Ang Ating Paniniwala
Si Jesucristo ang Sentro sa Plano ng Ama sa Langit
Ang Ama sa Langit ay naghanda ng plano upang tulungan tayong maging tulad Niya at tumanggap ng ganap na kagalakan. Sabi Niya, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit, namuhay tayong Kasama Niya bago tayo isilang sa mundo. Ito ang tinatawag na ating unang kalagayan. Nagtipon tayo sa isang malaking Kapulungan sa Langit kung saan inilahad ng Ama sa Langit ang Kanyang plano sa atin: Pupunta tayo sa lupa, ang ating ikalawang kalagayan, at magkakaroon ng pisikal na katawan. Atin ding “[patutunayan]” na “[ating] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [atin] ng … Diyos” (Abraham 3:25). Isang Tagapagligtas ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sanlibutan, kung kaya’t makapagsisisi na tayo at magiging malinis na muli. (Tingnan sa Alma 42:23–26.)
Pinili nating tanggapin ang plano ng ating Ama sa Langit at si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas. Dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, makababalik tayong muli sa piling ng ating Ama sa Langit at makapamumuhay nang tulad sa Kanyang pamumuhay.
-
Nagtipon tayo sa isang malaking Kapulungan sa Langit kasama ang ating Ama sa Langit upang pakinggan ang Kanyang plano.
-
Kailangan sa plano ng Diyos ng isang Tagapagligtas na magbabayad-sala para sa ating mga kasalanan sa mundo. Itinanong ng Diyos, “Sino ang isusugo ko?” (Abraham 3:27).
-
Alam ni Jesucristo, ang Panganay sa mga anak ng ating Ama sa Langit, na dapat ay malaya tayong piliing sundin ang Diyos. Sinabi ni Jesus, “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27). “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:2).
-
Si Lucifer, na isa sa mga anak ng Diyos, ay hindi naniwala na dapat ay malaya tayong piliing sundin ang Diyos. Sabi niya, “Naririto ako, isugo ninyo ako. … Aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala … ; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan” (Moises 4:1).
-
Sinabi ng ating Ama sa Langit, “Aking isusugo ang una”—si Jesucristo (Abraham 3:27).
-
Tayo ay “[naghiyawan] sa kagalakan” (Job 38:7).
-
Dahil si Jesucristo ang magiging Tagapagligtas, nagalit at naghimagsik si Lucifer. Sangkatlong bahagi ng mga hukbo ng langit ang sumunod sa kanya. (Tingnan sa D at T 29:36–37.)
-
Pinili nating tanggapin ang plano ng Diyos at sundin si Cristo. Napanatili natin ang ating unang kalagayan at sumulong sa ating ikalawang kalagayan, kung saan tumanggap tayo ng katawang mortal.
-
Natatanggap natin ang mga benepisyo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, pagsisisi ng ating mga kasalanan, pagpapabinyag sa Kanyang awtoridad ng priesthood, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos habang tayo ay nabubuhay (tingnan sa 2 Nephi 31:16–20; Ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3–4).