Kasaysayan ng Simbahan
Unang Digmaang Pandaigdig


Unang Digmaang Pandaigdig

Noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, ang mga kapangyarihang imperyal sa Europa, Gitnang Silangan, Asya, at Hilagang Amerika ay pinalawak ang kanilang industriya, militar, at pagkamkam sa mga teritoryo sa maraming bahagi ng mundo. Sa pagitan ng 1877 at 1913, ang mga Imperyong Austro-Hungarian, Ruso, at Ottoman ay pinagtalunan ang pagkontrol sa halos lahat ng Tangway ng Balka. Ang iba pang mga bansa sa Europa ay bumuo ng mga depensibong alyansa upang magprotekta laban sa paglawak ng mga imperyong ito at gumamit ng napakaraming mapagkukunan upang paigtingin ang lakas ng kanilang militar.1 Habang nililibot nina Archduke Franz Ferdinand ng Austria ang Balkan duchy ng Bosnia at Herzegovina noong Hunyo 1914, ang kanyang parada ay sinalakay ng mga mamamatay-tao na naghahangad ng malayang Yugoslavia.2 Ang pagkamatay ni Ferdinand at ng kanyang asawang si Sophie ay humantong sa magkakasunod na ultimatum sa pagitan ng mga estado sa Europa at sa pagbuo ng dalawang magkaibang alyansa, ang Triple Alliance (na kalaunang nakilala bilang “Central Powers”) at ang Triple Ente (kilala rin bilang “Allied Powers”).3 Noong ika-28 ng Hulyo, nagdeklara ang Austria-Hungary ng digmaan laban sa Serbia, na nag-uudyok sa mga magkaka-alyadong militar na kumilos bilang paghahanda para sa digmaan. Nang tumanggi ang Russia at France sa mga hinihingi ng pamahalaan ng Germany na itigil ang mga hakbangin ng militar, nagdeklara ng digmaan ang Germany laban sa dalawang bansa.4 Sa loob ng ilang buwan, halos lahat ng estado sa Europa ay kasali sa digmaan. Ang digmaan ay kumuha ng mga puwersa mula sa bawat kontinenteng may naninirahan at umabot sa limang malalaking lugar ng sagupaan sa Silangan at Kanlurang Europa, Africa, Gitnang Silangan, at Italya.5 Pagkaraan ng apat na taon ng labanan at sa pagitan ng Setyembre at Nobyembre 1918, isinumite ng mga miyembrong bansa ng Central Powers ang isang tigil-putukan sa alyansang Entente, na nagwakas sa digmaan.6

Karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw noong panahong iyon ay nakatira sa kanlurang Estados Unidos, ngunit marami sa Britain, Canada, at Germany ay tiniis ang pinakamatitinding paghihirap dulot ng labanan. Bukod pa rito, ang hidwaan ay kumatawan sa unang pagkakataon kung saan ang malaking bilang ng Banal sa mga Huling Araw ay natagpuan ang kanilang mga sarili sa magkabilang panig ng digmaan. Nagsumamo ang Pangulo ng Simbahan na si Joseph F. Smith sa mga Banal sa mga Huling Araw na manatiling nagkakaisa kapag nahaharap sa mga kaguluhan sa ibang bansa. Itinuring niya ang pagputok ng digmaan bilang kasalanan ng mga agresibong lider ng pamahalaan, hindi ng mga sibilyan na napilitang makipaglabanan.7 Sa kahilingan ni Pangulong Smith, si Charles W. Penrose, isang tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nag-alay ng panalangin para sa kapayapaan sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1914.8

Habang dumarami ang mga tunggalian, pinalikas ng European Mission ang halos lahat ng banyagang misyonero nito at nagpahayag ang Unang Panguluhan ng paghinto sa pagpapadala ng mga misyonero sa ibang bansa hanggang sa matapos ang digmaan.9 Nang nagpalista ang mga kabataang lalaki sa serbisyo-militar, ang kababaihan ay bumubuo ng mahigit 40 porsiyento ng lahat ng misyonero na Banal sa mga Huling Araw, ang pinakamataas na porsiyento simula noong 1898, nang unang italaga ang kababaihan bilang mga full-time missionary.10

