Mga Klasikong Ebanghelyo
Pag-asam na Makapasok sa Templo
Ang templo ay bahay o tahanan ng Panginoon. Kung dadalaw sa mundo ang Panginoon, paroroon siya sa Kanyang templo. Tayo ay kabilang sa pamilya ng Panginoon. Tayo ay Kanyang mga anak sa buhay bago pa ang buhay natin sa mundong ito. Dahil dito, tulad ng pagtitipon ng ama at ina at kanilang pamilya sa kanilang tahanan sa lupa, gayundin na maaaring magtipun-tipon ang karapat-dapat na mga miyembro ng pamilya ng Panginoon tulad ng ginagawa natin sa bahay ng Panginoon.
Ang templo ay isang lugar ng tagubilin. Dito ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay muling ipinababatid, at ang malalalim na katotohanan ng kaharian ng Diyos ay ipinahahayag. Kung papasok tayo sa templo nang may tamang saloobin at makikinig na mabuti, lalabas tayong taglay ang dagdag na kaalaman at karunungan sa ebanghelyo.
Ang templo ay isang lugar ng kapayapaan. Pansamantala nating isinasantabi rito ang mga problema at pangamba ng magulong mundo. Dito ang ating isipan ay dapat nakatuon sa mga katotohanang espirituwal yamang ang iniisip lang natin ay ang mga bagay ng espiritu.
Ang templo ay isang lugar ng mga tipan, na tutulong sa atin na mamuhay nang matwid. Ipinahahayag natin dito na susundin natin ang mga batas ng Diyos at nangangakong gagamitin ang mahalagang kaalaman ng ebanghelyo para sa sarili nating pagpapala at para sa kabutihan ng tao. Ang mga simpleng seremonya ay tumutulong sa atin na magkaroon ng matuwid na pasiya na mamuhay nang marapat sa mga kaloob ng ebanghelyo sa paglabas natin mula sa templo.
Ang templo ay isang lugar ng pagpapala. May mga pangako sa atin, na matutupad lamang kung tayo ay tapat, na umaabot hanggang sa kawalang hanggan. Tutulungan tayo ng mga ito na maunawaan na napakalapit ng mga magulang natin sa langit. Ibinigay sa atin ang kapangyarihan ng priesthood sa bago at mas malawak na pananaw.
Ang templo ay lugar kung saan isinasagawa ang mga seremonyang may kinalaman sa kabanalan. Ang malalaking misteryo ng buhay, kasama ang mga di masagot na tanong ng mga tao, ay nililinaw rito: (1) Saan ako nanggaling? (2) Bakit ako narito? (3) Saan ako pupunta pagkatapos ng buhay na ito? Dito ang mga pangangailangang espirituwal, na siyang pinagmumulan ng lahat ng bagay sa buhay, ay lubos na pinahahalagahan.
Ang templo ay isang lugar ng paghahayag. Ang Panginoon ay maaaring magbigay ng paghahayag dito, at maaaring tumanggap ang bawat tao ng paghahayag na tutulong sa kanyang buhay. Lahat ng kaalaman, lahat ng tulong ay mula sa Panginoon, tuwiran man ito o hindi. Bagamat wala Siya roon, naroon Siya sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu Santo at ng kalalakihang mayhawak ng priesthood. Sa pamamagitan ng Espiritung iyan pinangangasiwaan nila ang gawain ng Panginoon dito sa lupa. Bawat taong pumapasok sa sagradong lugar na ito nang may pananampalataya at panalangin ay makahahanap ng solusyon sa mga problema sa buhay.
Masaya ang makapasok sa templo, ang bahay ng Panginoon, isang lugar ng tagubilin ng priesthood, ng kapayapaan, ng mga tipan, ng mga pagpapala, at ng paghahayag. Dapat mag-umapaw sa ating puso ang pasasalamat sa pribilehiyong ito at ang matinding hangaring makamtan ang diwa ng kaganapan sa loob ng templo.
Ang templo, kasama ang mga kaloob at pagpapala nito, ay bukas sa lahat ng sumusunod sa mga hinihingi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat karapat-dapat na tao ay maaaring humingi sa kanyang bishop ng recommend para makapasok sa templo.
Ang mga isinasagawang ordenansa rito ay sagrado; hindi mahiwaga ang ito. Lahat ng tumatanggap at ipinamumuhay ang ebanghelyo at pinananatiling malinis ang sarili ay makababahagi nito. Sa katunayan, lahat ng matatapat na miyembro ng Simbahan ay inaanyayahan at hinihikayat na pumasok sa templo at kamtin ang mga pribilehiyo nito. Ito ay isang sagradong lugar kung saan ibinibigay ang mga banal na ordenansa sa lahat ng mga nakapagpatunay na karapat-dapat silang makibahagi sa mga pagpapala nito.
