2010
Bakit Ayaw Mong Pumunta sa Party?
Pebrero 2010


Bakit Ayaw Mong Pumunta sa Party?

Ang lakas ng pamimilit ng iba. Kailangan kong magdesisyon.

Bilang miyembro sa Simbahan sa Malaysia, isang bansang kaunti lang ang mga Kristiyano, kung minsan nahihirapan akong panindigan ang mga pinaniniwalaan ko. Isang araw noong Disyembre, sinabi sa akin ng aking boss na magkakaroon ng aniversary party sa katapusan ng taon at inaasahan akong dumalo. Nabalisa ako at ayaw kong pumunta dahil ang pag-inom ng alak sa mga party ay bahagi ng kultura ng aming kompanya. Alam ko rin na pipilitin akong painumin ng mga katrabaho ko.

Pero determinado talaga ang manager namin na dumalo ako. Inisip ko kung paano ko haharapin ang hamong ito.

Kalaunan, pinahinto ako ng isang katrabaho at tinanong, “Bakit ayaw mong pumunta sa party?” Sinabi ko sa kanya na dahil sa pinaniniwalaan ng aking relihiyon, hindi ako umiinom ng alak.

Galit siyang sumagot, “Dapat ang pinoproblema mo itong mundong ginagalawan mo ngayon, hindi iyong ibang mundo na baka nga hindi pa totoo. Gusto mo bang magkapera o tatanggihan mo ito dahil lang sa hangal na paniniwala mo?” Nang itanong niya ito sa akin, nakadama ako ng takot. Alam ko na kung hindi ako iinom sa party, matatanggal ako sa trabaho. Pagkatapos ay bigla kong naisip ang isang talata: “Ako, ako nga, ay siyang umaaliw sa inyo: sino ka na natatakot sa tao na mamamatay at sa anak ng tao na gagawing parang damo; at iyong kinalimutan ang Panginoon na May-lalang sa iyo, na nagladlad ng mga langit, at naglalagay ng mga patibayan ng lupa?” (Isaias 51:12–13).

Kaagad kong nalaman na dapat kong katakutan ang Diyos, hindi ang mga katrabaho ko o ang boss ko. Natanto ko rin na ang layunin ko sa mundo ay hindi para kumita ng pera kundi para umunlad sa espirituwal. Kaya sinagot ko ang katrabaho ko, “Pipiliin ko ang pinaniniwalaan ko, at dapat mong igalang iyan.”

Ilang linggo kalaunan nagbitiw ako sa trabaho. Sa huling araw ko sa trabaho, naging maganda ang pakikipag-usap ko sa mga katrabaho ko. Ipinaliwanag ko kung bakit Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kaiba sa ibang mga simbahan. Sinabi ko sa kanila ang tungkol sa mga paniniwala ko at ang hangarin kong sundin ang mga kautusan.

Makalipas ang isang linggo nakakuha ako ng ibang trabaho na mas malaki ang suweldo kaysa sa inalisan ko. Sa bago kong trabaho nagkaroon ako ng panahong maghanda para sa aking full-time mission.

Hindi lang ako tinuruan ng karanasang ito na sa pagsunod sa mga kautusan ay makababalik ako sa Ama sa Langit balang-araw, kundi binigyan ako nito ng tiwala na anuman ang mga hamong haharapin ko sa araw-araw, maghahanda ang Panginoon ng paraan para sa akin (tingnan sa 1 Nephi 3:7).

Paglalarawan ni Gregg Thorkelson