“Samuel Brannan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Samuel Brannan”
Samuel Brannan
Sa kaparehong araw na ginabayan ni Brigham Young ang mga Banal sa mga Huling Araw pakanluran mula sa Nauvoo, Illinois, si Samuel Brannan (1819–89) ay namuno sa grupo ng 238 mga Banal sa isang paglalakbay sa dagat mula sa New York at dumaan sa Cape Horn ng Timog Amerika patungong Yerba Buena, California. Sa ilang panahon, naglingkod si Brannan bilang senior na lider ng Simbahan sa California at nagkamit ng pambansang katanyagan para sa pagtataguyod ng ilang mga pakikipagsapalaran noong pagdagsa ng mga naghahanap ng ginto noong 1848 at 1849. Ang mga naunang kasaysayan ng California ay tumukoy kay Brannan bilang isa sa mga pinakakilalang tao sa estado.1
Sumapi si Brannan sa Simbahan bilang isang kabataang lalaki sa Kirtland, Ohio, at nagsanay bilang manlilimbag sa loob ng tatlong taon, at paminsan-minsan ay nangungupahan sa pamilya ni Joseph Smith. Kalaunan ay naglingkod siya sa misyon sa Lunsod ng New York, New York, kung saan tumulong siyang maglathala ng isang pahayagan ng Simbahan na tinawag na Prophet.2 Sa Nauvoo, pinagnilayan ng mga lider ng Simbahan na patalsikin si Brannan dahil sa pagpasok sa isang di-awtorisadong maramihang pag-aasawa, ngunit sa huli ay nagpasiya silang ibalik sa kanya ang “mabuting katayuan.”3
Nagbukas si Brannan ng isang opisina para sa pandarayuhan upang makatulong ayusin ang paglalakbay ng mga Banal patungo sa Kanlurang Amerika at talakayin ang mga alternatibong ruta kay Brigham Young. Ang pangkat ni Brannan ng mga nandarayuhang mga Banal ay lumulan sa Brooklyn, isang barko na patungo sa Hawaii at baybayin ng California.4 Sa kabila ng mga unos at karamdaman, karamihan sa mga pasahero ay nagawa ang 24,000-milyang paglalakbay nang ligtas at nakarating sa San Francisco Bay na sabik na maitayo ang Sion. Sinikap hikayatin ni Brannan si Brigham Young na dalhin ang natitira pang mga Banal sa California, kung saan tila hindi maiiwasan ang kaunlaran. Nagdesisyon si Young na manirahan sa Lambak ng Salt Lake subalit itinalaga si Brannan bilang pangulo ng mga branch ng Simbahan sa California.
Sinamantala ni Brannan ang pagkakataon na ianunsyo ang Pagdagsa ng mga Naghahanap ng Ginto sa California. Habang lumulusob ang mga namumuhunan sa mga pamayanan sa California noong 1849, nakaipon si Brannan ng malaking kayamanan sa pamamagitan ng pagtitinda sa mga bagong dating ng mga kagamitan para sa pagmimina at paglalakbay, at siya ang naging unang milyonaryo ng California.5 Mahigpit na hinikayat ni Brigham Young ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Utah na magpatuloy sa pagpapatibay ng kanilang mga pamayanan at itigil ang pagsugod sa mga kayamanan, ngunit hinimok ni Brannan at iba pang mga lider na mamuhunan sa lupain ng California.
Noong 1850 dumating ang isang ulat sa Lunsod ng Salt Lake na winaldas ni Brannan ang mga pondo na may kaugnayan sa paglalayag ng Brooklyn. Binayaran ni Brannan ang mga pagkakautang sa kasiyahan ni Apostol Amasa Lyman, ngunit si Lyman ay hinirang na mamuno sa Simbahan sa California mula sa sandaling iyon.6 Noong sumunod na taon, dumating si Elder Parley P. Pratt sa San Francisco upang mamahala sa Pacific Mission at magtipon ng isang konseho na nagtiwalag kay Brannan dahil sa “hindi kristiyanong asal, kapabayaan sa tungkulin,” at sa paglahok sa isang grupong vigilante na pumatay nang walang paglilitis ng apat na pinaghihinalaang kriminal.7
Patuloy si Brannan sa pagpapalago ng kanyang mga negosyo at, sa kasukdulan ng kanyang impluwensya, kung minsan ay “ang pinakamayamang tao sa California.”8 Subalit ang masamang pamumuhunan at isang kasunduan sa diborsyo noong 1870 ay naggawad sa kanyang asawa ng kalahati ng kanyang kayaman na nag-iwan sa kanyang maralita at nag-iisa. Nagawa niyang bayaran ang kanyang mga utang at sumubok ng iba pang mga pakikipagsapalaran sa California at hilagang Mexico nang halos walang tagumpay. Namatay siya malapit sa San Diego, California, sa edad na 70.9
Mga Kaugnay na Paksa: Pagdagsa ng mga Naghahanap ng Ginto sa California