Kasaysayan ng Simbahan
Mga Peryodiko ng Simbahan


“Mga Peryodiko ng Simbahan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Peryodiko ng Simbahan”

Mga Peryodiko ng Simbahan

Ang paglalathala ng mga peryodiko ay naging isang mahalagang aspeto ng komunikasyon ng Simbahan mula sa mga unang taon nito. Sa panahon ng pagtatatag ng Simbahan, ang mga pahayagan ay ilan sa mga pinakamahalagang paraan ng pagpapalaganap ng impormasyon sa Estados Unidos. Madalas na naiimpluwensyahan ng mga patnugot ang mga opinyon tungkol sa relihiyon at pulitika, at ilan sa pinakamaagang makasaysayang sanggunian na may kaugnayan sa ipinanumbalik na Simbahan ay mga pag-atake na inilimbag sa mga pahayagan na laban sa Simbahan. Mabilis na natutunan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kakayahang magkaroon ng kanilang sariling pahayagan. Binigyang-pagkakataon ng paglalathala ng mga pahayagan ang mga Banal na ipahayag ang kanilang sariling mga pananaw, labanan ang mga maling paratang, makipag-ugnayan sa isa’t isa sa kabila ng distansya, at ibahagi ang ebanghelyo. Marami sa mga paghahayag at inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith ay nailathala sa unang pagkakataon sa mga pahayagan ng Simbahan.

unang isyu ng peryodiko na The Evening and the Morning Star

Ang unang isyu ng The Evening and the Morning Star, unang pahayagan ng Simbahan.

Mga Unang Pahayagan ng mga Banal sa mga Huling Araw

Sa isang kumperensya ng Simbahan noong 1831 sa Hiram, Ohio, isinugo si William W. Phelps upang bumili ng isang printing press sa Cincinnati habang papunta sa Missouri.1 Bilang miyembro ng Literary Firm, isang komite sa mga unang taon ng Simbahan na naatasang mangasiwa sa mga lathalain ng Simbahan, nagtatag si Phelps ng palimbagan sa Independence, Missouri. Doon niya inilathala ang unang peryodiko ng Simbahan, ang The Evening and the Morning Star, simula noong Hunyo 1832.2 Bago pa lamang ang pahayagan, gayunpaman, nang sirain ng mga vigilante ang printing press ni Phelps noong Hulyo 1833.3 Matapos bumili ng isang bagong printing press, inilipat ng mga lider ng Simbahan ang kanilang paglilimbag sa Kirtland, Ohio, at sinimulan ang paglalathala ng Latter Day Saints’ Messenger and Advocate. Noong Oktubre 1837, ang pahayagan ay pinalitan ng Elders’ Journal of the Church of Latter Day Saints. Sa kasamaang palad, noong Enero 1838, naagaw at nasamsam ng sherrif ng lugar ang palimbagan ng Simbahan. Tinupok ng apoy ang palimbagan noong Enero 16.4

Nang pinalayas ang mga Banal mula sa Missouri noong 1838, iniwasan nila na mawalan ng isa pang mahalagang printing press sa Far West sa pamamagitan ng pagbabaon dito sa bakuran ng isang miyembro ng Simbahan bago lumikas. Nanatili roon ang printing press hanggang sa mabawi ito noong sumunod na tagsibol. Pagkatapos ay dinala ito sa Nauvoo, Illinois, kung saan ito kinumpuni at ginamit upang ilathala ang Times and Seasons, isang pahayagan na naglarawan ng gawain ng Simbahan at pang-araw-araw na buhay sa Nauvoo.5

Noong Mayo 1840, nagsimulang ilathala ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawa ang Latter-day Saints’ Millennial Star habang nasa kanilang misyon sa England. Unang inilathala sa Manchester at pagkatapos ay sa Liverpool, naging pinakamatagal na peryodiko ito ng Simbahan at mahalaga sa pag-unlad at suporta ng Simbahan sa Great Britain.6 Nagtatag ng iba pang mga peryodiko ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw sa mga mission ng Simbahan sa Europa at silangang Estados Unidos. Isa sa mga pinakauna at pinakamaimpluwensya sa mga ito ay ang Skandinaviens Stjerne, na unang inilathala noong 1851 sa Copenhagen. Binigyan nito ang mga Banal na Danish at Swedish ng pagkakataong mabasa ang mga mensahe ng mga propeta, mga tampok na liham mula sa mga dayo na nagtipon sa Sion, at muling nilathalang salin na mga materyal mula sa Millennial Star at sa Deseret News. Naglathala rin ang mga misyonero sa Wales, France, at Germany ng katulad na nilalaman sa mga lokal na wika sa mga lathalaing Prophwyd y Jubili (tinatawag ding Seren y Saints), l’Étoile du Déséret, at Zions Panier, sa kanilang mga bansa.7

Noong 1847 sa Winter Quarters, Nebraska, inatasang muli ng mga lider ng Simbahan si William W. Phelps na bumili ng isang printing press at ihatid ito sa isang bagong Sion na itatayo sa Great Basin. Nagmula ang unang isyu ng Deseret News sa printing press na ito sa Salt Lake City noong Hunyo 1850.8

