2010
Mga Kabataan sa Lumang Tipan
Pebrero 2010


Mga Kabataan sa Lumang Tipan

Ang impormasyon para sa lathalaing ito ay nagmula sa Bible Dictionary sa LDS version ng King James Bible at mula sa The New Westminster Dictionary of the Bible, inedit ni Henry Snyder Gehman (1970).

Ano ang sinasabi sa atin ng Lumang Tipan tungkol sa magagandang ginawa ng mga lider na nasa mga banal na kasulatan noong tinedyer pa sila?

Bagaman natatandaan nating mabuti ang karamihan sa mga kilalang tao sa Lumang Tipan dahil sa mga ginawa nila noong sila ay matanda na, paminsan-minsan nakakatuklas tayo ng kaunting kaalaman tungkol sa buhay ng mga kahanga-hangang taong ito noong sila tinedyer pa sila. Sa katunayan, ang matuklasan ang kanilang mga desisyon at ginawang pagpili habang lumalaki ay maaaring makatulong sa pamumuhay ninyo ngayon. Narito ang pitong halimbawa:

Moises

Matapos matuklasan sa mga palumpon noong sanggol pa lang at dalhin sa palasyo upang palakihin bilang prinsipe, tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan (tingnan sa Ang Mga Gawa 7:22). Noong kanyang kabataan, maaaring naturuan siyang bumasa at sumulat sa wikang Egipcio.

Samuel

Si Samuel ay isinilang bilang regalo o kaloob ng Panginoon sa kanyang inang si Ana. Nangako si Ana na ibibigay si Samuel sa Panginoon at palalakihin ng saserdoteng si Eli. Lumaki si Samuel at naglingkod, at nang siya ay mga 12 taong gulang na, nagising siya sa tinig ng Panginoon na tumatawag sa kanya isang gabi (tingnan sa I Samuel 3:4–10). Maging noong bata pa lang, natutuhan na ni Samuel na makinig sa tinig ng Panginoon. Ito ang naging simula ng kanyang paghahanda na maging propeta.

Daniel

Matapos mabihag at madala sa Babilonia ang kanyang pamilya at kanyang mga kababayan, si Daniel at ang kanyang tatlong kaibigan ay kinuha para maglingkod sa palasyo ng hari. Bilang mga binatilyo, tumanggi silang kainin ang karne at inumin ang alak na pagkain ng mga nasa palasyo. Sinunod nila ang mga utos ng Diyos at nabigyan ng kaalaman at kasanayan. Sa Daniel 1:20 sinabi roon na nakita ng hari na ang apat na kabataang lalaking ito ay “makasangpung mainam kay sa lahat ng mahiko at mga enkantador sa kaniyang buong kaharian.”

Jose

Si Jose ay mga 17 taong gulang nang ipagbili ng kanyang mga nakatatandang kapatid sa mga mangangalakal na nagdala sa kanya bilang alipin sa Egipto. Maging sa gayong mga kalagayan, pinagpala si Jose. Naging mabuting lingkod si Jose kay Potiphar, ang taong bumili sa kanya, at ang lahat ng ginawa ni Jose ay nagtagumpay (tingnan sa Genesis 39:3–4). Sa kabila ng mga maling bintang at paratang, naging lider si Jose sa Egipto at pumangalawa sa Faraon. Dahil sa kanyang tagumpay natulungan niya ang kanyang sariling pamilya sa panahon ng taggutom.

Ruth

Maaaring bata pa si Ruth nang pumanaw ang kanyang unang asawa, na anak ni Noemi. Sa halip na bumalik sa kanyang pamilya, pinili ni Ruth na sumama sa kanyang biyenan at tanggapin ang itinuro sa kanya tungkol sa Diyos ng Israel. Sinabi niya kay Noemi, “Kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios”(Ruth 1:16). Nag-asawang muli si Ruth at naging lola sa tuhod ni Haring David, ang angkan kung saan isisilang si Jesucristo kalaunan.

David

Si David ang pinakabunso sa walong anak na lalaki na nakatira sa Bet-lehem. Noong bata pa siya, pinatunayan niya ang kanyang tapang nang iligtas niya ang mga tupa ng kanyang ama mula sa sumalakay na leon at oso. Noong binatilyo pa lang siya, pinili si David ni propetang Samuel na maging hari (tingnan sa I Samuel 16:12–13). Noong una, inakala ni Samuel na ang mas matandang kapatid ni David ang pipiliin ng Diyos dahil ito ay matangkad at matipuno, ngunit sinabi ng Panginoon sa propeta na ang batang si David ang gagawing hari. Sinabi kay Samuel, “Hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao; sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (I Samuel 16:7).

Kailan nagsimulang maghanda ang kalalakihan at kababaihan ng Lumang Tipan sa habambuhay na paglilingkod sa Panginoon? Makikita natin mula sa mga banal na kasulatan na ito ay noong bata pa sila. Kapag kayo ay nasa inyong kabataan, nasa hustong edad na kayo para malaman ang tungkol sa Panginoon at gawin ang Kanyang kalooban. Tulad ng sinabi ni propetang Alma sa kanyang anak na si Helaman, “O, pakatandaan, anak ko, at matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos” (Alma 37:35).

Sa halip na hintaying magkaedad kayo, ngayon na ang tamang panahon para simulang mamuhay nang matwid.