Kasaysayan ng Simbahan
Joseph F. Smith


“Joseph F. Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Joseph F. Smith”

Joseph F. Smith

Si Joseph F. Smith ay ang ikaanim na Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Si Joseph ay 5 taong gulang nang ang kanyang ama, si Hyrum Smith, ay pinaslang bilang martir at 13 nang ang kanyang ina, si Mary Fielding Smith, ay pumanaw. Sa edad na 15, naglingkod si Joseph F. Smith sa isang misyon sa Sandwich Islands (ngayon ay Hawaii), ang una sa ilang misyon na kanyang pinaglingkuran sa Hawaii at Britain. Noong 1866 inorden siya bilang Apostol at hinirang sa Unang Panguluhan bilang tagapayo kay Brigham Young; noong sumunod na taon ay saka lamang siya itinalaga bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.1 Pinakasalan ni Smith ang 5 asawa at nagkaroon ng 48 anak, 5 rito ay inampon. Ang mga miyembro ng kanyang pamilya ay malapit sa isa’t isa at sinusuportahan nila ang isa’t isa. Matapos maglingkod bilang tagapayo sa apat na Pangulo ng Simbahan, si Smith ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan noong 1901.

Joseph F. Smith

Larawan ni Joseph F. Smith.

Sa loob ng 17 taon na pinamunuan niya ang Simbahan, nagkaroon ng makabuluhang impluwensiya si Joseph F. Smith sa karanasan ng mga miyembro ng Simbahan sa kanilang mga ward o branch. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, ang mga pangunahing reporma sa organisasyon ng mga korum ng priesthood ay ipinakilala, kabilang ang paglalatag ng pamantayan para sa dalas ng mga pulong at mga materyal ng kurikulum, pagtatakda ng mga edad ng ordenasyon sa iba’t ibang katungkulan sa priesthood, at pagbibigay-diin sa mga daluyan ng awtoridad ng priesthood.2

Sa loob ng mga taon noong siya ay Pangulo ng Simbahan, nagtrabaho rin si Smith upang mapaganda ang ugnayan sa pagitan ng Simbahan at ng pangkalahatang publiko. Noong 1904 humarap siya sa Kongreso ng Estados Unidos bilang bahagi ng mga pagdinig kung iluluklok o hindi si Reed Smoot, isang Apostol na nahalal sa Senado.3 Habang patuloy niyang pinagsisikapan na makipag-ugnayan sa pangkalahatang publiko, sa huli ay nasaksihan ni Smith ang malaking pagbaba sa pagkapoot sa Simbahan.

Inilunsad ni Smith ang family home evening (ngayon ay tinatawag na home evening) at mga programa ng seminary at tumulong sa Simbahan na magtatag ng presensya sa mga makasaysayang lugar nito sa silangang Estados Unidos. Noong 1918 tumanggap si Smith ng isang pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu, na kalaunang idinagdag sa mga banal na kasulatan bilang Doktrina at mga Tipan 138.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni Joseph F. Smith, tingnan ang mga video sa Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org at sa Gospel Library app.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan.

  2. Tingnan sa Paksa: Mga Pagbabago sa Organisasyon ng Priesthood.

  3. Maraming Amerikano noong panahong iyon, na naghihinala na lihim na ipinagpapatuloy ng mga lider ng Simbahan na hikayatin ang ilegal na pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa, ay duda kung ang isang Apostol ng mga Banal sa mga Huling Araw ay karapat-dapat na maging isang senador. Nangatwiran sila na magiging mas tapat ito sa Simbahan kaysa sa kanyang tungkulin na itaguyod ang mga batas ng Estados Unidos. Tingnan sa “The Manifesto and the End of Plural Marriage,” Gospel Topics Essays, topics.ChurchofJesusChrist.org.