“Pagkaalipin ng mga Indian at Napagkasunduang Paninilbihan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pagkaalipin ng mga Indian at Napagkasunduang Paninilbihan”
Pagkaalipin ng mga Indian at Napagkasunduang Paninilbihan
Sa loob ng maraming taon bago dumating ang mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw sa Lambak ng Salt Lake noong 1847, ikinakalakal ng mga American Indian ang mga babae at bata na nadadakip mula sa mga kalabang grupo. Ang mga puting Amerikano at negosyanteng Europeo rin ay kumukuha at nagbebenta ng mga bihag na American Indian bilang mga alipin o napagkasunduang tagapaglingkod, na bumuo ng isang kalakalan ng mga alipin sa Kanluran.1 Sa loob ng ilang linggo pagdating sa lambak, nakatagpo ng mga Banal ang mga tribu ng mga Indian na dumakip sa mga bata mula sa iba pang mga grupo. Ilan sa mga Banal ay bumili ng mga batang Indian mula sa mga mangangalakal ng alipin na ito, sa ilang pagkakataon matapos makita ang mga negosyante na pumatay o labis na pinapahirapan ang mga yaong hindi binili ng mga Banal sa mga Huling Araw.2 Inampon at sinubukan ng mga pamilyang pioneer na isama ang mga batang ito sa komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa kabila ng mga pagkakaiba sa kultura at lahi. Ang ilan ay nagsamantala at nagmaltrato ng mga batang Indian na ito.
Noong Marso 1852, ipinasa ng lehislatura ng Teritoryo ng Utah ang “An Act for the Relief of Indian Slaves and Prisoners,” isang batas na nangasiwa sa pagkuha at pag-aalaga sa mga batang Indian. Ang mga bata ay maaaring ipagkasundo bilang mga lingkod ng sambahayan nang hanggang 20 taon, ngunit ang mga yaong nagkamit ng mga lingkod ay kinakailangang magproseso ng kasunduan sa paninilbihan sa mga opisyal ng county, damitan ang mga bata “sa isang komportable at maayos na lagay” at magbigay sa kanila ng edukasyon.3 Itinuring ni Brigham Young ang batas bilang positibong panggagambala sa kalakalan ng aliping Indian; sa halip na bumili ng mga bihag bilang alipin, naniwala si Young na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay “binibili ang mga ito patungo sa kanilang kalayaan.”4
Ang mahigit 400 batang Indian mula sa mga tribung Ute, Paiute, Goshute, Shoshone, at Navajo ay dinala sa mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang ipinagkasundong lingkod o ampon sa pagitan ng pagpapasa ng batas ng 1852 at sa unang bahagi ng dekada ng 1880.5 Mga 60 porsiyento ay nabili sa pamamagitan ng kalakalan sa mga mananalakay. Ang ilan ay naulila sa mga marahas na alitan sa pagitan ng mga Indian at mga Banal sa mga Huling Araw o ibang Europeong Amerikano. Halos 20 porsiyento ay ipinagbili o ibinigay sa mga pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw ng mga magulang o mga kamag-anak, na ginawa higit sa lahat dahil sa pangangailangang pangkabuhayan at sa pag-asa sa kapakanan ng mga bata. Nang lumaki sa hustong gulang ang mga ipinagkasundong bata, marami ang nahirapang gunitain ang mga pamilyang kanilang pinagmulan, samantalang ang iba ay bumalik sa mga komunidad ng mga Indian bilang tinedyer o sa unang bahagi ng kanilang pagiging adult. Ang iba ay nanatili sa komunidad ng mga puti, bagama’t madalas nilang madama na isinasantabi sila. Ang iba pa ay naging mga missionary at lider ng Simbahan bilang mga adult.6
Sa nalalapit na pagwawakas ng Digmaang Sibil sa Amerika, ipinasa ng Kongreso ng Estados Unidos ang Ikalabing-tatlong Susog sa Saligang Batas, na ginawang ilegal ang pang-aalipin at sapilitang paninilbihan. Sa kanlurang Estados Unidos, ang pagsasagawa ng napagkasunduang paninilbihan ay nagpatuloy, ngunit ang mga bagong pederal na batas ay nagbawas ng bilang ng mga bagong kasunduan. Habang ipinapatupad ng pamahalaan ang mga batas na ito at patuloy na ikinukulong ang mga bansang Indian sa mga reserbasyon, ang sistemang napagkasunduang paninilbihan ng Utah ay nabawasan at sa huling bahagi ng dekada ng 1870 ay halos nagwakas na.7