Anuman ang maibibigay ng ebanghelyo ay maisasagawa sa isang templo. Ang mga binyag [para sa patay], ordenasyon sa priesthood [para sa patay], kasal, at pagbubuklod sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan para sa mga buhay at patay, ang endowment para sa mga buhay at patay, … tagubilin ng ebanghelyo, mga kapulungan para sa gawain ng ministeryo, at lahat ng iba pa na kabilang sa ebanghelyo ay isinasagawa rito. Tunay nga, sa templo makikita ang huwaran ng buong ebanghelyo. …
Hindi dapat asahan na mauunawaan nang lubos ng tao ang mga seremonya sa templo sa unang “pagpasok” sa templo. Kaya nga, ibinigay ng Panginoon ang paraan ng pag-uulit. Ang gawain sa templo ay dapat gawin muna ng bawat tao para sa kanyang sarili; pagkatapos ay maaari na itong gawin para sa namatay na mga ninuno o kaibigan nang madalas hangga’t ipinahihintulot ng pagkakataon. Bubuksan ng ganitong paglilingkod ang mga pintuan ng kaligtasan para sa mga patay at makatutulong din upang matanim sa isipan ng mga buhay ang katangian, kahulugan, at mga tungkulin ng endowment. Sa pagpapanatiling sariwa ng endowment sa isipan, magagampanan natin nang mas mabuti ang ating mga tungkulin sa buhay sa bisa ng walang hanggang mga pagpapala.
Ang mga seremonya ng mga templo ay nakasaad na mabuti sa paghahayag na kilala bilang bahagi 124, mga talata 39–41, ng Doktrina at mga Tipan:
“Samakatwid, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang inyong mga pagpapahid ng langis, at ang inyong mga paghuhugas, at ang inyong mga pagbibinyag para sa mga patay, at ang inyong mga kapita-pitagang kapulungan, at ang inyong mga pag-alaala para sa inyong mga hain sa pamamagitan ng mga anak na lalaki ni Levi, at para sa inyong mga orakulo sa inyong mga pinakabanal na lugar kung saan kayo tumatanggap ng mga pag-uusap, at ng inyong mga batas at paghuhukom, para sa pagsisimula ng mga paghahayag at pagtatatag ng Sion, at para sa kaluwalhatian, karangalan, at pagkakaloob ng lahat ng nauukol sa kanyang munisipal, ay inorden sa pamamagitan ng ordenansa sa aking banal na bahay, kung alin ang aking mga tao ay tuwinang inuutusang magtayo sa aking banal na pangalan.
“At katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bahay na ito ay itayo sa aking pangalan, upang aking maihayag ang aking mga ordenansa roon sa aking mga tao;
“Sapagkat minarapat ko na ihayag sa aking simbahan ang mga bagay na pinanatiling nakatago bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, mga bagay na nauukol sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.”
Sa templo ang lahat ay nakasuot ng puting damit. Ang puti ay simbolo ng kadalisayan. Walang karapatang pumasok ang maruming tao sa bahay ng Diyos. Bukod pa rito, ang pare-parehong kasuotan ay sumasagisag na sa harapan ng ating Diyos Ama sa langit, ang lahat ng tao ay pantay-pantay. Ang pulubi at mayaman, ang nag-aral at mangmang, ang prinsipe at busabos ay magkakatabi sa templo at parehong mahalaga kung namumuhay silang matwid sa harapan ng Panginoong Diyos, ang Ama ng kanilang mga espiritu. Espirituwal na kalakasan at pag-unawa ang natatanggap ng isang tao sa loob ng templo. Ang lahat ay may pantay-pantay na lugar sa harapan ng Panginoon. …
Mula sa simula hanggang matapos, ang pagpasok sa templo ay isang maluwalhating karanasan. Ito ay nagpapasigla, nagbibigay-kaalaman. Nagbibigay ng lakas ng loob. Ang mga pumapasok roon ay humahayo nang may ibayong pag-unawa at lakas para sa kanyang gawain.
Ang mga batas ng templo at mga tipan ng endowment ay magaganda, makatutulong, simple, at madaling unawain. Simple rin ang pagsunod sa mga ito. Gayunpaman, kagila-gilalas na nailagay ito ni Propetang Joseph Smith, na hindi nag-aral sa paraan ng mundo, sa tamang pagkakasunud-sunod sa paglalatag ng pundasyon para sa espirituwal na pag-unlad ng tao. Ito pa lamang ay nagbibigay-katuwiran na sa ating pananampalataya na si Joseph Smith ay pinatnubayan ng mga kapangyarihang higit pa sa taglay ng tao.
Sa mga pumapasok sa templo nang may pananampalataya, na lubos na nagpapasakop sa kagustuhan ng Panginoon, magiging maluwalhating karanasan ang araw na iyon. Liwanag at kapangyarihan ang mapapasakanila. …
Kahit saan bumaling ang isang tao sa inihayag na ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo, at lalo na sa templo, ang pananalig ay tumitibay na ang gawain ng Diyos ay muling itinatag para sa Kanyang tiyak na mga layunin sa mga huling araw. Ang paglilingkod sa templo ay tumutulong sa atin na maging marapat sa dakilang gawaing ito: “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).