2010
Lumaki sa Panginoon
Pebrero 2010


Nagsalita Sila sa Atin

Lumaki sa Panginoon

Mula sa mensaheng ibinigay sa debosyonal sa Brigham Young University–Idaho noong Abril 29, 2008. Para sa buong teksto ng mensahe sa Ingles, tingnan sa http://web.byui.edu/DevotionalsandSpeeches.

Kathleen H. Hughes

Habang muling binabasa ang Aklat ni Mormon, nakarating ako sa kabanata sa Helaman kung saan nakilala natin ang mga anak ni Helaman: “At ito ay nangyari na, na siya ay may dalawang anak na lalaki. Ibinigay niya sa pinakamatanda ang pangalang Nephi, at sa pinakabata, ang pangalang Lehi. At sila ay nagsimulang lumaki sa Panginoon” (Helaman 3:21; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Hindi lamang lumaki ang mga batang ito na maalam, mapagmahal, at naglilingkod sa Panginoon, kundi nanatili sila sa gayunding landas sa buong buhay nila. Ang ideyang ito—na manatiling tapat at nagtitiis—ang nais kong pagtuunan ng pansin.

Kahit kayo ang unang henerasyon ng tumanggap ng ebanghelyo sa inyong pamilya, nakikinita kong lumaki kayong sabik sa espirituwal na kaalaman. Lahat tayo, sa malao’t madali, ay lalaki at iiwanan ang mga lugar na nagpalaki at nangalaga sa atin. Nakatira ako sa bahay habang nag-aaral sa kolehiyo, at nang magsimula lamang akong magturo at lumipat ang aking mga magulang na kinailangang kong tumindig at mamuhay mag-isa.

Ang pagbabagong ito ay kadalasang mahalagang karanasan sa ating katapatan sa ebanghelyo. Nag-aalok ang mundo ng hayagan at mapanlinlang na mga tukso. Kailangang palagi nating itanong kung ano na ang ginagawa natin sa ating espiritu. Ang kabanalan bang nasa atin ay napangangalagaan, o nahahadlangan ng ating ikinikilos ang Espiritu sa pagiging malakas na puwersa sa ating buhay?

Ang di matwid na pamumuhay ay hindi nangangailangan ng gaanong pagsisikap o panahon, tulad ng nakita nating nangyari sa mga tao sa Aklat ni Mormon. Sa unang mga kabanata ng 3 Nephi, nakita natin na ang malaking bilang ng mga Nephita ay masama; ang mga Lamanita, na naging higit na mabuti, ay nagiging masama na rin. Itinala ni Mormon:

“Marami silang mga anak na lumaki at nagsimulang maging makapangyarihan sa paglipas ng mga taon, kung kaya’t sila ay nagbago sa kanilang sarili at naakay palayo. …

“At sa gayon din nahirapan ang mga Lamanita, at nagsimulang manghina sa kanilang pananampalataya at kabutihan, dahil sa kasamaan ng sumisibol na salinlahi” (3 Nephi 1:29–30; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Dapat tayong magbantay upang hindi tayo “magbago sa ating sarili.” Magandang kataga iyan. Ipinahihiwatig nito sa akin na inuna nila ang kanilang sarili at labis na nagnasa sa mga bagay na pinaiiwasan sa kanila ng mga propeta. Nagpatangay sila sa mga panunukso at pang-aakit ni Satanas. May mga pagkakataon sa ating buhay na bawat isa sa atin ay kailangang piliing yakapin ang pananampalataya o “[m]anghina sa kawalang-paniniwala” o “hayagang [m]aghimagsik laban sa ebanghelyo ni Cristo” (4 Nephi 1:38).

Sana masabi ko sa inyo na may isahan lang na paraan para masigurong hindi tayo mabibihag ng mga tuksong ito, pero wala nga. Gayunman, may huwaran na kung susundin, ay makatitiyak tayo na kapag pinili natin ang plano ng ating Ama, maaari tayong manatiling ligtas; maaari tayong manatiling tapat.

Sa 4 Nephi nalaman natin ang tungkol sa mga taong nanatiling tapat at lumakas ang patotoo. Sila ay “nagpapatuloy sa pag-aayuno at panalangin, at sa madalas na pagtitipong magkakasama kapwa upang manalangin at makinig sa salita ng Panginoon” (4 Nephi 1:12). Kaya ang panalangin at pag-aayuno ang unang mga bahagi ng huwarang ito. Para sa akin, ang isa sa lubos na nakapagpapanatag at nagbibigay-katiyakan na mga bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ang pagkakataon at pagpapalang makapagdasal. Kadalasan, wala tayo sa lugar na maisasatinig natin ang ating mga panalangin, subalit tulad ng itinuro ni Amulek sa Alma 34:27, hayaang ang ating puso ay “patuloy na lumalapit sa panalangin.”

Kapag sinamahan ng matinding panalangin, ang pag-aayuno ay may kapangyarihang antigin ang langit sa tuwiran at makabuluhang mga paraan. Minsan ang pag-aayuno ay nagdudulot ng panibagong kalusugan at kalakasan sa katawan na pinahina ng karamdaman; minsan maaari nitong buksan ang puso at isipan upang tumulong sa mga nangangailangan; minsan maaari nitong wakasan ang tagtuyot at pagkagutom. At sa tuwina ang pag-aayuno ay maaaring magdulot sa atin ng kapayapaan—kapayapaang malaman na kilala tayo ng Panginoon at nauunawaan ang ating mga pangangailangan at puso.

Ang kasunod na bahagi ng huwaran ay ang madalas silang magtipong magkakasama “upang manalangin at makinig sa salita ng Panginoon.” Sa maraming lugar ang pagpunta pa lang sa simbahan ay napakahirap na at kailangan ang malaking sakripisyo ng panahon at salapi. Subalit sa iba’t ibang panig ng mundo, ginagawa ito ng milyun-milyong matatapat na Banal bawat Sabbath.

Gusto kong idagdag ang isang bagay sa huwarang ito—isang bagay na pinaniniwalaan kong malaki ang magagawa para manatili tayong nakayakap sa ebanghelyo. Ang tinutukoy ko ay ang templo. Tulad ng pagtanggap natin ng sacrament bawat linggo para panibaguhin ang ating mga tipan sa binyag sa Panginoon, ang pakikibahagi sa mga ordenansa ng templo ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng ating mga tipan at pinalalakas ang ating kakayahang mapaglabanan ang kasamaan ng mundong ito.

Ang panalangin at pag-aayuno, madalas na pagtitipong magkakasama upang manalangin at pakinggan ang salita ng Diyos, at pagpasok sa templo, at (sana kahit hindi na banggitin) ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan—ito ang mga huwaran na dapat nating sundin kung nais nating manatiling tapat at matatag at lumaki sa Panginoon.

Larawang kuha ng © Busath.com; paglalarawan ni Scott Greer