Kasaysayan ng Simbahan
Paglilitis kay Reed Smoot


“Paglilitis kay Reed Smoot,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Paglilitis kay Reed Smoot”

Paglilitis kay Reed Smoot

Inihalal si Reed Smoot sa Senado ng Estados Unidos noong 1903 habang naglilingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang mga protesta laban sa pagkakahalal kay Smoot ng mga Amerikanong naghihinala pa rin tungkol sa kaugalian ng Simbahan ng pag-aasawa nang higit sa isa ay naghikayat ng sunud-sunod na paglilitis sa loob ng apat na taon upang malaman kung dapat bang manatili si Smoot sa katungkulan o hindi. Ang mga pagdinig ay lumikha ng malawakang debate tungkol sa mga paniniwala, kaugalian, at mga gawain sa Simbahan na alam lamang ng mga kasapi nito na pinatotohanan nang mahigit isandaang saksi sa harapan ng Senado tungkol sa halos “lahat ng kakaiba” sa buhay panrelihiyon ni Smoot.1

Noong 1895 naglabas ang Unang Panguluhan ng isang “Pahayag sa Pulitika” kung saan kailangan munang magbigay ng pahintulot ang Unang Panguluhan bago makatakbo sa pulitika ng mga General Authority.2 Noong 1902 ay unang tumanggap ng pahintulot si Smoot mula sa Unang Panguluhan na kumandidato para sa Senado ng Estados Unidos at nahalal ng lehislatura ng estado ng Utah noong sumunod na taon.3 Ang Salt Lake Ministerial Association at ilang simbahang Protestante at mga grupo ng moral na reporma ay nagpetisyon sa pangulo at Kongreso ng Estados Unidos upang ipagkaila kay Smoot ang kanyang posisyon sa Senado. Sinabi sa mga protesta na bagama’t ipinahayag ni Pangulong Wilford Woodruff ang pagwawakas ng suporta ng Simbahan para sa maramihang pag-aasawa, ipinagpatuloy ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawa at ng iba pang mga lider ng Simbahan ang gawaing ito at sa gayon ay nagkasala si Smoot ng paglabag sa batas laban sa poligamya.4

Noong una, ang mga protesta ay binansagan si Smoot bilang isang polygamist, na hindi niya ginawa. Ngunit mabilis itong napalitan ng mga paratang na walang sapat na katapatan si Smoot sa bansa dahil sa kanyang katayuan bilang Apostol sa Simbahan. Bagama’t legal na pinagtibay ng lehislatura ng Utah ang halalan at ipinagkaloob kay Smoot ang kanyang posisyon, nagpasya ang Komite ng Senado sa mga Pribilehiyo at Halalan na magsagawa ng mga pampublikong paglilitis, na nagsimula noong Pebrero 1904.5 Ilan sa mga senador, kabilang na si Julius Caesar Burrows, ang pinuno ng komite, ay nagsaad ng kanilang hangarin na gamitin ang sandaling ito sa pulitika upang isailalim hindi si Smoot, kundi ang Simbahan, sa paglilitis.6

Sa mga pagdinig, narinig ng komite ang maraming saksi, kabilang na ang ilang kilalang lider ng Simbahan. Kabilang sa mga ito ang ilang miyembro ng Korum ng Labindalawa at ang Pangulo ng Simbahan na si Joseph F. Smith. Sa loob ng tatlong araw, tinanong ng mga miyembro ng komite si Pangulong Smith tungkol sa isyu ng paghihiwalay sa pagitan ng simbahan at estado. Tinanong nila siya kung mapapagkatiwalaan ba ang mga Banal sa mga Huling Araw na kanilang susundin ang batas anuman ang magiging paghahayag. Maraming pahayagan ang naglathala ng mga pinalaking kuwento mula sa pag-uusap. Inilarawan nila ang pinuno ng komite na si Julius Caesar Burrows bilang isang mahigpit na tagapagsiyasat na nakatutok sa pagtitiyak na “sinusunod ng mga lider ng Simbahan ang batas” at si Pangulong Smith bilang isang poligamista na nagtatangkang supilin ang pamahalaan.7 Tiniyak ni Pangulong Smith sa komite na inatasan niya ang mga Banal sa mga Huling Araw na igalang ang batas at muling binigyang-diin ang kanyang paniniwala sa personal na karapatan sa kalayaan ng relihiyon. Nangako rin siyang magbibigay ng pahayag sa publiko upang linawin ang posisyon ng Simbahan ukol sa pag-aasawa nang marami. Nang sumunod na buwan sa pangkalahatang kumperensya, nagpalabas siya ng “Pangalawang Pahayag,” na nagsasaad na sinumang opisyal o miyembro ng Simbahan na magbabasbas o magsasagawa ng pag-aasawa nang higit sa isa ay ititiwalag.8

Sa kabila ng pagiging sentro ng napakahirap na debateng ito sa publiko, nanatili si Smoot sa kanyang puwesto sa pamamagitan ng boto ng buong Senado noong 1907 at naglingkod sa loob ng 26 na taon.9 Sa kanyang propesyon sa pulitika, inorganisa niya ang mga diplomatikong pulong sa pagitan ng mga lider ng Simbahan at ng mga opisyal ng pamahalaan ng Estados Unidos at Europa. Ang kanyang gawain bilang apostol at pulitiko ay nagpabuti sa imahe ng Simbahan sa iba’t ibang bansa, lalo na sa pagkuha ng visa para sa mga Amerikanong misyonero na maglilingkod sa ibang bansa matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig. Bagama’t hindi nagtagumpay ang mga paglilitis na ipagkait kay Smoot ang paglilingkod sa Senado, nagawa nitong hubugin ang ugnayan sa pagitan ng Simbahan at ng pamahalaan ng Estados Unidos. Sinimulang baguhin ng Simbahan ang paglahok nito sa pulitika habang ang pamahalaan naman ay umiwas na magsagawa ng mga pagsusuri sa relihiyon sa mga pulitikong Banal sa mga Huling Araw.10

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika, Batas Laban sa Poligamya, Pahayag, Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika

Mga Tala

  1. Kathleen Flake, The Politics of American Religious Identity: The Seating of Senator Reed Smoot, Mormon Apostle (Chapel Hill: University of North Carolina Press, 2004), 2–13. Tingnan din sa Paksa: Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika.

  2. Tingnan sa Paksa: Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika.

  3. Ang mga senador sa Utah ay hindi naihahalal sa pamamagitan ng boto ng mga mamamayan noong panahong iyon kundi sa pamamagitan ng lehislatura ng estado.

  4. Flake, Politics of American Religious Identity, 13. Tingnan din sa Mga Paksa: Batas Laban sa Poligamya, Pahayag.

  5. Flake, Politics of American Religious Identity, 22, 34–35.

  6. Harvard S. Heath, “The Reed Smoot Hearings: A Quest for Legitimacy,” Journal of Mormon History, tomo 33, blg. 2 (Tag-init 2007), 25–26.

  7. Flake, Politics of American Religious Identity, 63.

  8. Michael H. Paulos, “Under the Gun at the Smoot Hearings: Joseph F. Smith’s Testimony,” Journal of Mormon History, tomo 34, blg. 4 (2008), 181–225; tingnan din sa “The Manifesto and the End of Plural Marriage,” Gospel Topics Essays, https://www.ChurchofJesusChrist.org/study/manual/gospel-topics-essays/the-manifesto-and-the-end-of-plural-marriage.

  9. Flake, Politics of American Religious Identity, 145, 176.

  10. Flake, Politics of American Religious Identity, 158, 172–76.