Mga Peryodiko ng mga Auxiliary at Relief Society

Habang itinatala ng mga patnugot ng Deseret News ang mga pangyayari sa pangkalahatang Simbahan at sa komunidad sa Utah at sa mga karatig na pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw, ilang kilalang miyembro ng Simbahan ang bumuo ng mga peryodiko para sa partikular na mga paksa at mga mambabasa. Noong 1866, inilunsad ni Elder George Q. Cannon ang Juvenile Instructor, isang peryodiko na dinisenyo upang ituro ang ebanghelyo sa mga bata at kabataan. Sinimulan ni Louisa Lula Greene, 19 taong gulang na apo ng kapatid ni Brigham Young, ang Woman’s Exponent noong 1872, at pinalitan siya ni Emmeline B. Wells, na kalaunan ay naging Relief Society General President, bilang patnugot noong 1877. Ang Woman’s Exponent ay nagtaguyod ng mga karapatan ng kababaihan at nagpahayag ng ipinanumbalik na ebanghelyo, dalawang adhikain na itinuring ni Wells na magkaugnay. Hindi pag-aari ng Simbahan ang alinman sa mga peryodikong ito, ngunit kapwa naging malawak ang sirkulasyon ng mga ito at naging mahalagang bahagi ng mga talakayan sa mga miyembro ng Simbahan.9

unang isyu ng peryodiko na Woman’s Exponent

Ang unang isyu ng Woman’s Exponent, isang peryodiko na inilathala ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw.

Hindi nagtagal nagsimula ng sarili nilang mga lathalain ang mga pangkalahatang lupon ng ilang mga organisasyon ng Simbahan. Nagsimula ang Contributor noong 1879 para sa mga kabataang lalaki, nagsimula ang Young Woman’s Journal noong 1889 para sa mga kabataang babae, at nagsimula ang Children’s Friend noong 1902 para sa mga bata.10 Ang Contributor ay pinalitan ng Improvement Era noong 1897. Noong 1900, binili ng Sunday School general board ang Juvenile Instructor at pinalawak ang misyong pang-edukasyon ng magasin mula sa pagtutuon ng pansin sa mga bata at kabataan tungo sa pagsasama sa lahat ng nasa hustong gulang na mga miyembro ng Simbahan.11 Noong 1914 naglathala ang Relief Society general board ng buwanang pahayagan, at simula noong Enero 1915, inilunsad ng board ang sarili nitong magasin, ang Relief Society Magazine, na humalili sa Woman’s Exponent.12

Ugnayan ng mga Peryodiko ng Simbahan

Pinagyaman ng mga peryodikong ito ng Simbahan ang buhay ng mga miyembro sa maraming dekada. Gayunman, sa mabilis na paglago ng Simbahan at paglawak nito sa buong mundo noong mga 1960s at 1970s, napagtanto ng mga lider ng Simbahan ang pangangailangan para sa mas mainam na komunikasyon. Itinigil nila ang paglalathala ng mga magasin ng mga auxiliary at mission para maghatid ng pinag-isang mensahe. Ang mga unang isyu ng Ensign para sa mga miyembrong nasa hustong gulang, ang New Era para sa mga kabataan, at ang Friend para sa mga bata ay sinimulang ilathala noong Enero 1971.13

unang isyu ng peryodikong Ensign

Ang unang isyu ng Ensign, na inilathala noong Enero 1971.

Noong 1971 nagsimula rin ang Simbahan na pumili, magsalin at maglathala ng mga paksa mula sa tatlong magkakaugnay na magasin sa mga peryodiko para sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo na hindi nagsasalita ng Ingles. Pagsapit ng 1990, kabilang ang 20 iba’t ibang magasin sa pagsisikap na ito, bawat isa ay may sariling pamagat sa partikular na wika at isang bahagi para sa lokal na mga artikulo. Noong 2000, ang mga internasyonal na peryodikong ito ay pinangalanang Liahona.14

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Unang Misyonero

Mga Tala

  1. William W. Phelps, “Rise and Progress of the Church of Christ,” April 1833, Historical Introduction, josephsmithpapers.org.

  2. William W. Phelps, “Rise and Progress of the Church of Christ,” April 1833, Historical Introduction; Joseph Smith, “Letter to William W. Phelps, 31 July 1832,” 1 note 2, josephsmithpapers.org.

  3. Joseph Smith Documents from February 1833 through March 1844,” josephsmithpapers.org.

  4. “Prospectus for the Elders’ Journal, 30 April 1838,” Historical Introduction, sa Mark Ashurst-McGee, David W. Grua, Elizabeth A. Kuehn, Brenden W. Rensink, at Alexander L. Baugh, eds., Documents, Volume 6: February 1838–August 1839. Volume 6 ng Documents series ng The Joseph Smith Papers, inedit nina Ronald K. Esplin, Matthew J. Grow at Mateo C. Godfrey (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2017), 129–30; “Essay on Sources Cited in Histories, Volume 1,” sa josephsmithpapers.org.

