2010
Ang Pangako ng Templo
Pebrero 2010


Ang Pangako ng Templo

Isinilang at lumaki ako sa Simbahan pero pinili kong hindi maging aktibo paglampas ko ng 20 anyos. Nagpakasal ako sa isang mabait na lalaking hindi rin aktibo sa relihiyon niya. Nang simulan naming magpamilya ni John, na nagbunga ng limang anak, inasam kong muli ang mga itinuro sa akin noong kabataan ko. Hindi ko pinilit si John, pero pumayag siyang magsimbang kasama ko at ng aming mga anak, sina John Rowe at Joseph. Sinimulan naming magsimba sa aming ward bawat Linggo. Tinuruan si John ng mga misyonero, at tinanggap naman ang ebanghelyo at nabinyagan makalipas ang tatlong buwan.

Naging aktibo kaming miyembro ng aming ward, at gumanap ng mga tungkulin sa iba’t ibang auxiliary. Nagkaroon pa kami ng tatlong anak—sina Hayley, Tessa, at Jenna—at lahat silang lima ay dumadalo sa Primary, sa mga Activity Day, at Scouting. Nang sumunod na sampung taon, dumalo kami ni John sa mga temple preparation class sa tatlong iba’t ibang pagkakataon, pero hindi iyon humantong sa pagpasok namin sa templo. Gusto naming mabuklod ang aming pamilya, pero hindi pa kami handang ipamuhay ang lahat ng utos. Regular kaming nagsisimba at sinusunod ang karamihan ng mga utos—at sapat na iyon, hindi ba? Isa pa, hindi naman talaga alam ng mga anak namin ang kaibhan.

Hindi nagtagal nalaman naming hindi pala ganoon iyon. Kapag patutulugin namin siya bawat gabi, mag-uumpisa nang itanong ng panganay namin kung kailan pupunta sa templo ang aming pamilya. Naantig kami roon.

Sa panahon ding ito inimbitahan kaming mag-asawa ni Bishop sa kanyang opisina. Gusto niyang malaman kung bakit ayaw pa naming tanggapin ng aming pamilya ang mga pagpapala ng templo. Ipinaliwanag namin na hindi pa kami handang sundin ang lahat ng kautusang kailangan para makatanggap ng temple recommend at sa palagay namin nagagawa na namin ang pinakamabuti.

Tulad ng ginawa ng mga nagdaang bishop, pinayuhan kami ni Bishop Riding tungkol sa kahalagahan ng mga ordenansang ito at ang walang hanggang pagpapalang matatamo ng aming pamilya. Pero may nangyari na hindi ko malilimutan. Tahimik na nakaupo si Bishop Riding nang ilang minuto bago mahinang nagsalita, “Nadarama kong dapat kong sabihin sa inyo na ngayon na ang panahon para pumunta kayo sa templo. Mawawala na ang oportunidad na ito sa inyong pamilya.”

Hindi namin alam ang lahat ng ibig ipahiwatig ng sinabi ni Bishop, pero nadama namin kaagad ang pagpapatunay ng Espiritu na ito ay totoo. Natanto namin na hindi lamang kami pagpapalain nang walang hanggan ng templo kundi makakatulong din ang pagbubuklod sa aming mga anak kapag lumaki na sila at nagsimulang gumawa ng mahahalagang desisyon sa buhay nila.

Nilisan namin ni John ang opisina ng bishop nang gabing iyon na may bagong hangaring kumilos na agad. Nagtakda kami ng mga tiyak na gagawin at petsa para sa aming endowment at pagbubuklod sa templo. Mula noon buong puso naming sinikap na ipamuhay ang lahat ng utos—hindi lang ang mga utos na madali sa aming gawin. Bukod diyan, pinagsikapan naming palaging manalangin at mag-aral ng mga banal na kasulatan at mas maging matapat sa aming mga tungkulin. Sa paggawa namin ng mga sakripisyong ito, nakita namin ang maraming pagpapala sa aming buhay.

Kapag nahihirapan kami, pinalalakas namin ang isa’t isa. Naaalala ko ang isang gabing nadama ng aking asawa na parang nakakaramdam ako ng kaunting takot. Binasa niya ang isang taludtod mula sa mensahe ni Pangulong Boyd K. Packer na Ang Banal na Templo,1 na pinag-aaralan naming dalawa. Ang mga salitang ibinahagi niya ay nagpalawak ng aking pananaw at napawi ang aking takot.

Patuloy kaming hinikayat ni Bishop Riding, gayundin ng mga miyembro ng ward. Binigyan kami ng isang kaibigan ng kopya ng buklet na Temples na paulit-ulit naming binasa. Sinagot ng aming mga guro sa temple preparation class ang lahat ng aming tanong at nagpakita ng kabaitan at pakikipagkapatiran, at maraming miyembro ng ward ang nagpakita ng mabubuting halimbawa ng pagkamarapat sa templo.

