Kasaysayan ng Simbahan
Sina John at Leah Widtsoe


“Sina John at Leah Widtsoe,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Sina John at Leah Widtsoe

Sina John at Leah Widtsoe

Sina John Andreas Widtsoe at Leah Eudora Dunford Widtsoe ay isang bantog na mag-asawang Banal sa mga Huling Araw noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Habang si John ay nagtatrabaho bilang siyentipiko at tagapangasiwa ng akademya at kalaunan ay naglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, nakapagtapos si Leah ng mas mataas na digri sa edukasyong pantahanan at naging isang malikhaing manunulat. Kapwa sila sumulat ng mga artikulo at naghanda ng mga materyal para sa mga lathalain ng Simbahan. Itinuring nila ang kanilang pag-aasawa bilang ganap na pagsasama na kinabibilangan ng propesyonal na pagtulungan, paglilingkod sa Simbahan, at pagpapalaki ng kanilang mga anak.

Isinilang si John noong 1872 sa Norway at nandayuhan sa Estados Unidos noong 1883 kasama ang kanyang inang si Anna Widtsoe, at ang kanyang kapatid na si Osborne. Sumapi si Anna sa Simbahan sa Norway tatlong taon na ang nakararaan, at si John ay nabinyagan matapos manirahan ang pamilya sa Logan, Utah. Nagtrabaho si John sa maghapon at humanap ng mga guro na magtuturo sa kanya sa gabi hanggang sa makapag-aral siya sa Brigham Young College sa Logan sa edad na 17. Napahanga sa potensyal ni John, inasikaso ng punong-gurong si Joseph M. Tanner na makasama si John sa isang grupo ng mga nagsipagtapos na mga kabataang lalaki na tinulungan niyang makapag-aral sa Harvard University sa Massachusetts.1 Matapos makamit ang karangalang summa cum laude sa kursong kimika noong 1894, bumalik si John sa Logan bilang mananaliksik sa Utah State Agricultural College (na ngayon ay Utah State University).2

larawan ni John A. Widtsoe

Larawan ni John A. Widtsoe, bandang 1920.

Si Leah, anak nina Susa Young Gates at Alma Dunford at apo ni Brigham Young, ay isinilang noong 1874. Tumanggap siya ng sertipiko sa pagtuturo mula sa University of Utah noong 1896 at nagpatuloy sa kanyang pag-aaral sa pinagpipitaganang Pratt Institute sa Brooklyn, New York, kung saan siya nag-aral ng edukasyong pantahanan. Nagpatuloy siya ng karagdagang pag-aaral sa Brigham Young University at noong 1897 ay pinalitan ang kanyang ina bilang pinuno ng departamento ng edukasyong pantahanan.3 Itinaguyod ni Leah ang malawak na pananaw tungkol sa pag-aasikaso sa tahanan, tinitiyak na “lahat ng karunungan sa mundo ay magagamit at mailalakip sa tahanan.”4

larawan ni Leah Dunford Widtsoe

Larawan ni Leah Dunford Widtsoe.

Nagkakilala sina John at Leah sa pamamagitan ng impluwensya ng ina ni Leah na si Susa Young Gates. Nakilala ni Susa si John noong tag-init na ginugol niya sa Massachusetts upang mag-aral ng Ingles sa isang programang kaakibat ng Harvard noong 1892. Humanga sa matalinong iskolar, inasikaso niya na makasama si Leah kay Maud May Babcock at isang grupo ng mga kabataang babae na mag-aaral ng talumpati at drama sa Cambridge, Massachusetts, noong susunod na tag-init upang personal na makilala ni Leah si John. Tulad ng inaasahan ni Susa, naging interesado sila sa isa’t isa at nagpalitan ng mga liham nang sumunod na ilang taon.5 Noong Hunyo 1898, sina Leah at John ay ibinuklod ni Joseph F. Smith sa Salt Lake Temple. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, naglayag ang mga bagong kasal patungong Alemanya upang makumpleto ni John ang doktoral na pag-aaral sa University of Göttingen at magkamit ng kasanayan sa agham ng lupa.6

