“Pagbubuklod,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pagbubuklod”
Pagbubuklod
Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ipinanumbalik ng Diyos sa lupa ang kapangyarihan na nagbibigay sa sinaunang Apostol na si Pedro na magbuklod, o magtatak, sa lupa at sa langit. Ang kapangyarihan ng pagbubuklod na ito ay ginagamit sa mga templo upang magdaos ng mga kasal at magbuklod ng mga pamilya sa lahat ng henerasyon. Ginamit ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw ang salitang magbuklod o magtatak sa ilang magkakaiba ngunit magkakaugnay na paraan. Ang mga tatak ay ginagamit sa paggawa ng kontrata o gawing opisyal ang mga kasunduan. Ang mga tatak ng tinta, pagkit, o pinaumbok na selyo ang nagpapatunay ng mga lagda sa kontrata.1 Maraming mambabasa ng Biblia ang nagpaliwanag sa mga talatang binabanggit ang katagang tatak na nangangahulugang may naigawad na opisyal sa paningin ng Diyos. Madalas banggitin ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw ang pagbubuklod sa ganitong paraan, na tinutukoy ang mga panalangin, patotoo, mga basbas, pagpapahid ng langis, ordenansa, at mga kasal na isinagawa ng priesthood bilang ibinuklod, o may marka ng banal na awtoridad, at sa gayon ay may bisa sa langit.2 Itinuro pa ng ilang unang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith na ang ipinanumbalik na awtoridad, mga ordenansa at tipan ay maaaring pagbuklurin ang mga tao sa buhay na walang hanggan.3
Ang Kapangyarihan ni Elijah
Kumikilos ayon sa iba pang paghahayag na kanyang natanggap, ipinakilala ni Joseph Smith ang mga bagong turo at ordenansa sa Nauvoo, Illinois, na nagpalawak at nagbigay ng mas tumpak na pang-unawa ng mga Banal sa pagbubuklod. Itinuro niya na “ang espiritu at kapangyarihan ni Elijah” ay binubuo ng kapangyarihan na maglagay ng “tatak ng Melchizedek priesthood sa sambahayan ni Israel.” Itinuro din niya na siya ay pinayagang magsumamo sa kapangyarihan ng pagbubuklod sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo alang-alang sa kanyang mga mahal sa buhay at sa lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw.4
Ang mga pagtukoy na ito sa kapangayarihan ni Elijah na magbuklod ay malinaw na nagmula sa pangitain nina Joseph Smith at Oliver Cowdery kay Elijah sa Kirtland Temple noong 1836. Bagamat hindi nagsalita sa publiko si Joseph tungkol sa karanasan, ang salaysay ng pangitain sa talaan ni Joseph ay nagtatala na dumating si Elijah upang “ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama.” Sinabi ng sinaunang propeta kay Joseph, “Ang mga Susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay.”5
Pagbibinyag para sa mga Patay at Walang Hanggang Pamilya
Nang nagsimulang ipakilala ni Joseph Smith ang mga ordenansa sa templo sa Nauvoo, nagsalita siya tungkol sa kanilang kapangyarihang magbigkis, o magbuklod, ng mga tao sa lahat ng henerasyon. Sa mga liham sa Simbahan na naglalaman ng mga inspiradong turo tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay, nagsalita si Joseph tungkol sa mga pagbibinyag sa kinatawan bilang isang ordenansa na nagsasagawa ng “isang pag-uugnay” sa pagitan ng mga henerasyon sa pamamagitan ng paghahandog ng kaligtasan sa mga patay. Sinabi pa niya na, sa isang banda, ang ordenansa ay may “kapangyarihan ng pagbubuklod at pagtatali.”6 Habang lumulusong ang mga Banal sa tubig ng binyag para sa kanilang mga yumaong miyembro ng pamilya, binigkis nila ang mga henerasyon sa loob ng isang pinalawak na tipan ng pamilya.
