“King Follett Discourse,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“King Follett Discourse”
King Follett Discourse
Noong Abril 7, 1844, si Joseph Smith ay tumayo upang magsalita sa masasabing kanyang huling kumperensya. Matapos hilingin sa mga Banal na ibigay sa kanya ang “lahat ng kanilang atensiyon,”1 ipinaliwanag niya na siya ay magsasalita tungkol sa mga patay, bilang tugon sa kahilingan ng pamilya at mga kaibigan ni King Follett na miyembro ng Simbahan na kamakailan lamang ay namatay sa isang aksidente. Walang kumpletong tala ng bawat salitang sinabi ni Joseph, ngunit may ilang taong nagsulat, at ito’y naging isa sa pinakamagagandang naitalang sermon ni Joseph.2
Sa sermon, itinuro ni Joseph ang tungkol sa likas na kabanalan at walang-hanggang pag-unlad. Sinalungat niya ang matagal nang tradisyon ng teolohiya na nagtuturing sa Diyos bilang lubos na kaiba sa sangkatauhan. Ipinaliwanag niya na “kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katangian ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili.”3 Itinuro niya na ang Diyos “ay tulad natin noon” at na ang “lahat ng espiritu na isinugo ng Diyos sa mundo” ay “may kakayahang umunlad,” may kapasidad o kakayahang maging katulad ng Diyos sa mga kawalang-hanggan.4 Itinuro rin ni Joseph na ang pangunahing bahagi ng bawat tao ay walang-hanggan na tulad ng Diyos, inihahambing ang banal na pangunahing bahaging ito sa isang singsing, na walang simula o katapusan.
Ang King Follett sermon ang pinakatuwirang pampublikong paliwanag tungkol sa mga doktrinang ito, ngunit hindi ito ang unang pagkakataon na ipinakilala ang mga ito. Ang Aklat ni Mormon at ang Aklat ni Moises ay kapwa naglalaman ng mga talata na taliwas sa nangingibabaw na paniniwala sa teolohikal sa kapanahunan ni Joseph Smith na ang Diyos ay “walang katawan, mga bahagi, o damdamin.”5 Ang mga natanggap na paghahayag ni Joseph Smith simula pa noong 1832 ay nagtuturo na ang mga espiritu ay umiral “sa simula kasama ng Diyos” at na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang tao ay maaaring “tumanggap ng kanilang mana at gagawing pantay sa kanya,” at magiging mga diyos.6 Pinalawig ni Joseph Smith ang mga paghahayag na ito sa iba’t ibang pagkakataon, tinutulungan ang iba na maunawaan ang ipinahihiwatig ng kanyang mga turo.7
Kahit sa mga taong nakaaalam na sa mga unang itinuro ni Joseph Smith tungkol sa buhay bago tayo isinilang, likas na kabanalan, at kadakilaan, ang King Follett discourse ay namumukod-tangi dahil sa mabisang pagsasama-sama ng mahahalagang paliwanag ng mga pangunahing konseptong ito. Inilarawan ito ng isang miyembro ng Simbahan na nakarinig sa sermon bilang isang malaking katibayan na taglay ni Joseph Smith “ang Diwa ng Inspirasyon.”8 Halos 50 taon matapos ang mensahe, ipinahayag ni Wilford Woodruff, habang nagsasalita sa paglalaan ng Salt Lake Temple, na ang pakikinig sa diskurso ang pinakamalakas na espirituwal na karanasan sa kanyang buhay.9 Ngunit maraming bumabatikos sa sermon na ito. Dalawang buwan pagkatapos ng sermon, ang mga tumutuligsa sa Simbahan na mga Banal sa mga Huling Araw ay naglabas ng isang pahayagan na tinatawag na Nauvoo Expositor, kung saan tinuligsa nila ang mga itinuturo ng Propeta bilang kapusungan at binanggit ang mga ito bilang dahilan ng kanilang pagsasalita laban kay Joseph Smith.10 Binatikos din ng mga sumunod na kritiko ng Simbahan ang mga turo sa sermon.
Mula noong 1844, patuloy na itinuro ng Simbahan ang mga pangunahing doktrina na inilahad ni Joseph Smith sa King Follett discourse at inunawa ang plano ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga katotohanang itinuro ni Joseph Smith tungkol sa premortal na pag-iral, mortal na karanasan, at mga banal na walang-hanggang potensiyal ng sangkatauhan.
Mga Kaugnay na Paksa: Ina sa Langit