Matapos bumalik sa Estados Unidos, sinimulan ni John ang isang kahanga-hangang karerang pang-akademiko. Naglingkod siya sa iba’t ibang posisyon, kabilang na ang pagiging direktor ng Utah Experiment Station at propesor ng kimika sa Utah State Agricultural College; direktor ng departmento ng agrikultura sa Brigham Young University; pangulo ng Utah State Agricultural College; at pangulo ng University of Utah. Noong 1921, nang limang taon na siyang nanunungkulan bilang pangulo ng University of Utah, tinawag si John upang maglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol. Bilang Apostol, tumulong si John sa paghubog ng edukasyon sa Simbahan sa pamamagitan ng kanyang mga katungkulan sa lupon ng mga direktor para sa Brigham Young University at sa lupon ng edukasyon ng Simbahan.7

Sa kanyang buong paglilingkod bilang apostol at bilang propesyonal, hinangad ni John na tulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw na tanggapin ang kanilang pananampalataya at mga turo ng Simbahan sa pamamagitan ng paliwanag sa siyensya. Sumulat siya ng ilang aklat batay sa temang ito, kabilang na ang Evidences and Reconciliations; A Rational Theology; at Joseph Smith as Scientist. Nang matanto niya na kailangan ang komprehensibong aklat ng sanggunian tungkol sa priesthood, inilathala niya ang Priesthood and Church Government noong 1939 sa ilalim ng pamamahala ng Korum ng Labindalawa. Sumulat din siya tungkol sa nutrisyon para sa Young Woman‘s Journal at naging katuwang na patnugot ng Improvement Era mula 1935 hanggang 1952.8

Ang mga pagkadalubhasa ni Leah sa edukasyong pantahanan at sosyolohiya ay nagbigay din ng mga oportunidad sa kanya. Bukod pa sa kanyang katungkulan bilang guro sa Brigham Young University, sumulat siya ng mga aklat at artikulo tungkol sa pagluluto at pagdaragdag ng kahusayan sa pangangalaga ng tahanan.9 Sumaulat siya ng aklat kasama ni John gamit ang ebidensya ng siyensya upang suportahan ang Word of Wisdom at nakipagtulungan sa kanyang ina sa pagsulat ng mga aklat tungkol sa mga nagawa ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw at sa buhay ni Brigham Young.10 Tumulong siya na itatag ang League of Women Voters sa Utah at nakibahagi sa mga organisasyong sibiko na sumusuporta sa pakikibaka ng Amerika noong dalawang digmaang pandaigdig.11 Nakasama si Leah sa Utah Hall of Fame noong 1958.

Noong 1927 tinawag sina John at Lea na pamunuan ang European Mission. Habang naglilingkod bilang mission president, sumulat si John ng mga polyeto ng misyonero at tumulong sa pagbuo ng kurikulum para sa mga kabataan. Kapwa naging kasangkapan sina John at Leah sa pagpapalakas ng mga programa ng Mutual Improvement Association para sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw sa Europa.12 Si Leah ay naglingkod bilang pangulo ng Relief Society ng European Mission at pinangasiwaan ang mga aktibidad at kurikulum ng mga Relief Society sa buong Europa. Kabilang sa kanyang tungkulin ang pangangasiwa sa pamamahagi at pagsasalin ng mga materyal ng Simbahan.13

Ang mga Widtsoe ay may pitong anak, ngunit tatlo lamang ang nabuhay nang hanggang sa hustong gulang: ang kanilang panganay na anak na babae na si Anne; ang kanilang bunsong anak na babae na si Eudora; at isang anak na lalaki, si Marsel, na namatay noong binata pa ito. Pumanaw si John noong 1952 sa edad na 80. Bago namatay si Leah noong 1965, sinabi niya, “Huwag kang umiiyak para sa akin kapag pumanaw ako. Matutuwa akong umawit ng masasayang hosana habang sinasalubong ko ang mga mahal ko sa buhay.”14

Mga Tala

  1. Thomas W. Simpson, American Universities and the Birth of Modern Mormonism, 1867–1940 (Chapel Hill: University of North Carolina Press, 2016), 41; Arnold K. Garr, “A History of Brigham Young College, Logan, Utah” (master’s thesis, Utah State University, 1973), 28.