Isang paghahayag kay Joseph, na unang naitala noong 1843, ang nagpaliwanag sa odrenansa ng pagbubuklod ng kasal. “Lahat ng tipan, kasunduan, pagkakabigkis, pananagutan, sumpaan, panata, gawain, kaugnayan, samahan, o inaasahan,” sabi ng Panginoon, “ na hindi ginawa at pinasok sa at ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako, sa kanya na hinirang … ay wala ni kapangyarihan, bisa, o lakas sa at pagkaraan ng pagkabuhay na mag-uli mula sa patay.” Magagawa ng kapangyarihang magbuklod ang mga kasal na magkaroon ng bisa sa walang hanggan, at ang mga ordenansa ng pagbubuklod ay maaari lamang isagawa sa “pamamaraan ng aking hinirang,” ibig sabihin ay si Propetang Joseph Smith.7 Isinaad ng paghahayag na “wala kailanman maliban sa isa sa mundo sa [isang] panahon” ang hahawak sa mga susi ng kapangyarihang ito. Sa gayon, bawat isa sa mga kahalili ni Joseph Smith bilang Pangulo ng Simbahan ay tinanggap ang mga susi at awtoridad na pamahalaan ang pagsasagawa ng mga ordenansa ng pagbubuklod.
Mga isang buwan matapos ang paghahayag tungkol sa pagbubuklod ng kasal, itinuro ni Joseph na ang kapangyarihang ito ay maaaring ibuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang. “Kapag ang ama at ina ay ibinuklod,” turo niya, “pinatatatag nito ang kanilang mga inapo, upang hindi sila mawalay at mangaligaw at sa halip ay mailigtas sa bisa ng tipan ng kanilang ama at ina.”8 Pinagtibay ni Brigham Young na nagtagubilin si Joseph sa kanya na isagawa ang gayong mga pagbubuklod kapag handa na ang Nauvoo Temple.9
Pag-aampong Pagbubuklod
Matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith, tinapos ng mga Banal ang Nauvoo Temple upang sila ay tumanggap ng endowment at mabuklod. Sina Brigham Young at ang Korum ng Labindalawang Apostol ang nangasiwa ng libu-libong pagbubuklod. Nagbuklod sila ng mga mag-asawa sa kasal at ibinuklod ang mga anak sa mga magulang noong ang mga magulang ay ibinuklod matapos isilang ang kanilang mga anak. Noong panahong iyon, gayunman, hindi pa nabubuklod ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang mga namayapang magulang na hindi sumapi sa Simbahan sa buhay na ito. Sa halip, ang ilang Banal ay nakibahagi sa “pag-aampong” pagbubuklod na nag-uugnay sa kanila sa iba pang nasa hustong gulang na mga Banal sa mga Huling Araw, na halos laging mga bantog na lider ng Simbahan. Ang mga pagbubuklod na ito ay nag-ugnay sa kanila sa iba, na alam nilang tinanggap ang mga tipan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa sumunod na 50 taon, maraming kumplikadong network sa pag-aampon ang nagbunga mula sa mga pagbubuklod sa templo, na nag-uugnay sa mga kaibigan at kasamahan na para bang mga pinalawak na pamilya ang mga ito.
Ang gawaing ito ay nagpatuloy hanggang 1894, nang tumanggap si Pangulong Wilford Woodruff ng paghahayag na naglilimita sa pag-aampon na pagbubuklod at sa halip ay tumuon sa pagbubuklod ng mga mag-asawa at mga ugnayan ng magulang at anak. Hinikayat ni Pangulong Woodruff ang mga Banal na saliksikin ang kanilang mga talaangkanan “hanggang sa makakaya nila, at mabuklod sa kanilang mga ama at ina.” Hinimok niya ang mga Banal na mabuklod sa mga pumanaw na asawa at magulang, maging yaong mga hindi pa miyembro ng Simbahan, nangangako na “may kakaunti lang, kung mayroon man, na hindi tatanggapin ang ebanghelyo.”10
Mga Tagabuklod ng Templo
Matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith, nagsagawa sina Brigham Young at iba pang mga miyembro ng Labindalawa ng mga pagbubuklod sa templo sa Nauvoo at kalaunan ay sa Lunsod ng Salt Lake. Noong 1877 ang pangulo ng bagong laang St. George Temple, si Wilford Woodruff, ay humingi ng pahintulot sa Pangulo ng Simbahan na si Brigham Young na italaga ang iba na magsagawa ng pagbubuklod. Pinahintulutan ni Young si Woodruff na magtalaga ng sapat na dami ng mga nagbubuklod, at hindi nagtagal ang mga nagbubuklod sa tempo ay palagiang nangangasiwa ng pagbubuklod para sa kapwa mga buhay at patay. Pagsapit ng unang bahagi ng ika-20 siglo, ang Unang Panguluhan ay nagtakda ng pamantayang proseso para sa mga temple presidency ukol sa paghirang at pagtatalaga ng mga nagbubuklod.11Ang mga nagbubuklod na ito ay patuloy na kumikilos nang may itinalagang awtoridad at sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan.