Kasaysayan ng Simbahan
Mga American Indian


“Mga American Indian,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga American Indian”

Mga American Indian

Noong siglo bago maorganisa ang Simbahan, bumaba ng halos apat na raang libo ang populasyon ng mga American Indian sa Hilagang Amerika dahil sa digmaan, mga kumakalat na malulubhang sakit, at pagkabuwag ng katutubong ekonomiya na sanhi ng mga bagong dating mula sa Europa. Kasabay nito, lumaki ang populasyon ng mga Europeong Amerikano ng mahigit limang milyon. Noong 1800 karamihan sa mga kolonyal na pamayanan ay nanatili sa loob ng limang daang milya mula sa Baybayin ng Atlantiko, ngunit hindi nagtagal ay agad na naglakbay ang mga puting dayuhan pakanluran sa Hilagang Amerika. Ang paglawak na ito ay nagdulot ng mga tunggalian sa pagitan ng mga Indian at puting dayuhan.1

Pagsapit ng mga unang bahagi ng ika-19 na siglo, ang mga tribu ng mga Indian ay ilang siglo nang may kalakalan, diplomasya, alyansang pangmilitar, at tunggalian sa mga Europeong nanirahan sa Amerika, at maraming tribu ang pumirma sa mga kasunduan na nagbibigay-garantiya sa pagkakaroon ng access sa mga teritoryo at mga likas na yaman. Ngunit noong 1830 ipinasa ng Kongreso ng Estados Unidos ang isang batas na nagpapahintulot sa paglipat ng iba-ibang tribo sa mga teritoryo sa kanluran ng Ilog Mississippi. Itinataguyod ng mga simbahang Protestante ang mga misyon sa mga pinalayas na Katutubong grupo, umaasa na ang pangangaral ng ebanghelyo ay magpapabuti sa mga ugnayan sa mga Indian. Ngunit nagdulot ang pagpapaalis sa mga Indian ng matinding pagkagambala at pagdurusa at humantong sa higit pang kaguluhan.

Mga Pagtatagpo ng mga Indian at Mormon noong mga dekada ng 1830 at 1840

Inilimbag ang Aklat ni Mormon sa parehong taon kung kailan naipasa ang Indian Removal Act. Binigyan nito ang mga miyembro ng Simbahan ng magkakaibang pananaw sa nakaraang kasaysayan at hinaharap na tadhana ng mga American Indian. Ang mga naunang Banal ay naniniwala na ang lahat ng American Indian ay mga inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon, at kabahagi sila sa isang pamana ng tipan na nag-uugnay sa kanila sa sinaunang Israel.2 Madalas silang mayroong hindi matwid na opinyon tungkol sa mga Indian na katulad ng sa iba pang mga Europeong Amerikano, subalit naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang mga Katutubong Amerikano ay mga tagapagmana ng mga pangako ng Diyos kahit ngayo’y nagdurusa sila dahil sa pagtanggi noon sa ebanghelyo.3 Ang paniniwalang ito ang nagparama sa mga naunang Banal ng lubos na obligasyon na dalhin ang mensahe ng Aklat ni Mormon sa mga American Indian.

Sa loob ng ilang buwan ng pagkakatatag ng Simbahan noong 1830, naglakbay ang mga missionary na Banal sa mga Huling Araw sa Teritoryo ng mga Indian, na nasa may hangganan ng Estados Unidos. Iniulat ni Parley P. Pratt na si William Anderson (Kik-Tha-We-Nund), ang pinuno ng isang grupo ng mga Delaware (Lenape) na lumipat sa lugar malapit sa Independence, Missouri, ay mainit na tinanggap ang mga missionary, at isang tagasalin ang nagsabi kay Oliver Cowdery na “sinasabi ng pinuno na naniniwala siya sa bawat salita” ng Aklat ni Mormon. Gayunman, isang kinatawan ng pamahalaan ang kaagad na nagbawal sa kanila na mangaral pa sa mga Indian sa lugar dahil hindi sila nakakuha ng wastong pahintulot.4 Ang pakikipag-ugnayan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga American Indian ay nanatiling madalang sa mga sumunod na ilang taon, bagama’t si Pratt at ang iba pa ay nagsalita tungkol sa araw na tatanggapin ng mga Indian ang Aklat ni Mormon.5

Nangangaral si Joseph Smith sa mga American Indian

Nangangaral si Joseph Smith sa mga American Indian.

