Sa mga Salita ng mga Propeta
Ikapu
Mula sa “Tithing,” Ensign, Mayo 1994, 33–34.
Itinaguyod ng aking biyudang ina ang kanyang tatlong maliliit na anak sa kanyang maliit na suweldo bilang guro. Nang mapansin kong lumalaki kaming salat sa ilang magagandang bagay … , itinanong ko kay Inay kung bakit malaki ang ibinabayad niyang ikapu mula sa kanyang suweldo. Hindi ko nalimutan ang paliwanag niya: “Dallin, maaaring may ilang tao na nakakaraos nang hindi nagbabayad ng ikapu, pero hindi puwede sa atin iyon. Pinili ng Panginoon na kunin ang tatay ninyo at iniwan ako para palakihin kayong mga anak ko. Hindi ko magagawa iyan kung walang mga pagpapala ng Panginoon, at natatamo ko ang mga biyayang iyon sa pagbabayad ng tapat na ikapu. Kapag nagbabayad ako ng ikapu, nasa akin ang pangakong biyaya ng Panginoon, at kailangang mapasaatin ang mga biyayang iyon kung gusto nating makaraos.”
Makalipas ang ilang taon nabasa ko ang gayunding patotoo at turo ng biyudang ina ni Pangulong Joseph F. Smith. Sa kumperensya noong Abril 1900, ibinahagi ni Pangulong Smith ang alaalang ito noong bata pa siya:
“Ang ina ko ay isang biyuda, na may malaking pamilya sinusustentuhan. Isang tagsibol, nang buksan namin ang aming balon ng patatas, pinakuha niya ang kanyang mga anak na lalaki ng isang lulan ng pinakamagagandang patatas at dinala ito sa tanggapan ng ikapu; ang mga patatas ay bibihira noong panahong iyon. Maliit pa ako noon, at ako ang nagpapatakbo ng karuwahe. Nang makarating na kami sa mga baitang ng tanggapan ng ikapu, handa nang ibaba ang mga patatas, isa sa mga kawani ang lumabas at nagsabi sa aking ina, ‘Biyudang Smith, nakakahiya naman na magbabayad ka pa ng ikapu.’ … Sinumbatan niya ang aking ina sa pagbabayad ng kanyang ikapu, kung anu-ano ang itinawag sa kanya maliban sa pagiging matalino o masinop; at sinabing may ibang malalakas at kayang magtrabaho na sinusuportahan mula sa tanggapan ng ikapu. Lumingon sa kanya ang aking ina at nagsabi: ‘William, ikaw ang dapat mahiya. Pagkakaitan mo ba ako ng pagpapala? Kung hindi ako magbabayad ng ikapu, dapat kong asahan na pagkaitan ako ng Panginoon ng Kanyang pagpapala. Nagbabayad ako ng ikapu, hindi lamang dahil ito’y batas ng Diyos, kundi dahil umaasa akong may pagpapala sa paggawa nito. Sa pagsunod dito at sa iba pang mga batas, umaasa akong uunlad ako at masusustentuhan ang aking pamilya’” (sa Conference Report, Abr. 1900, p. 48).
May ilang nagsasabi, “Hindi ko kayang magbayad ng ikapu.” Ang mga naniniwala sa mga pangako ng Panginoon ay nagsasabi, “Hindi puwedeng hindi ako magbayad ng ikapu.”