Ang Bagong Damit ni Maria
“Sambahin ang Diyos, saan mang lugar kayo naroroon, sa espiritu at sa katotohanan” (Alma 34:38).
Nagpaikut-ikot si Maria suot ang magandang bagong damit na pansimba na tinahi ng kanyang lola para sa kanya. Ito ay kulay rosas na may puting mga laso. Ito ang pinakamagandang damit ni Maria, at dama niyang napakaganda niya rito. Ngumiti siya sa kanyang sarili sa salamin at umikut-ikot muli para lumobo ang kanyang palda. Sabik nang magsimba si Maria sa Linggo para ipakita sa kanyang mga kaibigan ang bagong damit.
Sa simbahan gusto ni Maria na pinupuri ng kanyang mga kaibigan ang kanyang damit. Sa Primary nilaro niya ang mga laso sa kanyang damit sa halip na makinig sa lesson ni Sister Sanchéz.
Hindi rin nakinig si Maria sa mga nagpapatotoo sa sacrament meeting. Abala siya sa paulit-ulit na pagtatanggal at muling pagtatali ng bawat laso sa kanyang damit.
Nang matapos na ang miting, napansin niya na may luha sa mga mata ang ilan sa pag-alis nila sa kapilya.
“Bakit po umiiyak ang mga taong iyon, Inay?” tanong ni Maria.
“Nadama nila ang Espiritu ngayon,” sabi ni Inay habang pinapahid ang sariling luha. “At minsan dahil diyan napapaluha tayo. Napakaganda ng mga patotoo, hindi ba?”
Hindi sumagot si Maria. Wala siyang anumang maalala sa sinabi ng iba.
Nang gabing iyon habang pinapahiga na ni Inay si Maria, itinanong ni Maria, “Bakit hindi ko po nadama ang Espiritu sa simbahan ngayon, Inay?”
“Ang Espiritu ay nagsasalita sa marahan at banayad na tinig,” sabi ni Inay. “Kailangang makinig tayong mabuti para mapansin ito. Kapag nagsisimba tayo, kailangang nakatuon tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo—tapos madarama natin ang Espiritu.”
Pinag-isipan ni Maria ang pinagkaabalahan niya sa simbahan nang araw na iyon. Ang nasa isip niya ay ang kanyang bagong damit, hindi ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Nang sumunod na linggo muling isinuot ni Maria ang kanyang maganda at kulay rosas na damit sa simbahan. Pero nakinig na siya kay Sister Sanchéz sa Primary. Sa sacrament meeting sinikap niyang isipin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Umalis si Maria sa simbahan na nadarama ang Espiritu sa kanyang puso. Masaya siya dahil nagsimba siya hindi para ipagyabang ang kanyang bagong damit.