Pangunguna sa Daan
Nang sumapi sa Simbahan ang mga batang Calderón, pinangunahan nila ang malaking pagbabago sa kanilang pamilya.
Sinimulan ng mga anak ng pamilya Calderón ang malaking pagbabago para sa kanilang pamilya. Si Jared, edad 15, ang unang sumapi sa Simbahan, at sinundan pagkaraan ng isang taon ng kanyang kapatid na si Angie, 13. Sumapi sa Simbahan ang kanilang mga magulang tatlong taon matapos mabinyagan si Angie.
Noong una walang ideya ang pamilyang ito na taga Costa Rica kung gaano mababago ng ebanghelyo ni Jesucristo ang kanilang buhay. Ipinakilala sila sa Simbahan ng isang kapamilya noong 2002, at makalipas ang maraming buwan regular nang inanyayahan ng mga Calderón ang mga misyonero sa kanilang tahanan para mas matuto pa. Nang gawin nila ito, nagkaroon ng pagbabago sa pamilya—ng tunay na pagbabalik-loob.
Mas Makabuluhan at Espirituwal na Buhay
Bago sumapi ang pamilya sa Simbahan, nag-alala ang mga Calderón na baka nahihirapan sina Jared at Angie na matuto ng moralidad at espirituwalidad sa lipunang walang pagpapahalaga sa relihiyon.
Natuklasan ng mga Calderón, na may sagot ang ebanghelyo sa mga problemang kinakaharap nila. “Nang maunawaan namin ang ebanghelyo at sinimulang ipamuhay ang mga turo nito, binago ng kaalamang iyon ang klase ng pamumuhay namin,” sabi ni Brother Calderón. “Nalaman namin kung sino kami at kung paano kami makababalik sa ating Ama sa Langit. Dahil sa natuklasan namin, naging mas makabuluhan at espirituwal ang aming buhay.”
Hindi laging madaling tanggapin kaagad ang natututuhan nila mula sa mga misyonero, pero nang subukan nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo, nagkaroon sila ng patotoo sa mga ito. “Habang natututuhan namin ang mga pamantayan ng ebanghelyo, sinisikap naming manatiling karapat-dapat. Tinigilan ko na ang pag-inom ng kape. (At malakas akong uminom ng kape noon!) Naging mithiin ng aming pamilya na hindi magmura, kausapin nang maayos ang isa’t isa, at sundin ang iba pang mabubuting alituntunin.
“Ang pinakamalaking sakripisyong ginawa namin ay ang pagtanggal sa kapalaluan,” patuloy niya. “Kailangang matuto kaming magpakumbaba, at nang sinikap naming matuto at mamuhay nang may pagpapakumbaba, nakatanggap kami ng maraming biyaya at malaki ang iniunlad bilang indibiduwal, bilang mag-asawa, at bilang pamilya.”
Pagpapasiyang Magpabinyag
Si Jared Calderón ang una sa kanilang pamilya na sumapi sa Simbahan; nabinyagan siya noong Hunyo 2003. Sumunod si Angie noong Hulyo 2004. Nabinyagan ang kanilang mga magulang noong Abril 2007. At sa huli, matapos mag-walong taong gulang ang bunso sa pamilya Calderón na si James noong 2007, siya ay nabinyagan.
Kasunod noon ay sinimulan na ng pamilya ang paghahanda para sa gagawin pang mga tipan at ordenansa sa templo. “Alam namin na unang hakbang pa lang ang pagpapabinyag,” sabi ni Sister Calderón. “Nagtakda kami ng mithiin na magpatuloy, kabilang na ang pagpunta sa templo at mabuklod bilang pamilya upang balang-araw ay makapiling namin ang ating Ama sa Langit.”
Pag-asam na Makapasok sa Templo
Bilang paghahanda sa pagbubuklod sa kanila sa templo, nagdasal at nag-ayuno ang buong pamilya. Nakibahagi rin si Jared nang ilang beses sa pagpapabinyag para sa mga patay. At noong Mayo 10, 2008, ibinuklod ang pamilya sa San José Costa Rica Temple.
