2010
Elder John A. Widtsoe
Pebrero 2010


Paggunita sa mga Dakilang Tao

Elder John A. Widtsoe

Si John Andreas Widtsoe ay isinilang noong Enero 31, 1872, sa isang malayo at mapanglaw na isla ng Frøya sa Norway. Anim na taon si John nang mamatay ang kanyang ama, at dinala siya at ang kanyang nakababatang kapatid ng kanyang inang si Anna sa Trodheim para manirahan doon.

Doon nalaman ni Anna ang ipinanumbalik na ebanghelyo mula sa isang sapatero na nag-iwan ng mga polyeto ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga sapatos na inayos niya para sa batang biyuda. Malaking hakbang ang ginawang iyon ng sapatero, na itinuturing na mas mababa ang katayuan kaysa sa biyuda ng isang guro. Ngunit napukaw ang interes ni Anna, at tumugon siya sa mensahe ng ebanghelyo.

Noong 1833 nandayuhan ang pamilya Widtsoe sa Logan, Utah, kung saan nag-aral kalaunan ang batang si John sa Brigham Young College. Masipag at matalino, nagtapos siya noong 1891, nag-aral ng chemistry sa Harvard University, at nagtapos nang may pinakamataas na karangalan noong 1894. Sa Harvard, nakilala niya si Leah Eudora Dunford. Ikinasal sila sa Salt Lake Temple noong 1898 at nagkaroon ng pitong anak, tatlo lamang doon ang nabuhay nang hanggang sa hustong gulang.

Nagsimula si John sa kanyang propesyon bilang propesor sa chemistry at chemist sa experiment station sa Utah Agricultural College (na ngayo’y Utah State University) sa Logan. Nag-aral siya kalaunan ng physiological chemistry (biochemistry) sa Göttingen, Germany, tumanggap ng Ph.D., at naging awtoridad sa maraming bansa pagdating sa agricultural chemistry sa hindi magandang klima. Kinilala rin siya bilang awtoridad sa irigasyon at dry farming.

Si John A. Widtsoe ay naglingkod bilang pangulo ng Utah Agricultural College mula 1907 hanggang 1916, nang gawin siyang pangulo ng University of Utah. Naglingkod siya sa tungkuling iyon hangggang 1921, nang tawagin siya sa Korum ng Labindalawang Apostol.

Si Elder Widtsoe ay associate na patnugot ng Improvement Era (ang sinundan ng magasing Ensign) mula 1935 hanggang 1952. Nagsulat din siya ng ilang aklat na madalas ginagamit sa Simbahan, kabilang na ang Priesthood and Church Government. Siya ang pangulo ng European Mission mula 1926 hanggang 1932, kung kailan inilaan niya ang Czechoslovakia para sa pangangaral ng ebanghelyo.

Si Elder Widtsoe ay namatay sa Salt Lake City, Utah, sa edad na 80, noong Nobyembre 29, 1952.

Si Elder Widtsoe ay naglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol mula 1921 hanggang sa kanyang kamatayan noong 1952.

Si Elder Widtsoe ay associate na patnugot ng magasin na Improvement Era mula 1935 hanggang 1952. Ibaba: Si Elder Widtsoe habang nag-aaral ng mga banal na kasulatan kasama ang kanyang pamilya.