“Sagwitch,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Sagwitch”
Sagwitch
Si Sagwitch, isang pinuno ng Hilagang Shoshone (Newe) noong ika-19 na siglo, ay isang mahalagang kakampi at kaibigan ng mga Banal sa mga Huling Araw na nanirahan sa lupang tinubuan ng kanyang mga tao sa hilagang Utah at sa timog-silangang Idaho.1 Isinilang siya noong 1822, anak nina Pin-in-netse at Woo-roats-rats-in-gwipe, at maaga pa lamang ay nakilala siya bilang may kakayahang makipag-ayos at magsalita para sa kanyang mga tao. Ang kanyang pangalan, Sagwitch, ay nangangahulugang “tagapagsalita” at “mananalumpati.”
Nakipagpulong sina Sagwitch at iba pang mga lider ng mga Shoshone kay Brigham Young sa Lambak ng Great Salt Lake walong araw lamang matapos dumating ang mga Banal noong 1847, na siyang nagsimula ng isang maganda at matagalang ugnayan.2 Gayunman, ang pamayanan ng mga Banal sa Lambak ng Cache simula noong 1856 ay nagpasimula ng mga giringan habang kapwa ang mga Shoshone at ang mga bagong Europeo Amerikanong naninirahan ay nag-agawan para sa kanilang ikabubuhay sa marami sa magkakatulad na salat na mapagkukunan. Bilang pinuno at mananalumpati para sa kanyang mga tao, nakipagkasundo si Sagwitch ng mapayapang pakikipag-ayos sa mga Banal sa mga Huling Araw, at ang dalawang grupo ay nagtamasa ng maayos, kahit kung minsan ay mahirap, na ugnayan.
Hindi sang-ayon ang ilan sa paniniwala ni Sagwitch sa mapayapang pakikipamuhay, at naganap ang mga labanan sa buong rehiyon.3 Si kolonel Patrick Edward Connor ng Hukbo ng Estados Unidos, na nakaistasyon sa Kampo Douglas sa silangang bahagi ng Lunsod ng Salt Lake, ay nagpasya na ang isang pangontrang paglusob sa kampo ng mga Shoshone para sa taglamig malapit sa kasalukuyang Preston, Idaho, ay maaaring pumigil sa patuloy na pagsalakay at karahasan. Noong Enero 29, 1863, nagpadala siya ng isang gurpo ng mga sundalo upang simulan ang pakikipaglaban sa mga Shoshone. Ang pananambang, na kilala noon bilang Battle of Bear River, ay kalaunang nakilala bilang Bear River Massacre. Isa sa pinakamatinding kalupitan sa kasaysayan ng Kanlurang Estados Unidos, ang pag-atakeng ito ng mga kawal ng Hukbo ng Estados Unidos sa komunidad ni Sagwitch ay nag-iwan ng humigit-kumulang 400 patay na Shoshone na nasa wastong edad, mga bata, at mga sanggol. Nasugatan si Sagwitch subalit nakaligtas mula sa masaker, kasama ang kanyang tatlong anak na lalaki at isang anak na babae. Napaslang naman ang kanyang asawa at dalawang anak na lalaki sa iba niyang asawa.
Makalipas ang isang dekada, noong 1873, hinangad ni Sagwitch na maging kasapi ng Simbahan, at ang missionary na si George Washington Hill ay nagturo at nagbinyag ng 101 sa kanyang pangkat na Shoshone. Makalipas ang tatlong araw, naglakbay si Sagwitch patungong Lunsod ng Salt Lake, nakipagkita sa mga lider ng Simbahan, at inordena bilang elder. Kalaunan, noong 1875, si Sagwitch at kanyang asawa, si Beawoachee, at isa pang pares ng mag-asawang Shoshone ay nakipagkita kay Wilford Woodruff sa Endowment House sa Temple Square, tumanggap ng kanilang endowment, at naging unang mga American Indian na nabuklod ang kanilang kasal.4
Tinutulungan ng Simbahan si Sagwitch sa paglipat ng kanyang komunidad sa magkakaibang sakahan sa ilalim ng bagong susog ng United States Homestead Act. Kalaunan ay itinatag nina Sagwitch at iba pang mga Banal sa mga Huling Araw ang bayan ng Washakie, Utah, ginagawa sila bilang mga unang Indian na magmay-ari ng lupain sa ilalim ng susog. Nang malaman ni Sagwitch ang mga planong itayo ang Logan Utah Temple sa kalapit na Lambak ng Cache, itinaguyod niya ang pagsisikap at pinamunuan ang mga pangkat ng mga Shoshone na magtrabaho sa lugar. Nang matapos ang templo, sina Sagwitch at ang kanyang mga tao ay paminsan-minsang naglalakbay patungong Logan temple upang gawin ang mga ordenansa para sa mga yumaong miyembro ng pamilya, kabilang na ang mga napaslang sa Bear River Massacre noong 1863.
Pumanaw si Sagwitch noong 1887 at inilibing sa Washakie. Isa sa kanyang mga anak, si Pisappíh Tímpin-poo (kilala rin bilang si Frank Warner), ay marahil ang unang American Indian na naglingkod bilang missionary na nagtuturo sa mga tao. Isa pang anak, si Yeager, ay nagsalita sa pangkalahatang kumperensya noong 1926 gamit ang wikang Shoshone, ang unang mensahe ng kumperensya na ibinigay sa wikang hindi Ingles. Ang apo ni Sagwitch, si Moroni Timbimboo, ay ang unang American Indian na hinirang bilang bishop. Pinamunuan niya ang Washakie Ward mula 1939 hanggang 1945.
Mga Kaugnay na Paksa: Mga American Indian, Utah, Mga Pamayanan ng mga Pioneer