“Lorenzo Snow,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Lorenzo Snow”
Lorenzo Snow
Si Lorenzo Snow ay ang ikalimang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong 1836 ay tinanggap niya ang paanyaya mula sa kanyang kapatid, si Eliza R. Snow, na pumunta sa Kirtland upang mag-aral ng Hebreo kasama ang mga Banal sa mga Huling Araw, at hindi nagtagal ay sumapi siya sa Simbahan. Siya ay inorden bilang Apostol noong 1849. Si Snow ay isang magaling na missionary, nangangaral at nagsubaybay sa gawaing misyonero sa Estados Unidos, Britain, Italy, Malta, Palestine, at Hawaii. Tinanggap niya ang maramihang pag-aasawa sa Nauvoo, at sa Utah ay ibinilanggo siya sa loob ng 11 buwan sa pagtutol sa mga batas laban sa poligamya na pinagtibay ng Kongreso ng Estados Unidos. Pinakasalan ni Snow ang siyam na babae at naging ama ng 42 anak.
Sinang-ayunan si Lorenzo Snow bilang Pangulo ng Simbahan noong 1898. Sa tatlong taon na kanyang paninilbihan bilang Pangulo, ang Simbahan ay patuloy na nahihirapan sa mga problema sa pananalapi na nagbunga, sa ilang bahagi, mula sa kampanya ng pamahalaan ng Estados Unidos laban sa poligamya noong dekada ng 1880. Binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Pangulong Snow na hikayatin ang mga miyembro ng Simbahan na muling mangakong ipamuhay ang batas ng ikapu upang mapatatag ang pananalapi ng Simbahan at mabayaran ang mga utang nito. Pumanaw si Snow noong Oktubre 1901, ilang araw lamang matapos ang kanyang huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya.
Paghalili matapos ang pagkamatay ni Wilford Woodruff
Ang kamatayan ni Pangulong Wilford Woodruff noong 1898 ay nagbigay-buhay sa katanungan kung gaano katagal dapat maghintay ang Korum ng Labindalawa bago muling organisahin ang Unang Panguluhan. Naghintay ang mga naunang lider sa pagitan ng 18 buwan at tatlong taon. Ipinahayag ni Woodruff ang kanyang pag-asa na ang Korum ng Labindalawa ay muling mag-oorganisa ng Panguluhan kaagad matapos ang kanyang kamatayan upang maiwasan ang mga debate sa mga lider ng Simbahan na naging kaakibat ng mga dating pagkaantala.1 Noong Setyembre 13, 1898, ilang araw lamang matapos ang libing ni Woodruff, ang 14 na buhay na mga Apostol ay nagpulong sa Salt Lake Temple. Ang layunin ng pulong ay humanap ng paraan upang matustusan ang mga utang ng Simbahan, at alam ng mga Apostol na upang magawa ito ay kailangan nilang pangalanan ang bagong trustee na papalit kay Woodruff. Ginunita ni Elder Francis Lyman ang payo ni Pangulong Woodruff at iminungkahi sa Konseho na hindi lamang pangalanan ang trustee kundi sang-ayunan din si Snow bilang Pangulo ng Simbahan. Inihain ni Joseph F. Smith ang tanong para sa boto, at sinang-ayunan ng mga Apostol nang buong pagkakaisa si Snow.
Pagkatapos ng boto, ibinahagi ni Pangulong Snow ang isang sagradong karanasan niya sa Salt Lake Temple. Ilang araw bago iyon, nagtungo siya sa templo, nabibigatan sa ideya ng pamumuno sa Simbahan. Nanalangin siya sa altar upang malaman ang kaloob ng Panginoon tungkol sa usapin ng pag-oorganisa ng Panguluhan at pagpapangalan ng mga tagapayo. Nagpatotoo siya sa kanyang mga kapatid na “sinagot ang kanyang panalangin, ipinapaalam sa kanya ng Panginoon nang malinaw kung ano ang dapat niyang gawin.” Sinabi niya sa mga nagtipong Apostol na itinago niya ang karanasang ito sa kanyang sarili noong una upang tingnan kung “ang espiritu ring iyon na ipinakita ng Panginoon sa akin ay nasa inyo.” Siya ay nagpapasalamat na nagkakaisa ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa. “Ayon sa liwanag na ibinigay sa akin,” dagdag pa niya, “inilalahad ko ngayon sa inyo ang pangalan ni George Q. Cannon bilang aking unang tagapayo, at ni Joseph F. Smith bilang aking pangalawang tagapayo.”2
Makalipas ang tatlumpu’t limang taon, ang anak ni Snow na si LeRoi ay naglathala ng isang artikulo tungkol sa mga kaganapang ito sa Improvement Era.3 Ang salaysay ni LeRoi ay batay sa ulat ng apo ni Pangulong Snow na si Allie Pond. Ginunita ni Pond na sinabi sa kanya ng kanyang lolo na si Jesucristo ay nagpakita rito sa templo nang gabing iyon matapos ang panalangin nito. Walang iniwang tala mismo si Pangulong Snow tungkol sa kahanga-hangang pangitaing ito.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga pangyayari at mga tema sa buhay ni Lorenzo Snow, tingnan ang mga video sa Prophets of the Restoration at history.ChurchofJesusChrist.org.
Mga Kaugnay na Paksa: Eliza R. Snow, Italy, Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan