“Paaralan ng mga Propeta,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Paaralan ng mga Propeta”
Paaralan ng mga Propeta
Noong Disyembre 1832, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nag-aatas sa kanya na magtatag ng paaralan para sa mga elder ng Simbahan sa Kirtland.1 Ginamit nina Joseph Smith at ng kanyang mga kapanabay ang katagang “paaralan ng mga propeta” upang ilarawan ang bagong paaralan. Ang katawagang ito ay karaniwang ginagamit upang ilarawan ang mga seminaryo sa Harvard at Yale at maging sa iba pang mga paaralan kung saan tumatanggap ang mga klero ng pagsasanay para sa kanilang pagmiministeryo.2 Para sa ilan, ipinapaalala ng pangalan ang “pulutong ang mga propeta” sa Lumang Tipan, na kung saan nagtipon sa paligid nito ang mga taong tulad nina Samuel, Elijah, at Eliseo.3
Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland
Ginaganap tuwing taglamig mula 1833 hanggang 1836, ang Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland, Ohio ay nagbibigay sa mga kalahok hindi lamang ng espiritwal kundi maging ng sekular na edukasyon. Nakatulong ito sa paghahanda sa kanila para sa paglilingkod bilang mga missionary at para sa ipinangakong “pagkakaloob ng kapangyarihan” kapag natapos na ang Kirtland Temple.4 Ang unang sesyon ng paaralan ay idinaos noong Enero 22, 1833, sa silid sa itaas ng tindahan ni Newel K. Whitney. Bagamat ang pangunahing layunin ng paaralan ay ihanda ang mga lalaki para sa pagmimisyon, dumalo rin sa unang pulong ang mga babae at nakibahagi sa espiritwal na pagbubuhos, na kinabibilangan ng mga malalakas na pagpapakita ng Espiritu Santo at pagsasalita ng mga wika.5 Tulad ng utos sa pamamagitan ng paghahayag, sinimulan ng mga kalahok ang pulong sa isang pormal na pagbati, at ang mga bagong miyembro ay tinanggap sa paaralan sa pamamagitan ng ordenansa ng paghuhugas ng mga paa.6
Nagbigay ang paaralan kapwa ng espirituwal at sekular na pagtuturo, kung saan kabilang ang mga paksang tulad ng kasaysayan, kasalukuyang kaganapan, pagbabasa at pagsusulat, matematika, pag-aaral ng wika, at pagtuturo ng doktrina. Noong Pebrero 27, 1833, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na kilala bilang Word of Wisdom sa isang pulong ng Paaralan ng mga Propeta, na bahagyang inudyukan ng mga tanong na inilahad ni Emma Smith.7 Nagbukas muli ang paaralan noong taglamig ng 1834 sa ilalim ng pangalan na “paaralan para sa mga elder.”8 Noong sesyon ng 1835, sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay nagturo ng mga klase base sa mga teyolohikang pagtuturo na kalaunan ay nakilala bilang Lectures on Faith. Sa sesyon naman ng 1836, inarkila ng mga Banal si Joshua Seixas, na nagturo kay Lorenzo Snow sa Oberlin College, upang magturo ng kurso sa Hebreo.9
Iba Pang Paaralan ng mga Propeta
Ginamit ng Simbahan ang Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland, Ohio bilang pangunahing modelo para sa ibang mga panahon at lugar. Nang matapos ang unang sesyon ng Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland noong Abril 1833, tinipon ni Parley P. Pratt ang isang sesyon noong tag-init sa Missouri. Sa Utah, nagtatag si Brigham Young ng isang Paaralan ng mga Propeta noong 1867 sa pakikipag-ugnayan ng University of Deseret. Hindi nagtagal ay ilan pang Paaralan ng mga Propeta ang itinatag sa buong teritoryo. Bukod sa espirituwal at sekular na pag-aaral, nakilahok ang mga miyembro sa pagpaplano ng ekonomiya at mga pamayanan habang sinusubukan ng mga pamayanan ng mga pioneer na ipatupad ang mga alituntunin ng batas ng paglalaan. Si John Taylor, na humalili kay Brigham Young, ay nagdaos rin ng Paaralan ng mga Propeta kapwa sa Lunsod ng Salt Lake at sa St. George mula 1883 hanggang 1884.10
Matapos ang huling bahagi ng ika-19 na siglo, hindi na ginamit ng Simbahan ang pangalang “Paaralan ng mga Propeta” upang ilarawan ang mga pang-edukasyon na adhikain nito, ngunit nanatili itong tapat sa mga inihayag na layunin ng paaralan at ipinagpatuloy ang mga ito sa iba’t ibang paraan. Ang Simbahan ay may mahalagang papel sa pagtatag ng mga paaralan at akademya ng mas mataas na pag-aaral sa buong Kanlurang Amerika at sa iba pang mga lugar. Sa paglaganap ng sekular na edukasyon at mga programa ng pagsasanay, hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga Banal na magpatala at bumuo ng mga programa upang suportahan ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang pag-aaral.11 Upang matustusan ang espirituwal na pag-aaral at pagsasanay para sa lokal na ministeryo at mga pagmimisyon, itinatag ng Simbahan ang mga seminary, mga institute of religion, missionary training center, at iba pang pulong at brodkast sa pagsasanay sa pamumuno. Bawat isa sa mga programang ito ay nagpapatuloy pa rin, sa sarili nitong paraan, sa pamana ng Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland.
Mga Kaugnay na Paksa: Paghuhugas ng mga Paa, Word of Wisdom (D at T 89), Pagkakaloob ng Kapangyarihan