Sa gitna ng mga suliranin sa Missouri noong dekada ng 1830, ang mga lider ng Simbahan ay maingat sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na grupo ng Katutubo, kung saan pinararatangan sila ng kanilang mga kaaway ng paggamit ng gawaing misyonero upang magtanim ng paghihimagsik sa mga Indian. Noong dekada ng 1840, nagpadala si Joseph Smith at ang Unang Panguluhan ng mga missionary sa Sioux (Dakota), Potawatomi (Bodéwadmi), Stockbridge (Mahican) at iba pang mga Indian na nakatira sa Wisconsin at Canada.6 Ang mga kinatawan mula sa mga tribung Sauk (Asakiwaki) at Fox (Meskwaki) ay nagpulong sa Nauvoo kasama si Joseph Smith, na nagsabi sa kanila tungkol sa Aklat ni Mormon at sa mga planong itatag ang isang Bagong Jerusalem.7 Makalipas ang dalawang taon, ang mga lider ng Potawatomi ay humiling kay Joseph at sa mga Mormon na magbigay ng tulong at sumanib sa alyansa ng mga tribu. Magalang na tumanggi si Joseph ngunit tiniyak nito sa kanila na ang Aklat ni Mormon ay magagabayan sila sa daan patungo sa mapayapang pakikipag-ugnayan.8 Pagkamatay ni Joseph, ang Konseho ng Limampu, sa ilalim ng pamumuno ni Brigham Young, ay tinalakay ang isang mas malawak na alyansa sa mga bayan ng Indian ngunit itinigil ang mga diplomatikong pagsisikap noong 1846 upang isaayos ang pandarayuhan ng mga Banal pakanluran.9

Ang mga Katutubong Mamamayan ng Utah at ang mga Naunang Banal sa mga Huling Araw

Bilang Pangulo ng Simbahan, gobernador, at territorial superintendent of Indian affairs, hinangad ni Brigham Young na pagsikapan ang patakaran ng kapayapaan upang isaayos ang paninirahan ng mga Mormon sa mga lugar kung saan nanirahan ang mga Indian. Natutuhan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga wika ng mga Indian, nagsimula ng pakikipagkalakalan, nangaral ng ebanghelyo, at karaniwang naghanap ng matutuluyan sa mga Indian. Ang mapayapang ugnayan sa pagitan ng mga Indian at mga Banal sa mga Huling Araw ay karaniwan at napaka-ganda. Subalit, sa kabila ng patuloy na pagsisikap ni Brigham Young na gumawa ng mga pangmatagalang kasunduan, ang kanyang patakaran ng kapayapaan ay hindi pantay-patay na naipatupad at hindi palagiang ipinatutupad. Ang dalawang kulturang ito—Europeo at American Indian—ay may lubhang magkaibang palagay tungkol sa paggamit ng lupain at ari-arian at hindi lubos na nauunawaan ang isa’t isa. Ang mga di-pagkakaunawaang ito ay humantong sa alitan at kung minsan ay karahasan sa pagitan ng mga mamamayan.10

Ang dalawang pinakamalaking tunggalian sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Utah at lokal na grupo ng mga Indian ay kalaunang nakilala bilang ang Digmaang Walker (1853–54) at ang Digmaang Black Hawk (1865–72). Nagsimula ang mga ito bilang mga alitan sa pagitan ng mga milisyang Mormon at grupo na karamihan ay mga Ute Indian na kalaunan ay nauwi sa malakihang kaguluhan. Ang karahasan sa pagitan ng mga Mormon at Indian ay humupa nang ang populasyon ng mga kaatutubo na nakatira sa Intermountain West ay dinapuan ng sakit at gutom at ang pagkilos na pederal ng Estados Unidos ay nagkulong sa maraming Indian sa mga laang lupain.11