Iba-iba ang mga kahilingan sa pagpapalista sa militar, ayon sa bansang pinagmulan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Inatasan ng Germany ang lahat ng lalaki sa pagitan ng 17 hanggang 50 taong gulang na maglingkod sa militar, dahil dito ay napilitan ang ilang Aleman na misyonero na sumama sa digmaan.11 Sa Britain, kung saan halos 6,000 miyembro ng Simbahan ang nakatira, mahigit isang milyong kalalakihan ang tumugon sa paghirang ng mga boluntaryong sundalo sa loob ng ilang buwan mula nang nagsimula ang digmaan. Sa ilang branch, higit sa kalahati ng kalalakihan ang sumabak sa digmaan.12 Sa Canada, ang magiging Apostol na si Hugh B. Brown ay nagsanay bilang opisyal at nagyaya ng mga Banal sa mga Huling Araw na sumama sa mga yunit ng milisya ng lalawigan na ipinadala sa France.13 Karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw na sundalo ay kasapi sa Estados Unidos, lalo na sa Utah. Nang sumali ang Estados Unidos sa digmaan, 5,000 sundalong nagpalista mula sa Utah ang umalis patungong France, karamihan ay mula sa mga komunidad ng mga Italyano at Griyego na nandayuhan sa halip na mula sa mga ward at stake ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa pagtatapos ng digmaan, mas maraming kalalakihang Banal sa mga Huling Araw ang nagpalista kaysa noon, kung saan mahigit limang porsiyento ng populasyon ng Utah ang naglilingkod sa militar.14

Sinuportahan ng Simbahan ang pagsisikap sa digmaan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga organisasyon tulad ng Red Cross, Boy Scouts of America, at mga programa ng pamahalaan ng Estados Unidos. Ang Relief Society ay nangalap ng mga donasyon ng malalaking takal ng trigo at mga delatang pagkain na nagbigay ng mahigit 16 na toneladang suplay ng pakain sa United States Food Administration. Nag-ambag ang Simbahan ng mga kagamitan sa panggagamot sa Red Cross na nagbigay ng mahigit 250 milyong benda sa mga lokal at ospital ng militar.15 Ang mga Young Women at Young Men Mutual Improvement Association ay nagsulong ng War Savings Stamps na tumulong sa pamahalaan na kumalap ng pondo. Namahagi ang mga Boy Scout ng mahigit 30 milyong piraso ng literatura na sumusuporta sa digmaan, nangalap ng mga government bond, at naghalaman sa daan-daang di-ginagamit na bukirin upang makapagpatubo ng sobrang pagkain.16 Sa Britain, nag-organisa ang kababaihan ng mga komite para sa pagtulong upang mangolekta at maghatid ng mga damit at aklat para sa mga sundalo, binisita ang sugatan sa mga ospital ng militar, at nagbenta ng mga gulay at prutas upang suportahan ang mga sundalong nakikibaka.17 Ang napakataas na bilang ng mga nasawi—sa pagitan ng 9 at 10 milyong patay at iba pang 20 hanggang 21 milyong nasugatan—at ang labanan na kinasangkutan na ng maraming bansa sa daigdig ay naghikayat sa maraming Banal na tutulan ang pakikibahagi sa digmaan at, sa ilang pagkakataon, hindian ang pagpapalista sa militar na tinututulan ang utos ng hukuman na tumangging magpalista sa militar bilang mga conscientious objector sa hukuman (mga tumutulol sa utos na sumali sa militar batay sa idinidikta ng kanilang konsensya).18

mga sugatang sundalo na nasa ospital

Ospital ng mga sugatang sundalo noong Unang Digmaang Pandaigdig.

Ang hindi palagiang pag-iingat ng talaan sa iba’t ibang hukbong sandatahan ng digmaan ay humahadlang sa pagkuwenta ng eksaktong bilang ng mga nasawing Banal sa mga Huling Araw na sundalo at sibilyan; tinataya na ang kabuuang bilang ng mga kawal na Banal sa mga Huling Araw na namatay ay nasa pagitan ng 600 at 700. Ang katayuan sa pandarayuhan ng maraming sundalong Banal sa mga Huling Araw ay mas nagpakumplika kung paano nila naranasan ang labanan.19 Para sa mga Banal sa mga Huling Araw sa maraming bahagi ng mundo, pinatindi ng digmaan ang diwa ng nasyonalismo. Sa buong Europa at Hilagang Amerika, ang mga Banal sa mga Huling Araw na nagbigay ng salaysay tungkol sa pag-uusig ng pamahalaan ay nagsimulang magpahayag ng katapatan sa kanilang sariling bansa.20 Sa ilang komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang pagiging makabayan ay nagdulot ng alitan sa pagitan ng mga miyembro na may iba’t ibang pinagmulan, at pinayuhan ni Pangulong Joseph F. Smith ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw na tanggapin sa kanilang mga komunidad ang lahat anuman ang kanilang nasyonalidad at itaguyod ang mga nandarayuhan “sa pinakadalisay na kabaitan.”21 Nang muling nagbukas sa gawaing misyonero ang mga lugar sa Europa matapos ang digmaan, nasaksihan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang di-inaasahang pagdami ng mga miyembro sa mga dating lugar ng labanan, na nagpalawak sa pandaigdigang sakop ng Simbahan nang higit pa sa mga hangganan nito noong ika-19 na siglo.