  5. “Prospectus for the Second Volume of the Times and Seasons,Times and Seasons, tomo. 1, blg. 12 (Okt. 1840), 191–92; “Mormon Publications: 19th and 20th Centuries,” Harold B. Lee Library, Brigham Young University, Provo, Utah, lib.byu.edu. Sa isang paghahayag noong Enero 1842, ginawang editorial department ni Joseph Smith ang Korum ng Labindalawa para sa Times and Seasons (tingnan sa Joseph Smith, Journal, Jan. 28, 1842, 1841–December–December 1842, 67, josephsmithpapers.org). Noong Nobyembre 1842, tinanggihan ni Joseph Smith ang mga karagdagang pang-editoryal na responsibilidad at hinirang si John Taylor bilang kapalit niya. Joseph Smith, “Valedictory,” Times and Seasons, tomo 4, blg. 1 (Nob. 15, 1842), 8.

  6. Doyle L. Green, “The Church and Its Magazines,” Ensign, Ene. 1971, 14–15. Ang mga unang edisyon ng maraming iba pang mahahalagang kontribusyon sa literatura ng Simbahan (kabilang ang Journal of Discourses at ang Mahalagang Perlas) ay unang inilathala rin sa Liverpool, England, sa headquarters o punong tanggapan ng mission ng Simbahan. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Millennial Star Office, tingnan sa Richard E. Turley Jr. at William W. Slaughter, How We Got the Doctrine and Covenants (Salt Lake City: Deseret Book, 2012), 71–79, 91–99; V. Ben Bloxham, James R. Moss, at Larry C. Porter, eds., Truth Will Prevail: The Rise of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in the British Isles, 1837–1987 (Cambridge: University of Cambridge Press, 1987), 160–62.

  7. Kabilang sa mga peryodiko ng mga mission sa Estados Unidos ang Prophet, New York Messenger, Seer, at Liahona; kabilang sa iba pang mga peryodiko ng mga mission sa Europa ang Nordstjarnan (Sweden), Der Stern (Germany), at De Ster (Holland). Tingnan sa Sherry Baker, “Mormon Media History Timeline: 1827–2007,” Ene. 1, 2006, scholarsarchive.byu.edu; Brian K. Kelly, “International Magazines,” sa Daniel H. Ludlow, pat., Encyclopedia of Mormonism, 4 tomo. (New York: MacMillan, 1992), 2:697; Richard D. McClellan, “Periodicals,” sa Arnold K. Garr, Donald Q. Cannon, at Richard O. Cowan, eds., Encyclopedia of Latter-day Saint History (Salt Lake City: Deseret Book, 2000), 907–8.

  8. Journal History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Mar. 31, 1847, 1, Church History Library, Salt Lake City; William I. Appleby journal, Hulyo 27, 1847, sa Wendell J. Ashton, Voice in the West: Biography of a Pioneer Newspaper (New York: Duell Sloan and Pearce, 1950), 3–4, 365–66; Will Bagley, “Birthday News: News Celebrates Sesquicentennial,” Salt Lake Tribune, June 15, 2000, A1.

  9. Green, “The Church and Its Magazines,” 15; Carol Cornwall Madsen, Emmeline B. Wells: An Intimate History (Salt Lake City: University of Utah Press, 2017), 133–35; Jill Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, at Matthew J. Grow, eds., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), xix.

  10. Ang Young Woman’s Journal ay nagwakas noong 1929 matapos mailathala nang 40 taon; sa panahong ito, ang mga mambabasa ng Improvement Era ay pinalawak upang isama ang mga kabataang babae bilang karagdagan sa mga orihinal na mambabasa na mga kabataang lalaki. Petrea Kelly, “Young Woman’s Journal,” sa Encyclopedia of Mormonism, 4:1615–16; Lisa Olsen Tait, “The Young Woman’s Journal: Gender and Generation in a Mormon Women’s Magazine,” American Periodicals: A Journal of History and Criticism, tomo 22, blg. 1 (2012), 51–71.

  11. Matapos pamunuan ng Sunday School general board ang Juvenile Instructor at sa dakong huli ay pinalawak ang mambabasa nito, ang pangalan ay pinalitan at naging Instructor noong 1930. Green, “The Church and Its Magazines,” 15.

  12. Pagkatapos mailathala nang 42 taon, ang Woman’s Exponent ay nagwakas noong 1914. Hiniling ni Emmeline B. Wells sa Relief Society general board na gawin nitong opisyal na pahayagan ito, ngunit tinanggihan nila. Tingnan sa Madsen, Emmeline B. Wells, 459–63.

  13. Green, “The Church and Its Magazines,” 15.

  14. Pagdating ng 1967, ang mga mission office ng Simbahan ay naglalathala ng kani-kanilang mga magasin sa mga wikang Danish, Dutch, Finnish, French, German, Norwegian, Spanish, at Swedish. Binawasan ng proyekto ng Unified Magazine ang magkakaparehong pagsisikap ng mga mission office at nagbigay ng mga materyal na inaprubahan ng Simbahan para sa mga internasyonal na magasin. Tingnan sa Kelly, “International Magazines,” 697; McClellan, “Periodicals,” 908–9.