Mga Indian Mission at Programa para sa mga Estudyante

Sa kabila ng paudlut-udlot na sagupaan, nanatiling tapat ang mga lider ng Simbahan sa paghahatid ng mensahe ng Aklat ni Mormon sa mga Katutubong Amerikano at nagtatag ng mga mission sa pangangaral at mga bukirin. Ang mga pagsisikap na ito ay nagpakilala ng ebanghelyo at nagbigay ng edukasyon at pagkain para sa mga Indian sa Utah at Arizona. Noong ikalawang bahagi ng ika-19 na siglo binisita ng mga missionary ang mga mamamayan ng Catawba (Yeh Is-Wah H’reh), Goshute (Kutsipiuti), Hopi (Hopituh Shi-nu-mu), Maricopa (Piipaash), Navajo (Diné), Papago (Tohono O’odham), Pima (Akimel O’otham), Shoshone (Newe), Ute (Nunt’zi), at Zuni (A:shiwi) na napilitang manirahan sa mga laang lupain para sa mga Indian na nagkalat sa kabuuan ng Kanlurang Amerika, dahil sa mga pagsisikap ng mga dayuhan na palawakin ang kanilang mga nasasakupan. Libu-libong mga taga-hilagang-kanlurang Shoshone ang nabinyagan noong dekada ng 1870 at kalaunan ay binuo ang Washakie Ward, na pinamumunuan ng unang bishop na American Indian sa Simbahan, si Moroni Timbimboo.12 Sa halip na lumipat sa mga laang lupain, maraming Ute mula sa gitnang Utah ay nanirahan sa Indianola sa Sanpete County, kung saan nagtayo sila ng isang masiglang branch at Relief Society, kung saan isang babaeng Indian ang naglingkod sa panguluhan.13 Mahigit 1,200 Papago Pima at Maricopa Indian sa katimugang Arizona ang sumapi sa Simbahan noong dekada ng 1880, nagtatatag ng isang ward na kalaunan ay tumulong sa pagtatayo at paglalaan ng Mesa Arizona Temple.14 Sa South Carolina, karamihan sa Catawba Nation ay tumanggap ng binyag. Makalipas ang halos 65 taon, ang pinuno ng Catawba na si Samuel Taylor Blue ay nagsalita sa pangkalahatang kumperensya. “Naranasan ko ang mga pagpapala at kagalakan ng Diyos,” pagpapatotoo niya. “Nakita ko ang mga patay na mag-uling nabuhay; nakita ko ang maysakit na sinukuan ng mga doktor, sa pamamagitan ng pangangasiwa ng mga Elder ay naibalik sila sa buhay. Mga kapatid, walang pag-aalinlangan na alam ko na ang ebanghelyong ito ay totoo.”15

Sina Chief Washakie at iba pang kalalakihang Shoshone

Chief Washakie (nakaupo, gitna sa harap) at iba pang kalalakihang Shoshone.

Patuloy ang pagtulong ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga American Indian hanggang sa mga dekada ng 1930 at 1940 kasama ng pagpapalawak ng mga mission sa Arizona at New Mexico. Ang mga mission na ito ay nagbigay-kaalaman sa mga lider ng Simbahan sa mahihirap na kalagayan sa mga lupang laan sa mga Indian sa timog-kanluran, at sila ay nagsimulang mag-isip ng ibang paraan maliban sa direktang pagtuturo ng ebanghelyo, nadarama, tulad ng ipinahayag ni Spencer W. Kimball kalaunan, ang isang obligasyon na tulungan ang kanilang mga kapatid sa tipan. Noong dekada ng 1950 nagkaroon ng isang student placement program kung saan ang mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw ay nagpatira sa kanilang mga tahanan ng mga Indian na estudyante habang pumapasok sila sa eskuwela. Bukod pa rito, nag-alok ang Brigham Young University ng mga iskolarsip na minimithing pataasin ang bilang ng mga mag-aaral na American Indian. Nang nagtapos ang Indian Student Placement Program noong taong 2000, humigit-kumulang 50 libong American Indian na estudyante ang natulungan.16

Ang mga American Indian ngayon ay patuloy na humaharap sa mga paghihirap bunsod ng ilang siglo ng kaguluhan at pagtataboy sa kanila. Si Larry Echo Hawk, isang miyembro ng Pawnee Nation, dating U.S. Assistant Secretary of the Interior for Indian Affairs, at kasalukuyang General Authority Seventy, ay nagsalita noong 2007 tungkol sa mga hamong naranasan niya at ng kanyang mga ninuno. “Iyon ay isang masakit na kasaysayan,” sabi niya, idinagdag na “ang sakit ay hindi limitado sa iisang salinlahi.” Gayunpaman, nakatagpo siya ng lakas sa mga pangako na nasa Aklat ni Mormon at ipinahayag ang kanyang pag-asa na ang mga katutubo ng Amerika ay mabubuhay ayon sa pangitaing ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball, na magiging mga makapangyarihang lider sa kanilang mga komunidad at bansa.17

Mga Kaugnay na Paksa: Pagkatao ng mga Lamanita

Mga Tala

  1. Claudio Saunt, “The Age of Imperial Expansion, 1763–1821,” sa Frederick E. Hoxie, pat., The Oxford Handbook of American Indian History (New York: Oxford University Press, 2016), 77–79.

