Nangungusap Tayo Tungkol Kay Cristo
Ang Nag-iisang Ski
Naaalala ko pa ang unang pagpunta ko sa ibang lugar para mag-ski kasama ang pamilya ko. Ikinarga namin ng mga magulang ko at kapatid ang mga kagamitang pang-ski sa aming sasakyan at naglakbay papunta sa isang bundok kung saan maghapon kami roon. Nang dumating kami sa lugar, nalaman ko na sa pagmamadaling mag-impake ay naiwan ko ang isa kong ski sa bahay. At ang malala pa, nalimutan ko ang lahat ng ski pole ko.
Hindi na puwedeng bumalik pa para kunin ang nalimutang kagamitan. Sinabihan ako ni Itay, na isang praktikal na tao, na gawin ko na lang ang makakaya ko. Buti na lang, naawa ang ate ko at pinahiram ako ng isang ski pole.
Dahil hindi pa ako nakapag-ski, hindi ko naisip na mahirap pala kapag isa lang ang ski. Sa kabila nito, mas nasabik ako sa halip na malungkot—dahil nasa edad na ako para sumali sa paboritong aktibidad ng aking pamilya.!
Isa-isang nagsuot ang aking mga kapatid ng kanilang pang-ski at nagpunta sa isang parang na may munting burol na magandang padausdusan pababa. Pero hindi man lang ako makausad kahit kaunti! Ang paa ko na walang ski ay bumaon sa niyebe. Ang paa na may ski ay nabaon din dahil kumapit ang niyebe sa lumang wooden ski, kaya’t lalong bumigat ito.
Bakit ba ang hirap nito? Habang sinusubukan kong umusad, lalo akong nababaon at lalo akong nawalan ng pag-asa. Lalo akong nahirapan nang makita ko ang tatay ko at mga kapatid na lalaki na malayo na. Narating na nila ang parang at tila nasisiyahan sa pag-ski pataas at pababa sa burol.
Ilang beses bumalik si Itay para tingnan ako, at palaging pinalalakas ang loob ko. “Ituloy mo lang ! Natututo ka na.” Pero hindi ako matuto. Sa katunayan, natapos na ang maghapon bago ako nakarating sa parang. Ang unang pag-ski ko ay isang malaking kabiguan.
Habang lumalaki ako, naunawaan ko na tayong lahat ay dumaranas ng panahong sinisikap nating matuto gamit ang isang ski—isang di magandang wooden ski. Lahat tayo ay dumaranas ng mga pagsubok at pagkabigo at kamalian, ang ilan ay dahil sa sarili nating kagagawan at ang ilan ay dahil lamang sa naninirahan tayo sa mundong puno ng kasamaan. Ang ilan ay pansamantala lamang; ang ilan naman ay habambuhay nating nararanasan.
Kaagad nating natutuklasan na hindi pala tayo handa sa sitwasyong kinalalagyan natin. Dama nating may kakulangan tayo. Mas tumitindi ang paghihirap kapag nakikita natin ang iba na tila walang problema. Sa ganitong mga sitwasyon malinaw na hindi natin ito makakayanang mag-isa.
Sa kabutihang-palad, ang mga karanasan natin sa buhay ay hindi kailangang maging tulad ng una kong pag-ski. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko pero walang nangyari. Subalit sa buhay ay magagawa natin ang lahat sa abot ng ating makakaya at pagkatapos ay ipaubaya na ang iba pa sa Diyos. Dahil sa Kanyang lakas at Kanyang biyaya ay magagawa natin ang mga bagay na hindi natin kayang gawin nang nag-iisa.
Natutuhan ko rin na hindi natin kailangang itago ang ating mga paghihirap sa ating mapagmahal na Ama sa Langit. Ang ating kakulangan ay tumutulong sa atin na mas maunawaan ang damdamin Niya sa atin at kung sino talaga tayo bilang Kanyang mga anak. Mahal Niya tayo kaya isinugo Niya ang Kanyang Anak.
Kung lalapit tayo kay Cristo, makikita natin dahil sa ating mga kahinaan ang biyaya at awa ng Tagapagligtas habang tinutulungan Niya tayo. Halimbawa, may mga pagkakataon na parang gusto kong sabihin, “Tingnan ninyo, isa lang ang ski ko. At kahit may dalawa akong ski, siguradong hindi ako magiging mahusay sa pag-ski. Kaya’t huwag na ninyo akong alalahanin pa.”
Subalit sa Kanyang kabaitan, tinutulungan pa rin ako ng Tagapagligtas. Alam Niya na may mga hamon akong kinakaharap at hinihingi lamang ang abot ng makakaya ko: “Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Ang biyaya ay hindi naman nangangahulugan ng pagbili ng bagong pares ng ski at pagpunta sa lugar na ako lang mag-isa. Ang pagmamalasakit ng Tagapagligtas ay mas personal at mas magiliw kaysa diyan. Tinutulungan Niya ako saanman ako naroon, bilang ako, upang umunlad at maging higit na tulad Niya at ng Ama sa Langit. Naniniwala ako na nasisiyahan Sila na ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya, kahit kaunti lang ito. At alam ko na mahal Nila ako sa paraang lubos ko Silang napagkakatiwalaan at naaasahan.
Hindi ako sumuko sa pag-ski matapos ang unang kabiguang iyon. Paulit-ulit akong bumalik doon kasama ang aking pamilya at kumuha pa ako ng klase sa skiing sa kolehiyo. Isa na ito ngayon sa paborito kong mga libangan. Nagpapasalamat ako at hindi ako sumuko.
Nagpapasalamat din ako—nang walang hanggan—na hindi sumusuko sa atin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Hindi tayo pinabayaan ng Diyos sa ating mga pagsisikap na may kakulangan. Dahil sa Kanyang walang hanggang pagmamahal sa Kanyang mga anak, nagsugo Siya ng isang Tagapagligtas na magbibigay-daan pabalik sa Kanyang piling. Alam ko na sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanila, lahat tayo ay makasusulong sa buhay.