Mensahe sa Visiting Teaching
Matalinong Pangangasiwa ng Kabuhayan at Pag-iwas sa Utang
Ituro ang mga banal na kasulatan at siping-banggit na ito o, kung kailangan, magturo ng isa pang alituntunin na magpapala sa mga kapatid na babae na inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na ibahagi ang kanilang nadama at natutuhan.
Pangangasiwa ng Kabuhayan
“‘Ang masinop na pamumuhay’ … ay [pagtitipid] ng ating mga kabuhayan, matalinong pagpaplano ng pananalapi, pagtustos sa pansariling kalusugan, at sapat na paghahanda para sa edukasyon at kursong kukunin, pag-uukol ng pansin sa paggawa ng mga produkto at pag-iimbak ng pagkain sa bahay pati na ang kakayahang makabangon matapos ang isang problema o pagbabago. … Kung mamumuhay tayo nang masinop at matalino, magiging ligtas tayo na parang hawak Niya tayo sa Kanyang palad.”1
Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985).
“Anong mga kasanayan ang kailangan natin para makaasa tayo sa sariling kakayahan … Nagsisimula pa lamang ang Simbahan, pinakiusapan na ni Brigham Young ang mga kababaihan na matutong iwasang may magkasakit sa mga pamilya, magtatag ng mga industriyang pantahanan, at magkuwenta at magtala ng gastusin at iba pang praktikal na mga kasanayan. Angkop pa rin ang mga tuntuning iyon ngayon. Napakahalaga pa rin ng edukasyon. …
“Tinanong ko ang ilang bishop kung anong mga kasanayan sa pag-asa sa sarili ang kailangang-kailangan ng mga kababaihan sa kanilang ward, at sabi nila’y pagbabadyet. Dapat unawain ng kababaihan ang mga kahihinatnan ng pamimili gamit ang credit card at hindi pamumuhay ayon sa badyet. Ang ikalawa sa listahan ng mga bishop ay pagluluto. Ang mga pagkaing niluto at kinain sa bahay ay mas mura, mas masustansya, at mas nagpapatibay sa ugnayan ng pamilya.”2
Julie B. Beck, Relief Society general president.
Pag-iwas sa Utang
“Magmumungkahi ako ng limang mahalagang hakbang para makalaya sa problema sa pera. …
“Una, magbayad kayo ng ikapu. …
“Ikalawa, gumasta nang mas kaunti sa kinikita ninyo. …
“Ikatlo, matutong mag-ipon. …
“Ikaapat, bayaran ang inyong mga utang. …
“Ikalima, turuan ang inyong mga anak na sundin ang inyong halimbawa.”3
Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol.
“Kapag nangutang tayo, isinusuko natin ang ilan sa ating mahalaga at walang-katumbas na kalayaan at inilalagay natin ang ating sarili sa pagkaalipin. Inuubliga natin ang ating oras, lakas, at kabuhayan na bayaran ang ating hiniram—na magagamit sana natin para tulungan ang ating sarili, ating pamilya, at ang iba. …
“Para mabayaran ngayon ang ating mga utang at maiwasang umutang sa hinaharap kailangan tayong sumampalataya sa Tagapagligtas—hindi lang gumawa ng mas mabuti kundi maging mas mabuti. Malaking pananampalataya ang kailangan para masambit ang simpleng katagang, ‘Hindi natin kayang bilhin iyan.’Pananampalataya ang kailangan para magtiwalang bubuti ang buhay kapag isinakripisyo natin ang ating mga gusto upang matugunan ang mga pangangailangan natin at ng iba.”4
Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol.