Kasaysayan ng Simbahan
Ang Pagtitipon ng Israel


“Ang Pagtitipon ng Israel,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Ang Pagtitipon ng Israel

Ang Pagtitipon ng Israel

Tiniyak ng mga propesiya sa Lumang Tipan sa mga anak ni Israel na, bagamat sila ay ikakalat sa mga bansa, sila rin ay muling titipunin balang-araw.1 Ang bagong naisaling Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag ng Panginoon kay Joseph Smith ay nagturo sa mga naunang Banal sa mga Huling Araw na sila ay nabubuhay sa panahon kung kailan magsisimula ang ipinangakong pagtitipon. Ang pagtitipong ito ay magaganap habang sila ay nangangaral sa buong mundo, inihahatid ang ebanghelyo sa mga nagkalat na inapo ni Israel at sa lahat ng nagnanais na magpaampon sa mga pamilya sa tipan. Kasabay nito, ang mga Banal ay magtatayo ng “lunsod ng Sion” kung saan ang mga nabinyagan ay maaaring magtipon bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.2

Sa loob ng ilang buwan ng pagkakatatag ng Simbahan noong 1830, ang mga paghahayag kay Joseph Smith ay nagtagubilin sa mga bagong binyag na miyembro na lisanin ang kanilang mga tahanan at magtipon “sa isang lugar sa ibabaw ng lupaing ito.”3 Itinalaga ng mga karagdagang paghahayag ang Ohio bilang unang lugar na pagtitipunan.4 Habang nagsisitungo sa Kirtland, Ohio, ang mga mananampalataya, tinukoy ng paghahayag kay Joseph Smith ang isang lugar malapit sa Independence sa Jackson County, Missouri, bilang lugar kung saan sisimulang itayo ang lunsod ng Sion.5 Pinaalis ang mga Banal mula sa county noong 1833, na humadlang sa kanilang maitayo ang ipinangakong lunsod, subalit patuloy silang nagtayo ng mga pamayanan sa mga nakapalibot na county kung saan maaaring magtipon ang mga nabinyagan.

Lalong bumilis ang pagtitipon noong Abril 1836 nang ang propeta ng Lumang Tipan na si Moises ay nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple at ibinigay sa kanila “ang mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo, at ang pangunguna sa sampung lipi mula sa hilagang lupain.”6 Hindi naglaon, sina Apostol Heber C. Kimball at Orson Hyde ay hinirang na magtungo sa England, at itinatag ang unang mission ng Simbahan sa ibayong dagat.7 Libu-libong mga bininyagan ang nagsimulang magtipon sa mga stake ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Ohio, Missouri, at kalaunan, sa Illinois. Sa Nauvoo, Illinois, nagtatag ang mga Banal ng isang malaking stake at nagsimulang magtayo ng bagong templo. Itinuro ni Joseph Smith na sa isang banda, “ang buong Amerika ay Sion,” at ang mga Banal ay maaaring magtipon kahit saan hanggang mayroong isang templo.8 Ipinaliwanag niya na ang “pangunahing layunin” ng pagtitipon ay “magtayo sa Panginoon ng bahay kung saan Niya ihahayag sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian at ituro sa mga tao ang paraan ng kaligtasan.”9

Matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith, dumayo ang mga Banal sa Kanlurang Amerika, kung saan patuloy nilang itinatag ang mga stake ng Sion at nagtayo ng mga templo. Noong 1848 hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembro sa Europa na “mandayuhan sa lalong madaling panahon” sa Great Basin.10 Ang mga bagong miyembro sa ibayong dagat—lalo na sa mga nasa Great Britain at Scandinavia—ay sabik na sumunod sa tagubilin ng mga lider ng Simbahan, kung kaya humarap ang mga pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga pagsubok na suportahan at isama sa ekonomiya ng lugar ang malaking bilang ng mga dayo.11 Sa mga mission, ang palagiang paglipat ng mga nabinyagan mula sa mga lokal na branch patungo sa mga stake sa Utah ay mas nagpahirap sa mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo. Noong 1887, binuwag ng batas ng Estados Unidos na laban sa poligamya ang Perpetual Emigrating Fund ng Simbahan, na siyang naglimita sa kakayahan ng Simbahan na tumulong sa pandarayuhan sa paraang nakagawian nito mula pa noong 1849.12

Noong dekada ng 1890 ay sinimulan ng mga lider ng Simbahan na hikayatin ang mga bagong miyembro na manatili sa kanilang mga sariling bayan. Noong 1894, halimbawa, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasiya na ang mga miyembro na malayo sa Utah “ay hindi dapat hinihikayat na mandayuhan hanggang sila ay malalim na nakasalig sa relihiyon sa pamamagitan ng paggawa at karanasan” at ang mga yaong may higit sa sapat na pananalapi ay “hindi dapat hinihikayat upang mandayuhan sa lugar na ito, kung saan ang trabaho ay salat na salat.”13 Subalit ang naunang utos na magtipon sa Sion ay patuloy na humihikayat sa ilang mga miyembro, at nadama ng mga lider na hindi nila magagawang magkaroon ng mabuting pakiramdam sa pagpigil sa mga miyembro na mandayuhan kung nais ng mga ito at may sapat silang pananalapi para gawin ito. Ang tanggapan ng Liverpool mission ay patuloy na naglingkod bilang isang ahensiya ng pandarayuhan hanggang sa ang punong tanggapan ng British Mission ay inilipat sa London noong 1933, bagamat patuloy na nabawasan ang pandarayuhan.14

Noong 1952 naglakbay si President David O. McKay patungong Europa upang pumili ng mga lugar para sa mga templo sa England at Switzerland. Habang naroon, sinabi niya sa isang mamamahayag, “Layon nating panatilihin dito ang ating mga miyembro ng Simbahan sa halip na hikayatin silang mandayuhan sa Utah at iba pang lugar sa Estados Unidos.”15 Ipinaliwanag niya na ang pagkakaroon ng mga templo ay magdudulot ng pagpapala ng Sion sa mga Banal sa Europa. Ang mga sumunod na mga Pangulo ng Simbahan ay ipinagpatuloy ang pagtatayo ng mga templo kung saan man naroon ang maraming mga Banal. Noong 1977 inulit ni Elder Bruce R. McConkie na ang Sion ay umiiral saanman nagtitipon ang mga tao sa tunay na kawan ng Diyos sa pamamagitan ng binyag at mga tipan. Tinutukoy si Enoc at ang lahat ng kanyang mga tao, itinuro ni Elder McConkie, “Ang paglikha ng isang stake ay katulad ng pagtatatag ng Lunsod ng Kabanalan. Ang bawat stake sa mundo ay lugar ng pagtitipon para sa mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel na nakatira sa lugar nito.”16 Ang maraming mga templo at mga stake sa buong mundo ay nagbigay sa mga Banal sa mga Huling Araw ng mga pakinabang at pagpapala ng pagtitipon habang tumutulong din sa patuloy na pagtitipon ng mga anak ng Diyos sa kanilang sariling mga lupain.

Mga Kaugnay na Paksa: Sion/Bagong Jerusalem, Mga Unang Missionary, Paglalaan sa Banal na Lupain, Mga Ward at Stake

Mga Tala

  1. Tingnan sa Deuteronomio 4:27–31.

  2. Richard Lyman Bushman at Dean C. Jessee, “General Introduction: Joseph Smith and His Papers,” sa Dean C. Jessee, Mark Ashurst-McGee, at Richard L. Jensen, mga pat., Journals, Volume 1: 1832–1839. Tomo 1 ng seryeng Journals ng The Joseph Smith Papers, pinamatnugutan nina Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, at Richard Lyman Bushman (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2008), xxiii.

  3. Revelation, September 1830–A [DC 29],” sa Revelation Book 1, 36, josephsmithpapers.org.

  4. Revelation, 30 December 1830 [DC 37],” josephsmithpapers.org. Tingnan din sa “Revelation, 2 January 1831 [DC 38],” josephsmithpapers.org.

  5. Revelation, 20 July 1831 [DC 57],”sa Revelation Book 1, 93, josephsmithpapers.org; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay at paggamit ng malalaking titik; Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 127, josephsmithpapers.org; “Church Settlements, Northwest Jackson County, Missouri, 31 January 1833,” josephsmithpapers.org.

  6. Visions, 3 April 1836 [DC 110],” sa Joseph Smith, Journal, Setyembre 1835–Abril 1836, 193, josephsmithpapers.org.

  7. Letter from Heber C. Kimball and Orson Hyde, between 22 and 28 May 1838,” sa Joseph Smith, Journal, March–September 1838, 48–49, josephsmithpapers.org.

  8. Joseph Smith journal, Apr. 8, 1844, sa Journal, December 1842–June 1844; Book 4, 1 March–22 June 1844, 73, josephsmithpapers.org.

  9. Joseph Smith,“Discourse, 11 June 1843–A, as Reported by Wilford Woodruff,” sa Wilford Woodruff, Journal, 42–43, josephsmithpapers.org; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay at paggamit ng malalaking titik.

  10. Millennial Star, tomo 10, blg. 6 (Mar. 15, 1848), 81–88; William G. Hartley, “Gathering,” sa Arnold K. Garr, Donald Q. Cannon, at Richard O. Cowan, mga pat., Encyclopedia of Latter-day Saint History (Salt Lake City: Deseret Book, 2000), 415.

  11. Sa kabuuan, tinatayang 65,000  British na mga Banal ang nandayuhan sa Kanlurang Amerika, kasama ang tinatayang 30,000 mga Scandinavian. Tingnan sa Richard L. Jensen, “The British Gathering to Zion,” sa V. Ben Bloxham, James R. Moss, at Larry C. Porter, mga pat., Truth Will Prevail: The Rise of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in the British Isles, 1837–1987 (Salt Lake City: Corporation of the President of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1987), 165; William Mulder, Homeward to Zion: The Mormon Migration from Scandinavia (Minneapolis: University of Minnesota, 1957), x.

  12. Jensen, “The British Gathering to Zion,” 188.

  13. Talaarawan ni Abraham Cannon, Hunyo 21, 1894, Church History Library, Salt Lake City, sinipi sa Jensen, “The British Gathering to Zion,” 189.

  14. Jensen, “The British Gathering to Zion,” 169; tingnan din sa Charles W. Penrose, “Advice to Intending Emigrants,” Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 69, blg. 21 (Mayo 23, 1907), 328–30.

  15. “McKay Charts Helsinki Visit,” Salt Lake Tribune, Hunyo 24, 1952, 13.

  16. Bruce R. McConkie, “Come: Let Israel Build Zion,” Ensign, Mayo 1977, 118.