2010
Nilikha ng Ama sa Langit at ni Jehova ang Daigdig
Pebrero 2010


Mga Kuwento Tungkol kay Jesus

Nilikha ng Ama sa Langit at ni Jehova ang Daigdig

“Magkaroon ng liwanag!” sabi ni Jehova.* Biglang may kumislap na maningning na liwanag sa madilim na kalawakan. Nakita ng Ama sa Langit at ni Jehova na mabuti ang liwanag. Tinawag nila ang liwanag na araw at ang kadiliman na gabi. Nagsimula ang isang bagong daigdig.

Ginabayan ng Ama sa Langit si Jehova sa paglikha ng daigdig. Magkasama Silang nagplanong mabuti para magkaroon ng pagkain, tubig, mga hayop, at lahat ng kakailanganin natin sa ating tahanan sa lupa.

Ginamit ni Jehova ang kapangyarihan ng priesthood sa pagsasaayos ng mga elementong ito. Sumunod ang lahat sa Kanyang utos. Lumikha Siya ng planetang may mga bato at lupa at tubig. Tinipon Niya ang mga tubig para bumuo ng mga dagat at karagatan.

Nang sabihin Niyang, “Magkaroon ng katuyuan,” nagsulputan ang mga bundok, burol, at lambak sa tabi ng mga dagat. Sa ibabaw ng lupa at tubig, lumikha Siya ng himpapawid at mga ulap.

Ang buong mundo ay naging halamanan ng Diyos. Itinanim ang mga binhi sa lupa para maging puno na may makatas na kahel, mga palumpon na may berry para makain ng mga ibon, at mga damo para mabalutan ang mga bundok sa parang.

Nilikha ni Jehova ang araw na sumisikat buong maghapon para lumaki ang mga halaman. Nilikha Niya ang buwan at mga bituin para lumiwanag sa gabi. Pinaikot niya ang mundo sa orbit nito para magkaroon ng mga araw, panahon, at taon.

Nilikha Niya ang bawat nilalang na lumalangoy at pinuno ang mga kalangitan ng bawat ibong lumilipad. Lumanguy-langoy ang mga balyena. Kumawag-kawag ang mga dikya. Nagtampisaw ang mga bibe. At kumampay-kampay ang mga ibon.

Nilikha ni Jehova ang mga kangaroo na dala ang kanilang mga anak sa kanilang lukbutan habang tumatalun-talon at mga unggoy na nagpapalipat-lipat sa mga baging ng mga puno gamit ang kanilang mga buntot. Bawat insektong umuusad; bawat butiking gumagapang; bawat nilalang na umaatungal, kumakaskas, o sumisingasing—ay likhang lahat ni Jehova. Bawat isa ay nilikhang magkaroon ng mga supling na magiging tulad ng kanilang mga magulang. Sa wakas handa na ang mundo para tirahan ng mga anak ng Ama sa Langit.

Sina Eva at Adan ang una sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit na naparito sa lupa para tumanggap ng katawan. Binasbasan sila ng Ama sa Langit bilang mag-asawa. Nakita ni Jehova na ang lahat ng nilikha ay napakabuti!

Sinabi ng Ama sa Langit kina Eva at Adan na “kayo’y magpalaanakin at magpakarami” upang ang kanilang mga anak at magiging mga anak ng kanilang mga anak ay mabuhay sa buong mundo.

Bawat bagong silang na sanggol ay tatanggap ng pisikal na katawan mula sa kanyang mga magulang sa lupa at magiging espiritung anak ng Ama sa Langit. At bawat batang nabubuhay sa mundo ay biniyayaan ng magandang daigdig na likha ng Ama sa Langit at ni Jehova.

  • Sa Lumang Tipan, si Jesus ay tinawag na “Jehova.” Ito ang Kanyang pangalan sa daigdig ng mga espiritu bago Siya isinilang sa Betlehem.

Lumikha si Jehova ng planeta na may lupa, mga karagatan, himpapawid, at mga ulap.

Bawat batang nabubuhay sa mundo ay biniyayaan ng magandang daigdig na likha ng Ama sa Langit at ni Jehova.

Nilikha ni Jehova ang araw na sumisikat para lumaki ang mga halaman.

Mula kaliwa: detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.; larawan ng mundo © Corbis; larawan ng mga insekto © Getty Images; larawan ng mga binhi na kuha ni John Luke; paglalarawan ni Sam Lawlor; paglalarawan ni Craig Dimond