“Hinirang na Korum (‘Banal na Orden’),” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Hinirang na Korum”
Hinirang na Korum (“Banal na Orden”)
Noong Mayo 4, 1842, ipinakilala ni Joseph Smith ang endowment sa templo sa isang grupo ng siyam na malalapit na kaibigan sa isang silid sa itaas ng kanyang tindahan sa Nauvoo. Nang sumunod na dalawang taon, pinangasiwaan ni Joseph ang ordenansang ito sa mahigit 50 pang kalalakihan at kababaihan. Ang grupong ito ay tumanggap ng seremonya ng paghuhugas at pagpapahid ng langis bilang bahagi ng endowment, at kalaunan ay tinawag na “Hinirang na Korum,” “ang Korum,” ang “konseho,” o ang “Banal na Orden.”1
Itinuro ng isang paghahayag noong 1841 kay Joseph Smith na ang endowment ay dapat ibigay sa mga miyembro ng Simbahan sa natapos na Nauvoo Temple.2 Ngunit ayon kay Orson Hyde, ipinaliwanag ni Joseph, “Hindi ko alam kung bakit, ngunit inatasan ako ng Panginoon na magmadali at ipagkaloob sa inyo ang inyong endowment bago matapos ang templo.”3 Pumili siya ng mga lalaki at babae na kanyang pinagkakatiwalaan na magpipitagan at magpapanatiling kumpidensyal sa mga sagradong ordenansa ng templo. Si Heber C. Kimball, isa sa mga orihinal na miyembro ng Hinirang na Korum, ay nagpaliwanag na si Joseph “ay nag-organisa ng isang maliit na grupo” kung saan “maibabahagi niya ang mga nilalaman ng kanyang puso at madarama niyang ligtas siya.”4
Bagamat noong una ay inanyayahan lamang ni Joseph ang iilang mga tao na makibahagi sa endowment, malinaw na nilayon niyang matanggap din ng karapat-dapat na mga Banal sa mga Huling Araw ang mga seremonya sa templo. Inilalarawan ang endowment sa opisyal na kasaysayan ng Simbahan noong 1845, ipinaliwanag ni Willard Richards na, “Walang ipinaalam sa [amin], maliban sa mga bagay na ipaaalam sa lahat ng Banal sa mga huling araw, sa panahong handa na silang tumanggap, at isang angkop na lugar ang inihanda upang maipaalam ang mga ito.”5 Hinimok ni Joseph Smith ang mga tao na tapusin ang Nauvoo Temple upang ang iba pang mga Banal ay magkaroon ng pagkakataong tanggapin ang kanilang endowment. Si George Q. Cannon, na noon ay tinedyer nang lumipat siya Nauvoo noong 1843, ay ginunita na, “Nang ibinahagi ni [Joseph] ang endowment sa ilang mga tao bago natapos ang Templo, nahikayat ang lahat na tapusin ang Templo, upang matanggap nila ang mga dakilang pagpapalang ito.”6
Ang mga miyembro ng Hinirang na Korum ay paminsan-minsang nagpulong sa pagitan ng Mayo 1842 at Setyembre 1843 at naging mas regular hanggang Disyembre 1845, karaniwan sa silid sa itaas ng tindahan ni Joseph o sa tahanan ng mga miyembro. Sa kanilang mga pulong, ipinapakilala nila ang mga seremonya sa templo sa mga bagong miyembro ng korum, ibinubuklod ang mga mag-asawa para sa kawalang-hanggan, nakikipag-usap at tumatanggap ng tagubilin mula kay Joseph Smith, at nananalangin bilang isang grupo. Dahil dito, ang mga pagtitipon ay karaniwang tinatawag na “pulong ng panalangin” o “mga council meeting.” Habang nagpupulong sila, ang mga lalaki at babae ng korum ay nagkaroon ng mga karanasan sa pagbibigay ng mga endowment sa iba.
Matapos ang martir na pagkamatay ni Joseph Smith, ang partisipasyon sa Hinirang na Korum ay naging mahalagang bahagi ng debate tungkol sa kung sino ang susunod sa Propeta. Isang makapangyarihang aspeto ng argumento na ginawa ng Korum ng Labindalawa noong sumunod na mga linggo matapos ang pagkamatay ni Joseph, hindi tulad ng kalabang nag-aangkin na si Sidney Rigdon, tinanggap nila ang lahat ng mga ordenansa sa templo at binigyang-pahintulot ni Joseph Smith na ibigay ito sa iba.7
Sa pagitan ng Agosto 1844 at Disyembre 1845, si Brigham Young, bilang Pangulo ng Labindalawa, ang namuno sa Hinirang na Korum, at inanyayahan ang mas maraming tao na sumali. Noong huling bahagi ng 1845, inihanda ng mga miyembro ng Korum ang attic (pinakaitaas na palapag) ng Nauvoo Temple para sa pangangasiwa ng endowment, at sa kalagitnaan ng Disyembre, sinimulang anyayahan ni Brigham Young at ng iba pa ang malalaking pangkat ng mga Banal na tumanggap ng kanilang endowment.
Ang kalalakihan at kababaihan ng Hinirang na Korum ang mga unang temple worker, na nangasiwa sa mahigit 5,000 Banal na tumanggap ng mga ordenansa na natanggap nila mula kina Joseph Smith, Brigham Young, at sa kanilang mga kapwa miyembro sa korum. Nakipagpulong din sila sa templo sa mga Banal na katatanggap pa lamang ng kanilang endowment upang ipasa sa kanila ang mga turo sa templo na natanggap nila mula kay Joseph Smith. Ang kanilang gawain sa templo ay nagpatuloy hanggang Pebrero 1846, kung saan ang unang pangkat ng mga Banal ay napilitang lisanin ang Nauvoo upang maglakbay pakanluran. Ngayong marami na sa mga miyembro ang nakatanggap ng endowment, natigil na ang Hinirang na Korum.
Mga Kaugnay na Paksa: Pagkakaloob ng Kapangyarihan, Temple Endowment, Nauvoo Temple