  2. “Elder Widtsoe, 80, Succumbs to Illness in S.L.,” Deseret News, Nob. 29, 1952, A2; Albert E. Bowen, “John A. Widtsoe: Scientist, Public Servant, Friend,” Improvement Era, tomo 55, blg. 1 (Ene. 1952), 17.

  3. “Leah Widtsoe, 91, Dies in S.L.,” Deseret News, Hun. 8, 1965, B1; Kathryn H. Shirts, “The Role of Susa Young Gates and Leah Dunford Widtsoe in the Historical Development of the Priesthood/Motherhood Model,” Journal of Mormon History, tomo 44, blg. 2 (Abr. 2018), 109.

  4. Leah Eudora Dunford, “The Home,” Young Woman’s Journal, tomo 9, blg. 5 (Mayo 1898), 232.

  5. Shirts, “The Role of Susa Young Gates,” 107–8.

  6. “Elder Widtsoe Succumbs to Illness,” A2.

  7. “Elder Widtsoe Succumbs to Illness,” A2.

  8. Tingnan sa John A. Widtsoe, Evidences and Reconciliations: Aids to Faith in a Modern Day (Salt Lake City: Bookcraft, 1951); John A. Widtsoe, A Rational Theology: As Taught by the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, ika-4 na ed. (Salt Lake City: Deseret Book, 1937); John A. Widtsoe, Joseph Smith as Scientist: A Contribution to Mormon Philosophy (Salt Lake City: General Board, Young Men’s Mutual Improvement Associations, 1908); John A. Widtsoe, “Foods: From the Point of View of Nutrition,” Young Woman’s Journal, tomo 9, blg. 1, 4, at 8 (Ene. 1898), 27–29, (Abr. 1898), 183–87, (Aug. 1898), 369–73.

  9. Tingnan sa Leah D. Widtsoe, Labor Saving Devices from the Farm Home (Lehi, Utah: Lehi Publishing, 1912); Leah D. Widtsoe, “The Home,” Young Woman’s Journal, tomo 9, blg. 8 (Ago. 1898), 373–79.

  10. Tingnan sa Leah D. Widtsoe, How to Be Well: A Health Handbook and Cook-book Based on the Newer Knowledge of Nutrition (Salt Lake City: Deseret Book, 1943); John A. Widtsoe and Leah D. Widtsoe, The Word of Wisdom, A Modern Interpretation, ika-4 na ed. (Salt Lake City: Deseret Book, 1938); Susa Young Gates and Leah D. Widtsoe, Women of the “Mormon” Church (Salt Lake City: Deseret News Press, 1926); Susa Young Gates and Leah D. Widtsoe, The Life Story of Brigham Young: Mormon Leader, Founder of Salt Lake City, and Builder of an Empire in the Uncharted Wastes of Western America (London: Jarrolds, 1930).

  11. Tingnan sa mga Paksa: Karapatang Bumoto ng Kababaihan, Unang Digmaang Pandaigdig, Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

  12. John A. Widtsoe letter to YMMIA Superintendent and General Board of the YMMIA and YLMIA Presidency and General Board, Dec. 31, 1930, CR 14 57, Church History Library, Salt Lake City, https://catalog.churchofjesuschrist.org/assets?id=342ad65c-b431-42da-a856-03b85200eae0&crate=0&index=0.

  13. Leah Widtsoe, Remarks, Relief Society Conference, Apr. 3, 1931, sa Relief Society Magazine, tomo 18, blg. 6 (Hunyo 1931), 340–43.

  14. “Leah Dunford Widtsoe,” Deseret News, Hunyo 9, 1965, A-16.