2010
Pinangalagaan mula sa Hindi Inaasahan
Pebrero 2010


Pinangalagaan mula sa Hindi Inaasahan

Alam namin na babantayan kami ng Panginoon sa aming biyahe papunta sa templo. Pero hindi namin naisip kung kung gaano namin kakailanganin ang Kanyang proteksyon.

Matapos ang 61-oras na biyahe sa bus, nakarating ang grupo ng aming kabataan sa Manila Philippines Temple. Sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng templo, ang mga kabataan ng Davao stake ay gumugol ng siyam na buwang paghahanda para sa paglalakbay, at dumalo sa mga klase ng family history, aktibong sumali sa mga aktibidad sa Simbahan, nagsaliksik at naghanda ng mga pangalan ng pamilya, at tumulong upang madagdagan ang pondo para sa paglalakbay. Tuwang-tuwa kaming 63 sa pagsakay ng bus sa gabing iyon ng Lunes. Sa temple patron housing, nagdaos kami ng napakalaking family home evening, na may kantahan at mga mensaheng espirituwal, at pagkatapos ay pinilit na makatulog.

Sa sumunod na dalawang araw ang mga kabataan ay nabinyagan at nakumpirma para sa mahigit 2,000 nilang mga ninuno, na nagbigay ng pagkakataon sa mga ninunong iyon para tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Hindi kami nakaramdam ng gutom o pagod sa maraming oras na paggawa namin sa templo. Napakalakas ng Espiritu noon. Maaliwalas ang mukha ng ilang kabataan; ang iba ay naluluha sa galak.

Napakabilis ng araw at oras na para umuwi. Ilang minuto sa aming paglalakbay, ang katahimikan ng bus ay binulabog ng mga sirena ng pulis. Sa labas, napalibutan kami ng mga patrol car, kaya napilitan kaming huminto. Tapos nakita namin ang mga sniper na pulis na nakapalibot sa amin, na may inaasinta sa unahan. Sa gayong nakakakabang sandali, nalaman namin na ang mga pasahero sa isang bus ilang talampakan ang layo sa harap namin ay hinostage, at ginagamit ng mga pulis ang aming bus bilang pananggalang!

Sinikap naming mga lider na pakalmahin ang lahat, pero nagsimulang matakot ang iba. Sa gitna ng kaguluhan inutusan kami ng mga pulis na dumapa sa sahig. Matapos ang ilang nakasisindak na sandali, narinig namin na may sumisigaw na bumaba kami sa bus. Sinunod namin ang utos at dali-daling bumaba sa bus at pumunta sa kalapit na bakanteng gusali.

Mahigit isang oras, nakaupo kami sa madilim na gusali, nananalangin at nakikinig sa putukan. At sa wakas sinabihan kaming bumalik na sa aming bus. Tapos na ang barilan, dalawang hostage at dalawang hijaker ang napatay.

Takot na takot pa kami nang ipagpatuloy ang aming biyahe. Gayunpaman, nang kumakalma na kami, natanto namin na pinangalagaan kami. Wala ni isa man sa amin ang nasugatan, at alam namin na pinangalagaan kami ng kamay ng Panginoon. Nadama namin ang banal na presensya at naisip na baka naroon ang ilan sa mga ginawan namin ng binyag.

Naisip ko ang banal na kasulatan na nagsasabi, “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi” (D at T 82:10), at masaya ako dahil tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako. Kapag sinusunod natin ang mga utos at patuloy na tapat sa ating mga tungkulin, kabilang ang gawain sa templo at family history, magiging marapat tayo sa mga pagpapala ng Panginoon—pati na sa Kanyang pangangalaga kapag kailangang-kailangan natin ito.

Paglalarawan ni Roger Motzkus