagawa ng mga ordinasyon, pagbabasbas sa mga maysakit, pagtulong sa mga maralita, o pagsasaya dahil sa tulong at pagpapala ng langit.7 Hindi nagtagal ay muling sinimulan ng mga Banal sa Lambak ng Salt Lake ang palagiang araw ng ayuno sa unang Huwebes ng buwan, at pagsapit ng 1856, hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang mas regular na pagbibigay ng handog-ayuno, na kinabibilangan ng pagkain na hindi nila kinain o ang salaping katumbas nito, upang tulungan ang mga maralita. Sa panahon ding ito nagsimula ang mga pulong sa araw ng pag-aayuno kung saan mas palagiang tinatampukan ng mga miyembro ng mga lokal na kongregasyon na nagbibigay ng patotoo.8 Kung minsan ang mga lider ay nag-oorganisa ng mga espesyal na ayuno sa panahong ito para malunasan ang mga problemang dulot ng mga kalamidad at ang mga pagsalakay laban sa pag-aasawa nang marami.9 Noong 1896, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ay inilipat ang mga pulong sa pag-aayuno sa unang Linggo ng bawat buwan, nagrekomenda ng 24 na oras ng pag-aayuno, at humiling ng mga donasyon na katumbas ng pagsasakripisyo ng dalawang kainan.10
Sa pagsapit ng ika-20 siglo, isang bagong adbokasiya sa kalusugan ang nagsulong na kapaki-pakinabang sa pisikal at espirituwal ang pag-aayuno.11 Napansin din ng mga lider ng Simbahan ang mga pakinabang sa kalusugan ng pag-aayuno, ngunit karamihan sa kanilang mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay mas nagbigay-diin sa kahalagahan ng gawaing ito bilang paraan ng pagbibigay ng kaginhawahan sa mga maralita. Ipinakilala ni Pangulong Joseph F. Smith ang isang mas pormal na sistema ng handog-ayuno kung saan maaaring kolektahin at ipamahagi ng mga lokal na bishop at stake president ang mga donasyon sa mga nangangailangan.12 Habang lalong napapalitan ng mga salaping donasyon ang mga handog-ayuno, bumuo ang mga lider ng Simbahan ng isang sentralisadong sistema kung saan ang pondo ay maaaring ituon sa mga maralita—una sa mga ward, pagkatapos sa mga stake, at sa huli ay sa iba pang mga lugar sa mundo na nangangailangan. Ang sistemang ito ng handog-ayuno ay nagpatuloy hanggang ika-21 siglo bilang mahalagang pagpapakita ng katapatan at pagkakawanggawa para sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo.13