Bawat gabi kapag pinapatulog na namin ang aming mga anak, walang alinlangang sinasabi namin sa kanila na oo, ang ating pamilya ay pupunta sa templo. Nang papalapit na ang araw, naibigay na namin sa kanila ang tiyak na petsa.

Noong Abril 17, 1998, mga anim na buwan mula nang araw na iyon sa opisina ni Bishop kung saan nagbago ang lahat, lumuhod kami ni John sa altar ng Dallas Texas Temple kasama ang aming limang anak. Maraming kaibigan mula sa aming ward ang dumalo, at sa kanilang suporta natanto namin kung gaano nila kagusto na matamasa namin ang mga pagpapalang dumating sa kani-kanilang pamilya. Walang alinlangang naging pinakamahalagang pangyayari sa buhay namin ang pagkakabuklod namin sa templo.

Para sa aming mag-asawa, kitang-kita ang epekto ng pagkakabuklod namin. Halimbawa, may napansin kaming pagbabago sa aming tahanan, lalo na sa aming mga anak. Tila mas masunurin sila, at bagaman hindi sila perpekto, patuloy nilang sinisikap na piliin ang mabuti at sundin ang mga kautusan. Nadama din naming lalong nagkaisa ang aming pamilya.

Bagamat napakarami na ng mga pagpapalang iyon, lalo pang nakita ang mga pagpapalang dulot ng templo noong 2007. Noong umaga ng Oktubre 21, ang aming kambal, na 17 anyos noon, ay naaksidente. Kaunting pinsala lamang ang natamo ni Tessa, ngunit malala ang kundisyon ni Jenna. Dinala siya sa ospital, kung saan nanatili siyang nasa coma. Nang malaman namin na baka hindi siya makaligtas, nagsiuwi mula sa kanilang unibersidad ang tatlo naming nakatatandang anak. Nang gugulin namin ang sumunod na ilang araw sa silid ni Jenna sa ospital, nakadama ng malaking kapanatagan ang aming pamilya sa mga ordenansang magbibigay-daan upang magkasama-sama kami sa kabilang-buhay. Pinag-usapan namin ang tungkol sa kawalang-hanggan ng mga pamilya—ng aming pamilya. Isang linggo matapos ang aksidente, pumanaw si Jenna.

Naging mas mahalaga ang aming mga tipan sa templo mula nang mamatay siya. Labis kaming nangungulila kay Jenna at umaasam sa araw na magkakasama kaming muli, ngunit ang pananampalataya namin sa plano ng kaligtasan at ang aming patotoo tungkol sa mga pamilyang walang hanggan ang nagpapalakas sa amin. Idinispley namin sa tahanan ang retrato ng aming pamilya na nasa templo, na nagpapaalala sa aming karanasan at sa mga pangakong alam naming mapapasaamin.

Nagpapasalamat kami sa matatapat na lider ng priesthood na nagpayo sa amin, lalo na ang mabait na bishop na nakinig sa inspirasyong nagdulot ng walang hanggang pagpapala sa aming pamilya. Nagpapasalamat kami sa mga kaibigan at mga miyembro ng ward na naghikayat sa amin at nagpakita ng mabubuting halimbawang susundan namin. Higit sa lahat, nagpapasalamat kami sa isang mapagmahal na Ama sa Langit, na gumawa ng paraan upang ang “mga ugnayan ng mag-anak ay magpatuloy hanggang kabilang buhay” sa pamamagitan ng kaloob ng Kanyang Anak at sa mga ordenansa ng templo.2

Mga Tala

  1. Ang buklet na Paghahanda sa Pagpasok sa Banal na Templo ay batay sa aklat ni Pangulong Boyd K. Packer. Ang buklet ay makukuha sa Distribution Services sa maraming wika (aytem blg. 36793 893).

  2. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49.

Mga retrato ng pamilya sa kagandahang-loob ng pamilya Sigety

Ang pamilya Sigety noong 2006. Hanay sa harapan, mula sa kaliwa: Joseph, Tessa, John Rowe, at Jenna. Hanay sa likuran, mula sa kaliwa: Hayley, John, at Ellen.

Idinispley namin sa bahay ang retrato ng aming pamilya na nasa templo, na nagpapaalala ng aming karanasan at ng mga ipinangakong pagpapala.

Retrato ni Pangulong Benson na kuha ng Busath Photography; larawan ni anghel Moroni na kuha ni David Andersen; larawan ng Dallas Texas Temple na kuha ni Jed Clark