Maiikling Balita sa Buong Mundo
Nakipagpulong si Elder Bednar sa mga Miyembro ng Scottish Parliament
Nakipagkita si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga ministro ng Scottish Parliament sa loob ng dalawang oras noong Setyembre upang talakayin kung paano masusuportahan ng mga miyembrong Scottish ang mga isyu ukol sa kagandahang-asal at itampok ang mga turo ng Simbahan tungkol sa kahalagahan ng pamilya. Ang miting sa Holyrood Parliament Building sa Edinburgh ay dinaluhan ng limang ministro ng Parliament. Binisita rin ni Elder Bednar at iba pang mga lider ng Simbahan ang Ireland para sa ilang miting ng Simbahan.
Ibinalita ang Bagong Area Presidency
Ibinalita ng Unang Panguluhan ang pagbabago sa Pacific Area Presidency simula noong Oktubre 2009. Kamakailan ay inoperahan si Elder David S. Baxter ng Pitumpu, Pangulo ng area simula noong Agosto 2008, sa Salt Lake City at pinabalik sa headquarters ng Simbahan. Si Elder Tad R. Callister ng Pitumpu ang maglilingkod bilang Pangulo ng area, kasama sina Elder James J. Hamula bilang Unang Tagapayo at Elder Brent H. Nielson bilang Pangalawang Tagapayo.
Naglingkod ang mga Dalaga’t Binata sa Guatemala
Ang mga dalaga’t binatang Banal sa mga Huling Araw mula sa Washington, D.C., USA, ay nagtipon sa liblib na pook ng Polochic Valley sa Guatemala noong Agosto 2009 upang paglingkuran ang mga mamamayan ng Q’eqchi’. Sa pakikipagtulungan sa isang nonprofit organization, tumulong sila sa pagtatayo ng middle school at aklatan, nag-train ng mga guro, at namahagi ng mga bitamina. Nagdaos din sila ng mga workshop ukol sa kalinisan, nutrisyon, kalusugan ng ngipin, pananalapi, at agrikultura para sa 300 taganayon at sinimulang itayo ang kusina ng isang paaralan, klinika, at sistema ng patubig sa komunidad.