Sa mga Balita
Tumulong ang mga Online Video sa Pagpapalaganap ng Pag-asa sa Ebanghelyo
Di magtatagal at mapapanood na ang Mormon Messages, isang opisyal na istasyong LDS sa video-sharing Web site na YouTube, sa mahigit 10 wika. Ang unang Mormon Messages video sa Ingles ay lumabas noong Agosto 2008, samantalang napanood naman ito sa Espanyol noong Abril 2009. Bukod dito, nakatakdang mapanood ang istasyon sa Cantonese, French, German, Italian, Japanese, Korean, Mandarin, Portuguese, at Russian sa katapusan ng unang quarter ng 2010.
“Ang pangunahing layunin ng Mormon Messages ay maglaan ng maikli at nagbibigay-inspirasyong mga video message … na nagpapalakas sa mga miyembro at naghihikayat sa kanila na ibahagi online ang mensahe ng ebanghelyo sa iba,” sabi ni David Nielson, managing director ng Audiovisual Department ng Simbahan. Ang mga video na ginawa ng Simbahan ay tatlo hanggang apat na minuto ang haba at karaniwan ay nagtatampok ng mga salita ng inspirasyon mula sa mga General Authority at mga lider ng auxiliary.
Kasama sa mga dating video segment ang “What Matters Most,” kung saan hinimok ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga manonood na mag-ukol ng panahon sa kanilang mga mahal sa buhay; “Counsel to Youth,” kung saan pinapayuhan ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang mga kabataan kung paano matatagpuan ang kaligayahan; at “The Women in Our Lives,” ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008).
Maliban sa pagtatampok ng mga salita ng mga lider ng Simbahan, nakatuon din ang Mormon Messages sa mga miyembro ng Simbahan. Halimbawa, ang video na “Finding Hope” ay tungkol kay Victor Guzman, na nakaligtas sa pagsalakay ng mga terorista sa Amerika noong Setyembre 11, 2001, at ang paghahanap niya ng kapayapaan sa gitna ng kawalang-pag-asa.
Pagsapit ng Setyembre 20, 2009, mahigit 5.4 na milyon na ang nakapanood sa istasyon at kasama ito sa nangungunang 20 pinakapopular na istasyon sa kategoryang “Nonprofits and Activism” sa YouTube. Karaniwan ay 200,000 hit ang natatanggap ng bawat mensahe.
Ang mga video na ito ay mapapanood din sa LDS.org, kung saan makikita ng mga nanonood ang dating nakapaskil na mga segment.
“Sana mas marami pang miyembro ang magbahagi ng mga video na ito sa mga hindi natin miyembro para malaman din nila ang talagang pinaninindigan ng Simbahan at ang hangarin nating sundin si Jesucristo,” sabi ni Brother Nielson.
Binago ang Pansariling Pag-unlad
Binago ng Young Women general presidency ang mga materyal sa Pansariling Pag-unlad upang ipakita ang mga pagbabago kamakailan.
Ang bagong buklet na Pansariling Pag-unlad ay kulay rosas ang pabalat at kasama ang mga aktibidad para sa bagong ikawalong pinahahalagahan—kabanalan—na idinagdag noong katapusan ng 2008. Gayon pa rin ang karamihan sa mga aktibidad sa pinahahalagahan, pero medyo binago ang ilan para maging mas angkop sa kasalukuyan at mas nakatuon sa mga tipan sa templo.
Bukod pa sa mga tuktok ng templo, ang medalyong Pagkilala sa Pagdadalaga ay nagpapakita na ngayon ng beehive na tanda ng pagkakasundo, pagtutulungan, at pagsisikap; rosas ng Mia Maid para sa pagmamahal, pananampalataya, at kadalisayan; at koronang laurel, na sagisag ng karangalan at tagumpay. May isang maliit na rubi sa gitna ng rosas na sagisag ng bagong pinahahahalagang kabanalan (tingnan sa Mga Kawikaan 31:10) at ng pagtatapos sa Pansariling Pag-unlad.
Kasama sa karagdagang mga materyal ang isang bagong poster ng tema at mga ribbon o laso ng banal na kasulatan. Ang mga ribbon o laso ay ibibigay kapag natapos na ang mga karanasan at proyekto sa pinahahalagahan.
Ang mga materyal sa ngayon ay makukuha sa Ingles, Espanyol, at Portuges. Ang nilalaman sa 51 karagdagang mga wika ay makukuha sa mga unang buwan ng 2010.