Mensahe ng Unang Panguluhan
Sa Pagiging Handa sa Espirituwal
Payo mula sa Ating Propeta
Isang Saligan ng Pananampalataya
“Kung wala tayong malalim na saligan ng pananampalataya at matibay na patotoo sa katotohanan, mahihirapan tayong paglabanan ang nagngangalit na unos at napakalamig na hangin ng kaaway na dumarating sa bawat isa sa atin nang hindi natin inaasahan.
“Ang mortalidad ay panahon ng pagsubok, panahon para patunayan na karapat-dapat tayong magbalik sa piling ng ating Ama sa Langit. Para masubukan tayo, kailangang harapin natin ang mga hamon at problema. Maaari tayong madaig ng mga ito, at maaaring magdusa ang ating mga kaluluwa—iyan ang mangyayari, kung ang saligan ng ating pananampalataya, ang ating mga patotoo tungkol sa katotohanan ay hindi nakatanim na mabuti sa ating mga puso.”1
Matuto sa mga Aral ng Nakalipas
“Sa paghahanap ng pinakamagalin sa atin, may ilang tanong na gagabay sa ating pag-iisip: Narating ko ba ang nais kong marating? Mas malapit ba ako sa Tagapagligtas ngayon kaysa kahapon? Mas mapapalapit kaya ako bukas? May lakas ba ako ng loob na magbago at maging mas mabuti? …
“Nagdaan ang mga taon, ngunit napakahalaga pa rin ng patotoo sa ebanghelyo. Sa pagharap natin sa kinabukasan, hindi natin dapat kaligtaan ang mga aral ng nakalipas.”2
Ang Inyong Personal na Liahona
“Ang inyong patriarchal blessing ay inyung-inyo lamang. Maaaring ito ay maikli o mahaba, simple o malalim. Ang haba at mga salitang ginamit ay hindi mahalaga sa patriarchal blessing. Ang Espiritu ang naghahatid ng totoong kahulugan nito. Hindi dapat tupiin at itago ang inyong patriarchal blessing. Hindi ito dapat ikuwadro o ipagsabi. Sa halip, dapat ay basahin ito. Dapat mahalin ito. Dapat sundin ito. Gagabayan kayo ng inyong patriarchal blessing sa pinakamatindi ninyong pagsubok. Gagabayan kayo nito sa mga panganib sa buhay. … Ang inyong patriarchal blessing ay inyong personal na Liahona na aakay at gagabay sa inyo. …
“Kakailanganin ang pagtitiis habang tayo ay nagbabantay, naghihintay, at gumagawa para matupad ang ipinangakong pagpapala.”3
Lumapit sa Kanya
“Alalahanin na hindi kayo nag-iisa sa pagtahak sa buhay na ito. … Sa pagtahak ninyo sa buhay, palaging tahakin ang landas tungo sa liwanag, at ang mga kadiliman ng buhay ay maglalaho. …
“Sa pagbaling ko sa mga banal na kasulatan para mabigyang-inspirasyon, isang partikular na salita ang nangingibabaw sa tuwina. Ang salita [ay] ‘magsiparito.’ Sabi ng Panginoon, ‘Magsiparito sa akin.’ Sabi Niya, ‘Magaral kayo sa akin.’Sinabi rin Niya, ‘Pumarito ka, sumunod ka sa akin.’ Gusto ko ang salitang iyan, magsiparito. Ang pakiusap ko ay magsiparoon tayo sa Panginoon.”4