2010
Ang Talinghaga ng Kaha-de-Yero
Pebrero 2010


Mga Klasikong Ebanghelyo

Ang Talinghaga ng Kaha-de-Yero

Ano ang halaga ng isang kaluluwa? Ito ay walang katumbas at kailangang ingatan.

Elder James E. Talmage

Kabilang sa mga balita kamakailan ang ulat tungkol sa pagnanakaw, ang ilan sa mga insidente nito ay di pangkaraniwan sa pag-uulat ng krimen. Ang kaha-de-yero ng isang malaking tindahan ng mga alahas at mamahaling bato ang puntirya ng pagnanakaw. Batay sa plano at kasanayan ng dalawang magnanakaw sa pagbuo ng kanilang balak, malinaw na sanay na sila sa kanilang masamang gawain.

Pinlano nilang magtago sa loob ng gusali at napagsarhan nang ipinid ang mabigat at may rehas na mga pinto nang gabing iyon. Alam nila na mahusay ang pagkakagawa ng malaking kaha-de-yero at hindi mapapasok ng magnanakaw; alam din nila na naglalaman ito ng napakalaking kayamanan; at umasa silang magtatagumpay dahil sa tiyaga, sigasig, at kasanayan, na humusay dahil sa marami, bagama’t hindi malakihang pagnanakaw noon. Kumpleto ang kanilang kagamitan, may mga barena, lagare, at iba pang mga kagamitan, na sadyang ginawa para mapasok kahit ang matibay na bakal ng malaki at matibay na pinto, na siyang tanging daan papunta sa kaha-de-yero. Mga armadong guwardiya ang nakabantay sa mga pasilyo ng gusali, at masigasig ang pagbabantay sa matibay na silid.

Buong magdamag na gumawa ang mga magnanakaw, nagbabarena at papaikot na nilalagare ang susian, na ang komplikadong mekanismo ay hindi kayang manipulahin maging ng taong pamilyar na sa kombinasyon nito, bago ang oras na itinakda ng time-control. Kalkulado nila na sa masigasig nilang paggawa ay may oras pa sila sa gabing iyon na mabuksan ang kaha at makuha ang kaya nilang madala; pagkatapos ay bahala na, o kaya nama’y pipilitin nilang makatakas. Hindi sila mag-aatubiling pumatay kapat hinadlangan sila. Bagamat hindi nila inaasahang mas mahirap ito, ang mga bihasang kriminal ay nagtagumpay gamit ang kanilang mga kagamitan at pampasabog para marating ang pinakaloob na susian; pagkatapos ay nabuksan nila ang kandado at pinuwersang buksan ang mabibigat na pinto.

Ano ang nakita nila sa loob? Sa palagay ninyo nakakita sila ng mga drawer na puno ng mamahaling bato, ng mga trey na puno ng mga diyamante, rubi, at perlas? Tiwala silang makakakita at makakakuha ng gayong mga bagay at higit pa; subalit sa halip nakakita sila ng isang kaha-de-yero sa loob na ang pinto ay mas makapal, matibay at mas komplikado ang pagkakagawa kaysa una na pinaghirapan nilang buksan. Napakatibay ng kalidad ng bakal ng pangalawang pinto kaya nasira ang matibay at pinasadya nilang mga kagamitan; anumang pilit ang gawin nila ni hindi nila ito nagasgasan. Nasayang ang kanilang pagod; bigo sa kanilang malalaking plano.

Katulad ng reputasyon ng isang tao ang panlabas na pinto ng kaha-de-yero; katulad ng kanyang pagkatao ang pinto sa loob. Ang mabuting pangalan ay matibay na pananggalang, kahit na ito ay tuligsain at sirain o wasakin, ang kaluluwang binabantayan nito ay ligtas, kung ang pagkatao ay hindi magugupo.

Paglalarawan ni Daniel Lewis