2010
Ang Inaasam Kong Paglalaro ng Football
Pebrero 2010


Ang Inaasam Kong Paglalaro ng Football

Gusto kong maglaro sa koponan na lumalaban sa kumpetisyon, pero napakalaki ng kapalit.

Mahilig akong maglaro ng football. Ako ay 14 na taong gulang na ngayon at naglalaro ako ng footbal simula pa noong 5 taon ako. Natutuhan ko sa paglalaro ng isport na igalang ang aking matataas na pamantayan at pinahahalagahan na itinakda ko sa sarili ko, kahit kung minsan ay mahirap magdesisyon. Isa sa mahihirap na desisyong iyon ay kung maglalaro ba ako o hindi ng football kapag araw ng Linggo.

Noong siyam na taong gulang ako, talagang nagustuhan ko at iginalang si Coach Hashem. Pero gusto kong makasama sa iisang team ang kaibigan ko sa paaralan kaya sumubok ako ng ibang team. Talagang panlaban ang team na ito, at alam ko na kung makakapasa ako, aasahang magpapakita ako ng dedikasyon at sipag. Maraming batang lalaki ang gustong mapabilang sa team na ito, at mapalad ako na makapasa sa ilang eliminasyon.

Dumating na ang huling araw ng tryout. Pinakahusay ko ang paglalaro, at natuwa ako sa ginawa ko. Pagkatapos ay kinausap kami ni Inay ng coach at sinabi na talagang gusto niya akong mapabilang sa team. Tuwang-tuwa ako. Pero itinanong niya, “Puwede ka bang maglaro kapag Linggo? Kailangan kong isabak ang team sa mga tournament, kaya ibig sabihin niyan kakailanganing maglaro ng Linggo paminsan -minsan.”

Hinayaan ni Inay na ako ang sumagot.

“Hindi po sir, hindi ako naglalaro ng Linggo.” Alam ko na iyon ang tamang sagot, pero maaaring ibig sabihin noon ay hindi na ako mapapabilang sa team na ito.

Noong gabing iyon, walang dumating na tawag na natanggap ako sa team. Lungkot na lungkot ako.

Sa halio ay sumali ako sa isang team sa lugar namin kasama ang maraming kaibigan. Mahusay ang laro namin sa unang taon at nanalo kami, pero noong pangalawang taon nahirapan ang team at kung minsan ay nawawalan ng pokus sa laro. Pinanghinaan ako ng loob. Ibinibigay ko ang lahat ng kaya ko sa bawat laro, pero palaging muntik-muntikan kaming matalo.

Matapos ang isang di magandang laro, kinausap ako sa football field ni Coach Hashem, na coach ng team na madalas manalo. Kinumusta niya ang mga bagay-bagay. Sabi ko, “Hindi po gaanong mabuti.” Sinabi kong hinahanap-hanap ko ang mga dati kong ka-team. Magaling na coach si Hashem at tila kaya niyang ilabas ang galing ng kanyang mga manlalaro.

“Gusto mo bang maging imbitadong manlalaro ng team namin sa susunod na tournament?” tanong ni Hashem.

“Gustung-gusto ko po iyan!” ang tuwang-tuwa kong sagot.

“Ayos!” ang nakatawang sabi ni Hashem. “Mayroon lang akong kailangang itanong sa iyo. Naglalaro ka ba ng Linggo?” Nanikip ang sikmura ko. Para akong magkakasakit. Naalala ko ang nangyari noong huling itanong sa akin iyon.

Tumingin ako sa nanay ko. Tumingin ako sa tatay ko. Hinihintay rin nila ang sagot ko. Tumingin ako kay Hashem.

“Hindi po, pasensya na. Hindi ako naglalaro ng Linggo,” sabi ko. “Magkakaproblema ba roon?”

Naghintay nang ilang sandali si Hashem. Nakita niyang mabilis na nawala sa mukha ko ang pag-asa nang sagutin ko ang tanong niya.

“Hindi, OK lang iyon,” sagot ni Hashem. “Hindi naman siguro tayo aabot sa laro ng finals sa Linggo. Gusto naming maglaro ka sa team namin.”

Di nagtagal nagsimula na akong magpraktis kasama ang team ni Hashem. Buhos na buhos ang galing ng team sa paglalaro, at masaya nila akong tinanggap muli. Gustung-gusto kong maglaro kasama nila.

Hindi namin naipanalong lahat ang laro sa tournament, pero ibinigay naming lahat ang kaya namin, at napakasaya namin. Hindi nagtagal naging permanenteng miyembro ako ng team ni Hashem. Kahit alam nilang hindi ako naglalaro ng Linggo, pinapasalamatan pa rin nila ang naiaambag ko sa team sa ibang araw ng laro namin.

Isa na ako ngayong teacher sa Aaronic Priesthood. Naglalaro pa rin ako ng football at hindi pa rin ako naglalaro ng Linggo. Hindi naging problema iyon sa akin o sa mga team na sinalihan ko. Naniniwala ako na dapat igalang ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal. Para sa akin ang ibig sabihin nito ay hindi paglalaro ng isport kapag Linggo.

Paglalarawan ni Greg Stapley