Mga Kaugnay na Paksa: Ikalawang Digmaang Pandaigdig, Joseph F. Smith, Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika, Pandemya ng Trangkaso ng 1918

  1. Samuel R. Williamson Jr., “The Origins of the War,” sa Hew Strachan, pat., The Oxford Illustrated History of the First World War, bagong ed. (Oxford: Oxford University Press, 2014), 11–17.

  2. Hew Strachan, To Arms, tomo 1 ng The First World War (Oxford: Oxford University Press, 2001), 65.

  3. Strachan, To Arms, 69–102; Richard F. Hamilton at Holger H. Herwig, mga pat., The Origins of World War I (Cambridge: Cambridge University Press, 2003), 17–22; Hew Strachan, The First World War (New York: Viking Penguin, 2004), 7, 13, 35–41. Matapos ang digmaan ay nakilala ang mga alyansang ito bilang “Central Powers” at “Allied Powers,” ayon sa pagkakabanggit. Ang mga pangunahing bansa na bumubuo ng Triple Alliance/Central Powers noong 1914 ay ang Germany, Austria-Hungary, Italy, at Romania; ang mga bumubuo ng Triple Entente/Allied Powers ay ang France, Russia, at Britain; tingnan sa Williamson Jr., “Origins of the War,” 13; James Perry, “British Latter-day Saints in the Great War, 1914–1918,” Journal of Mormon History, tomo 44, blg. 3 (Hulyo 2018), 71–72; Tammy M. Proctor, “The Great War and the Making of a Modern World,” Utah Historical Quarterly, tomo 86, blg. 3 (Tag-init 2018), 193–94.

  4. Gordon Martel, Origins of the First World War, ika-4 na ed. (London: Routledge, 2017), 5–6.

  5. Strachan, The First World War, 48–51, 67–69; Proctor, “The Great War,” 194. Tingnan din sa Michael S. Neiberg, Fighting the Great War: A Global History (Cambridge, Massachusetts: Harvard University Press, 2005) para sa salaysay ng mga kasaysayan ng bawat labanan ng digmaan.

  6. Strachan, The First World War, 323–27.

  7. James I. Mangum III, “The Influence of the First World War on the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints” (master’s thesis, Brigham Young University, 2007), 108.

  8. Patrick Q. Mason, “‘When I Think of War I Am Sick at Heart’: Latter Day Saint Nonparticipation in World War I,” Journal of Mormon History, tomo 45, blg. 2 (Abr. 2019), 4.

  9. Mangum, “Influence of the First World War,” 78–83.

  10. “The Experience of Married Women Missionaries,” Pioneer Magazine, tomo 63, blg. 1 (Tagsibol 2016), 29.

  11. Mangum, “Influence of the First World War,” 105–6.

  12. Perry, “British Latter-day Saints in the Great War,” 73–75.

  13. Mangum, “Influence of the First World War,” 37–42.

  14. Helen Z. Papanikolas, “Immigrants, Minorities, and the Great War,” Utah Historical Quarterly, tomo 58, blg. 4 (Taglagas 1990), 367–68; Kenneth L. Alford, “Joseph F. Smith and the First World War: Eventual Support and Latter-day Saint Chaplains,” sa Craig K. Manscill, Brian D. Reeves, Guy L. Dorius, at J. B. Haws, mga pat., Joseph F. Smith: Reflections on the Man and His Times (Provo: Religious Studies Center, 2013), 434–55.

  15. Alford, “Joseph F. Smith,” 434–55.

  16. Mangum, “Influence of the First World War,” 160–67.

  17. Perry, “British Latter-day Saints in the Great War,” 80–82.

  18. Antoine Prost, “War Losses,” sa 1914–1918 Online: International Encyclopedia of the First World War, https://encyclopedia.1914-1918-online.net/article/war_losses; Perry, “British Latter-day Saints in the Great War,” 76–77; Mason, “Latter Day Saint Nonparticipation,” 5–18.

  19. Mangum, “Influence of the First World War,” 95; Papanikolas, “Immigrants,” 370.

  20. Ethan R. Yorgason, Transformation of the Mormon Culture Region (Urbana: University of Illinois Press, 2003), 167–68.

  21. Papanikolas, “Immigrants,” 368–70; Proctor, “The Great War,” 198–200; Joseph F. Smith, Remarks, Apr. 6, 1917, sa Conference Report, Apr. 1917, 11–12.