  2. Tingnan sa Paksa: Pagkatao ng mga Lamanita.

  3. Tingan sa 4 Nephi 1:38. Para sa halimbawa ng mga paniniwala ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw tungkol sa mga American Indian, tingnan sa Terryl L. Givens at Matthew J. Grow, Parley P. Pratt: The Apostle Paul of Mormonism (New York: Oxford University Press, 2011), 296, 343.

  4. Letter from Oliver Cowdery, 8 April 1831,” sa Joseph Smith Letterbook 1, 11, josephsmithpapers.org; iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan; tingnan din sa “Letter from Oliver Cowdery, 7 May 1831,” 13, josephsmithpapers.org.

  5. Terryl L. Givens at Matthew J. Grow, Parley P. Pratt: The Apostle Paul of Mormonism (New York: Oxford University Press, 2011), 111–13, 116–18; Joseph Smith, “Letter to Noah C. Saxton, 4 January 1833,” sa Joseph Smith Letterbook 1, 17, josephsmithpapers.org.

  6. Ronald W. Walker, “Seeking the ‘Remnant’: The Native American during the Joseph Smith Period,” Journal of Mormon History, tomo 19, blg. 1 (Tagsibol 1993), 23–25; Jeffrey D. Mahas, “American Indians and the Nauvoo-Era Council of Fifty,” sa Matthew J. Grow at R. Eric Smith, mga pat., The Council of Fifty: What the Records Reveal about Mormon History (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2017), 120.

  7. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume C–1 Addenda,” 10–11, josephsmithpapers.org.

  8. Matthew J. Grow, Ronald K. Esplin, Mark Ashurst-McGee, Gerrit J. Dirkmaat, at Jeffrey D. Mahas, mga pat., Council of Fifty, Minutes, March 1844–January 1846. Tomo 1 ng seryeng Administrative Records ng The Joseph Smith Papers, pinamatnugutan nina Ronald K. Esplin, Matthew J. Grow, at Matthew C. Godfrey (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 73–76.

  9. Mahas, “American Indians,” 123–27; tingnan din sa Paksa: Konseho ng Limampu.

  10. Tingnan sa “Peace and Violence among 19th-Century Latter-day Saints,” Gospel Topics Essays, topics.lds.org.

  11. Jared Farmer, On Zion’s Mount: Mormons, Indians, and the American Landscape (Cambridge: Harvard University Press, 2008), 62–104; Howard A. Christy, “The Walker War: Defense and Conciliation as Strategy,” Utah Historical Quarterly, tomo 47, blg. 4 (Taglagas 1979), 395–420; John Alton Peterson, Utah’s Black Hawk War (Salt Lake City: University of Utah Press, 1998), 103–104. Tingnan din sa “Peace and Violence among 19th-Century Latter-day Saints,” Gospel Topics Essays, topics.lds.org.

  12. Scott R. Christensen, Sagwitch: Shoshone Chieftain, Mormon Elder, 1822–1887 (Logan: Utah State University Press, 1999), 190–95.

  13. Jill Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, at Matthew J. Grow, mga pat., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 483–84.

  14. D. L. Turner, “Akimel Au-Authm, Xalychidom Piipaash, and the LDS Papago Ward,” Journal of Mormon History, tomo 39, blg. 1 (Winter 2013), 158–80.

  15. Samuel Blue, sa Conference Report, Abr. 1950, 141–42. Iniulat ni Chief Blue sa Simbahan na 97 porsyento ng mga Catawbas noong 1950 ay mga kasapi ng Simbahan; tingnan sa Conference Report, Abr. 1950, 144.

  16. Matthew Garrett, Making Lamanites: Mormons, Native Americans, and the Indian Student Placement Program, 1947–2000 (Salt Lake City: University of Utah Press, 2016).

  17. Larry Echo Hawk, “An Unexpected Gift” [Brigham Young University devotional, Ago. 7, 2007], 1, 5–6, speeches.byu.edu.