Naaalala ni Jared ang nadama niya nang araw na iyon. “Pagpasok ko sa silid-bukluran, damang-dama ko ang Espiritu. Ang sarap ng pakiramdam na kasama ko roon ang aking pamilya,” sabi niya.
Naaalala ng kanyang kapatid na si James ang paghihintay nang matagal bago makapasok sa silid-bukluran, pero, sabi niya, sulit iyon: “Tuwang-tuwa at ang ligaya ko. Masaya pa rin ako hanggang ngayon dahil alam kong makakasama ko ang aking pamilya sa kawalang-hanggan.”
Ang Epekto ng mga Tipan
Bagaman maraming ginawang pagbabago sa buhay ang pamilya para paghandaan ang mga ordenansa sa templo, nadama nila na ang mga ordenansa ang talagang nagpapabago sa kanila. Halimbawa, naaalala ni Angie na bago mabuklod ang kanilang pamilya, sinabi niya sa kanyang ina na ayaw niyang makasal sa templo. “Hindi ko pa alam ang mga pangako noon,” sabi niya. “Ngayon ay mas naiintindihan ko na, at mas mataas na ang mithiin ko. Gusto ko talagang makasal sa templo. Gusto kong magkaroon ng sariling pamilya balang-araw at makapiling sila nang walang hanggan.
Ang isa pang pagbabagong naranasan ni Angie ay ang pagkakaroon ng hangaring gawin ang family history at gawain sa templo para sa kanyang namatay na mga ninuno. Binisita nila ng kanyang ina ang family history library sa meetinghouse nila para saliksikin ang mga pangalang ito. Mahal na mahal ni Angie ang kanyang mga ninuno. Gusto niyang palaging gumawa ng family history.
Napansin ni Jared na nagbago ang pakikitungo niya sa kanyang pamilya. Paliwanang niya: “Kapag nagpupunta ka sa templo, mas malinaw mong nakikita ang mga bagay-bagay. Nadama kong ginagabayan ako ng Espritu para pakitunguhan nang mas mabuti ang aking mga magulang at kapatid, pakisamahan silang lagi nang mabuti. May mga oras na naiinis ako at iniisip na mali ang isang tao, pero kapag naaalala ko na walang hanggan ang pamilya namin, naiisip ko na walang mapapala kung pag-aawayan ang walang kuwentang bagay.
“At saka,” dagdag pa niya nang nakangiti, “kung gusto ko silang makasama nang walang hanggan, dapat masanay na ako sa kanila.”
Malaking Kaligayahan
Natanto ng mga Calderón na ang paggawa ng mga tipan ay hindi sapat—mahalaga ring tuparin ang mga ito. Sinisikap nilang patuloy na basahin ang mga banal na kasulatan at sama-samang magdasal. Nagsisimba sila at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin at sinusupotrahan ang isa’t isa. “Nakakatulong ang mga bagay na iyon para maalala namin ang aming ipinangako at nagdudulot sa amin ng maraming biyaya, kapwa sa espirituwal at temporal,” sabi ni Sister Calderón.
Patuloy at magpapatuloy pa ang pamilya sa pagharap sa mga hamon sa kanilang buhay, pero malaki ang kaibhang nagawa ng mga tipan sa kanilang pananaw.. Kapag ginugunita ni Brother Calderón ang desisyong ginawa ng kanyang pamilya, nakadarama siya ng malaking kaligayahan: “Nang malaman namin ang tungkol sa ebanghelyo at ipinamuhay ito, nagkaroon kami ng pananalig, ng katiyakan, na ito ang ebanghelyo ni Jesucristo, at tinutulungan kami ng paggabay nito na gumawa ng tama at mahalagang desisyon. Mas napapalapit ang aming pamilya sa Tagapagligtas. Umunlad na ang aming espirituwalidad, at sa buhay namin, hindi pa kami sumaya nang ganito.”