Kasaysayan ng Simbahan
Pagkatao ng mga Lamanita


Pagkatao ng mga Lamanita

Inilalahad ng Aklat ni Mormon ang kasaysayan ng dalawang lahi, ang mga Nephita at Lamanita, na namuhay sa patuloy na kaguluhan sa relihiyon at pulitika sa loob ng maraming siglo. Ang mga grupong ito ay nagsimula bilang mga inapo ng dalawang magkapatid na Israelita. Sa paglipas ng panahon, ang grupo na tinatawag na mga Lamanita ay lumago at napabilang sa kanila ang ibang tao, tulad ng ilan na “naging mga Lamanita dahil sa kanilang [pagtiwalag]” mula sa mga Nephita.1 Sa gayon, ang mga katagang Nephita at Lamanita ay nagsimulang maglarawan ng pagkakaiba ng kultura at relihiyon maging ang pagkakaibang etniko.2 Sa huli, ang mga Lamanita na hindi naniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nanaig at lumipol sa bansang Nephita. Nakinita ng mga propetang Nephita na magaganap ang pagwasak na ito sa hinaharap at ipinagdasal na ang kanilang mga itinuturo, na pinangalagaan sa Aklat ni Mormon, ay magiging paraan upang balang araw ay maibalik sa ebanghelyo ang mga inapo ng mga Lamanita.3 Nangako ang Panginoon na sa mga huling araw, ang mga Lamanita ay “darating sa kaalaman ng kanilang Manunubos,” na sila ay makikibahagi sa pagtatayo ng Sion bilang bahagi ng pinagtipanang tao ng Diyos, at ang “mga kapangyarihan ng langit” ay mapapasakanila.4 Pinagtibay ng paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith na ang mga pangako ng Aklat ni Mormon tungkol sa mga Lamanita ay nananatiling may bisa.5

Noong unang inilathala ang Aklat ni Mormon, ang mga Europeo at Amerikanong Europeo ay matagal nang naniniwala na sila ay nagmula sa sampung nawawalang lipi ni Israel na binanggit sa Biblia. Nakatulong ito sa kanila na makita ang kanilang kaugnayan sa mga pinagtipanang tao ni Israel. Inaanyayahan ng Aklat ni Mormon ang mga mambabasa na isaalang-alang ang iba pang mga tao, lalo na ang mga katutubo sa lupain ng Amerika, bilang mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel at bahagi ng kasaysayang ito ng tipan.6

Bagama’t may ilang naunang Banal sa mga Huling Araw ang nagbigay ng mga haka-haka sa kung aling partikular na grupo ang mga inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon, karamihan ay itinuturing ang mga Katutubong Amerikano bilang mga tagapagmana ng mga pangako ng Aklat ni Mormon.7 Ang mga ideya ng kalamangan ng mga Europeo ay laganap noong panahon ni Joseph Smith, at marami ang nakapuna na ang pag-angkin ng isang mahalagang papel sa relihiyon sa iba pang grupong etniko, kabilang na ang mga American Indian, ay mahirap. Gayunman, ang mga unang Banal sa mga Huling Araw ay sabik na makita ang katuparan ng mga pangako ng Panginoon at dinala ang Aklat ni Mormon sa mga Lamanita.

Ang unang pangunahing misyon ng Simbahan, noong 1830, ay sa mga pangkat na itinuturing na mga Lamanita.8 Matapos lumipat sa Kanlurang Amerika noong huling bahagi ng dekada ng 1840, nagkaroon ng mas regular na pakikipag-ugnayan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga grupo ng mga American Indian. Sa kabila ng mga problema, mga sagabal sa pagkakaiba-iba ng kultura, at maging mga mararahas na labanan, nagpatuloy ang mga Banal na magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga katutubo, nagpadala ng mga missionary sa mga grupo ng mga American Indian, at pinag-aralan ang mga katutubong wika.9

Itinuro ng mga missionary sa mga katutubo sa lupain ng Amerika at sa Pacific na sila ay mga inapo ng mga Nephita at Lamanita. Matapos matanggap ang ebanghelyo, tinanggap ng mga nabinyagan sa mga rehiyong ito ang paraan kung paano sila iniugnay ng Aklat ni Mormon sa isang nawawalang pamana at ipinangakong kinabukasan, lalo na kumpara sa mahirap at kung minsan ay mapang-aping kalagayan kung saan sila nakatira.10 Ang mga Banal na kinilala ang sarili bilang mga Lamanita ay palagiang nagtatrabaho nang mag-isa o sa pakikipagtulungan sa mga inisyatiba ng Simbahan upang umunlad sa espirituwal at temporal at makatulong na matugunan ang mga propesiya na “bago dumating ang dakilang araw ng Panginoon … ang mga Lamanita ay mamumukadkad gaya ng rosas.”11

Isang Dalawahang Pamana

Ang mga pangako ng Aklat ni Mormon sa mga Lamanita ay naghikayat sa maagang pagsisikap na tugunan ang mga puwang sa kultura sa pagitan ng mga Banal na inapo ng mga Europeo at mga Banal, o mga posibleng mabinyagan, na inapo ng mga Katutubong Amerikano. Ang Aklat ni Mormon mismo, gayunman, ay nagpapakita kung paano hinahadlangan ng namanang negatibong pag-uugali ang pagkakaisa. Kasama ang mga salaysay ng mga propeta na nanalangin para sa mga Lamanita, nagbigay rin ang Aklat ni Mormon ng mga halimbawa ng mga taong nabigong makita ang kabutihan sa mga Lamanita, na nagpalagay ng higit na kagalingan sa kanila, at tinanggihan ang isang propeta dahil siya ay isang Lamanita.12

Sa kasamaang palad, ilang miyembro ng Simbahan ay itinuring na mas mababa o hinahamak ang mga grupong itinuturing nilang mga Lamanita, lalo na sa mga panahon ng kaguluhan.13 Dahil dito, ilang miyembro ng mga grupo na tinanggap ang pagkatao ng mga Lamanita ay nagkaroon ng magkatunggaling damdamin tungkol sa paraan kung paanong ang pamanang ito ay minsang tinatalakay sa Simbahan.

Para sa maraming Banal sa mga Huling Araw, gayunman, ang pagtanggap sa mga pamanang Lamanita ay naging isang bagay na mapagkukunan ng lakas. Ang pagkilala sa mga pangako sa mga Lamanita ay nakatulong sa maraming Banal sa kanilang pagpapahalaga sa kanilang mga katutubong pamana, at ang pagkilala sa mga katutubong kultura ay lumitaw sa mga gawain ng Simbahan tulad ng paglalaan ng templo, mga mensahe, at mga programa. Ang mga Banal na kinilala ang mga sarili bilang mga Lamanita ay nakagawa ng malaking kontribusyon sa Simbahan at sa kanilang mga komunidad habang sinisikap nilang maisakatuparan ang mga pangako ng Panginoon sa Kanyang mga pinagtipanang tao.

Mga Makabagong Tanong

Tulad ng kasaysayan ng sampung lipi ni Israel sa hilaga matapos ang kanilang pagpapatapon sa Assyria ay isang haka-haka sa halip na kaalaman, ang kasaysayan ng mga Lamanita sa pagtatapos ng talaan sa Aklat ni Mormon ay isang haka-haka. Ipinahayag ng Simbahan na lahat ng miyembro ay bahagi ng tipan sa sambahayan ni Israel sa pamamagitan ng pagiging derektang inapo o pag-ampon ngunit hindi ito nagbibigay ng pahayag tungkol sa partikular na heograpiya ng Aklat ni Mormon o umaangkin na ito ay may kumpletong kaalaman tungkol sa pinagmulan ng anumang partikular na modernong grupo sa mga Amerika o Pacific.14 Anuman ang makasaysayang detalye nito, patuloy ang Simbahan sa pagsisikap nito na tulungang maisakatuparan ang inaasam ng mga propeta sa Aklat ni Mormon na ang mga tipan ng Panginoon ay maipagkaloob sa lahat ng mga nawawalang tupa ni Israel.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 10:48. Tingnan sa Joseph Smith, “Revelation, Spring 1829 [DC 10],” sa Book of Commandments, 25, josephsmithpapers.org. Tingnan din sa 2 Nephi 5:9–10, 14; Jacob 1:13–14.

