Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Pagkanta ng Bagong Himno
Isang pamilyar na himno ang tinugtog sa di pamilyar na tono ang nagturo sa akin na magpatuloy sa dati ko nang ginagawa at pinag-aaralan o uunlad ako sa paraang ang Panginoon lamang ang nakaaalam.
Nang basahin ng bishop ang mga pangalan ng mga miyembro ng ward na na-release sa kanilang mga tungkulin nang Linggong iyon, napabuntung-hininga ako, nakatingin sa nakababa kong mga kamay. Ire-release ako noon bilang unang tagapayo sa Relief Society presidency. Mahirap isipin na iiwan ko ang tungkuling ito na nagustuhan ko na at hindi na kami magkakalapit ng iba pang mga kapatid sa presidency.
Nang marinig kong binasa ang mga pangalan ng bagong presidency, nadama ko ang pagpapatibay ng Espiritu, at ipinaalam sa akin na ito ang nararapat. Ang mga bagong sister ay pinili ng Panginoon para gawin ang gawaing ito. Sa pagtaas ko ng kamay para sang-ayunan sila, alam ko na maganda ang magagawa nila at may iba pang paraan para makapaglingkod ako. Salamat at napanatag ako.
Pagkatapos ay oras na para kantahin ang himno sa sacrament. Ipinaalam ng bishop ang isa pang bersiyon ng dating paboritong, “Habang Ating Tinatanggap” (Mga Himno, blg. 103 at 104). Habang pinakikinggan ang pagtugtog ng organista sa pambungad nito, medyo nabahala ako. “Bakit kasi hindi na lang kantahin ang dating bersiyon?” ang naisip ko. “Mas gusto ko iyon.” Subalit nang magsimula akong kumanta, ang kagandahan ng di pamilyar na himig ay umantig sa aking kaluluwa, at natanto ko na ang himig nito ay maganda para sa titik nito. Dahil sa musika napag-isipan ko ang kahulugan ng himno sa bagong paraan.
Biglang sabay kong naisip ang himnong ito at ang pagka-release ko sa pamamagitan ng matinding pahiwatig ng Espiritu. Gagawin ng bagong presidency ang gawaing ginawa ko ngunit sa ibang paraan at bagong pananaw—tulad din ng himno na pareho lang ang mensahe pero magkaiba ng tugtog. At bibigyan ako ng bagong tungkulin na akma sa tono ko. Ang pagbabagong ito ay tutulong sa akin sa mga paraan na hindi ko maiisip kung mananatili ako sa dati kong kinalalagyan.
Alam ko noon pa man na pinagpapala ng ebanghelyo at organisasyon ng Simbahan ang bawat miyembro sa napakaraming paraan. Natututuhan natin kung paano mamuno at sumuporta, at ang proseso ng pagkatutong ito ay paulit-ulit sa buong buhay natin. Subalit natanto ko sa sacrament meeting na iyon na hangga’t nakikinig tayo sa Espiritu, malalaman natin sa bawat pagbabago ang mahimala at di nagbabagong plano para sa atin ng ating Ama sa Langit.