  2. Tingnan sa Jacob 1:13–14; Alma 3:10–11; 4 Nephi 1:20, 37–39.

  3. Tingnan sa Enos 1:11–14; Mormon 9:36.

  4. 1 Nephi 15:14; 3 Nephi 20:21–22; 3 Nephi 21:23–25.

  5. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 3:16–20; Doktrina at mga Tipan 10:47–52; Doktrina at mga Tipan 49:24.

  6. Tingnan sa 3 Nephi 15:11–24; 20:25–26.

  7. Tingnan sa “Lamanites,” josephsmithpapers.org.

  8. Tingnan sa Paksa: Mga Unang Missionary. Mangilan-ngilan lamang ang mga nabinyagang American Indian bago ang taong 1847, ngunit may isa, si Lewis Dana ng tribong Oneida, na naging miyembro ng Konseho ng Limampu sa Nauvoo. Tingnan sa Paksa: Konseho ng Limampu; “Lewis Dana (Denna),” josephsmithpapers.org.

  9. Tingnan sa Paksa: Mga American Indian. Para sa mga piling halimbawa ng mga pagsisikap na ito, tingnan sa Ronald W. Walker, “Seeking the ‘Remnant’: The Native American During the Joseph Smith Period,” Journal of Mormon History, tomo 19 blg. 1 (1993), 1–33; Kenneth R. Beesley at Dirk Elzinga, An 1860 English-Hopi Vocabulary Written in the Deseret Alphabet (Salt Lake City: University of Utah Press, 2015); Edward L. Kimball at Andrew E. Kimball Jr., Spencer W. Kimball: Twelfth President of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Salt Lake City: Bookcraft, 1977), 236–248, 361–363; Edward L. Kimball, Lengthen Your Stride: The Presidency of Spencer W. Kimball (Salt Lake City: Deseret Book, 2005), 288–295.

  10. Tingnan sa “El Espíritu de la Iglesia Desierta a la Nación Mexicana,” La Voz del Desierto, tomo 1, blg. 1 (Setyembre 1, 1879), 1.

  11. Doktrina at mga Tipan 49:24. Maraming mga Latin American, American Indian, at Pacific Islander na mga Banal sa mga Huling Araw sa kalagitnaan ng ika-20 siglo ang nag-ugnay ng pagkatao ng mga Lamanita sa hangaring pang-edukasyon. Noong panahong iyon, nagbukas ang Simbahan ng mga paaralan sa Latin America at sa Pacific. Naglunsad rin ang Simbahan ng iba’t ibang programang pang-edukasyon na naglalayong tulungan ang mga American Indian sa Estados Unidos. Tingnan din sa J. Thomas Fyans, “The Lamanites Must Rise in Majesty and Power,” Ensign, Mayo 1976, 12–13.

  12. Tingnan sa Mosiah 9:1–2; Jacob 3:5; Helaman 14:10.

  13. Halimbawa, tingnan sa Marjorie Newton, Mormon and Maori (Draper, Utah: Greg Kofford Books, 2014), 31–32. Tingnan din sa Paksa: Mga American Indian. Kahit sa mga panahon ng pagtutulungan, ang mga miyembro ng mga grupo na kinilala ang sarili bilang mga Lamanita ay hindi laging nadaramang sapat ang pagsangguni sa kanila noong panahon ng pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa.

  14. Tingnan sa “Book of Mormon and DNA Studies,” Gospel Topics Essays, topics.lds.org.