“Ikapu,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Ikapu”
Ikapu
Sa mga unang taon ng Simbahan, hinangad ng mga lider na magpondo ng mahahalagang proyekto tulad ng paglalathala ng mga banal na kasulatan at pagtatayo ng Kirtland Temple sa pamamagitan ng mga donasyon, negosyo, at iba pang mga gawain sa pangangalap ng pondo. Pagsapit ng Hulyo 1838, may mga tanong tungkol sa pinakamainam na paraan upang matugunan ang mga pinansyal na pangangailangan ng Simbahan at kung saan dapat gamitin ang mga donasyong pondo.1 Noong ika-8 ng Hulyo, ang mga lider ng Simbahan sa Far West ay nagpulong at nagsumamo sa Panginoon na “ipakita ninyo sa inyong tagapaglingkod kung gaano ang inyong kakailanganin sa mga ari-arian ng inyong mga tao para sa ikapu.”2 Tumanggap si Joseph Smith ng dalawang paghahayag tungkol sa kung gaano kalaki ang kailangan at paano pamamahalaan ang pondo.
Bago ang panahong ito, ang salitang ikapu, ayon sa paggamit ng salitang ito sa Simbahan, ay tumutukoy sa anumang boluntaryong alay, anuman ang halaga. Kasunod ng paghahayag noong 1831 kay Joseph Smith tungkol sa paglalaan at pangangasiwa, ang mga Banal sa Missouri at Ohio ay nagbigay ng sobrang mga ari-arian, lupain, kasangkapan, muwebles, at kung minsan ay pera.3 Ang sistema ng pamamahala ng Simbahan sa ibinigay na mga donasyon ay iba-iba. Ginagamit kung minsan ng bishop ang pondo upang makabili ng lupain o tumulong sa mga maralita at nangangailangan. Para sa mga proyektong tulad ng pagtatayo ng mga gusali at paglilimbag ng mga literatura ng Simbahan, ang United Firm o ang high council ang namamahala sa mga ibinigay na pondo.4
Sa paghahayag noong ika-8 ng Hulyo, 1838, sinagot ng Panginoon ang tanong ng mga Banal sa mga tagubiling ito: una, ang mga Banal ay dapat gumawa ng minsanang donasyon ng lahat ng kanilang sobrang ari-arian; “at pagkatapos nito,” sabi sa paghahayag, “yaong mga hiningan ng ikapu ay magbabayad ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo taun-taon.”5 Ang isa pang karagdagang paghahayag na ibinigay sa araw na iyon ay ang tagubilin sa mga lider ng Simbahan na magtatag ng isang konseho na aatasan sa pagpapasiya kung paano gamitin ang mga inilaang resources na ito. Noong una, bahagi ng konseho na ito ang mga miyembro ng Unang Panguluhan, bishop’s council, at ang high council ng Far West. Ngayon, ang konseho ay binubuo ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawa, at Presiding Bishopric at ito ay tinatawag na Konseho sa Pamamahala ng mga Ikapu. Noong ika-26 ng Hulyo, 1838, ang konseho ay nagpulong sa unang pagkakataon, ngunit dahil sa pag-uusig sa Missouri napigilan ang mga Banal na ganap na isakatuparan ang mga tagubilin sa mga paghahayag na ito sa Far West.6
Noong umpisa ng dekada ng 1840, binigyang-diin ng mga lider ng Simbahan ang pagbabayad ng ikapu upang makatulong sa pagtatayo ng Nauvoo Temple at isinama ang ikapu sa requirement upang makapasok sa templo. Ang requirement na ito ay inulit noong dekada ng 1880 nang inilaan ang mga templo sa Utah. Ang mga utang ng Simbahan ay lumaki kalaunan noong ika-19 na siglo matapos samsamin ng gobyerno ng Estados Unidos ang mga ari-arian ng Simbahan upang mapilitan ang Simbahan na itigil ang pag-aasawa nang higit sa isa, at ang ilang miyembro ay nag-alinlangan na magbayad ng ikapu sa takot na makumpiska ang kanilang mga donasyon.7 Noong 1899, halos isang dekada matapos magkaroon ng pagkakaunawaan ang mga lider ng Simbahan at ang pamahalaan ng Estados Unidos, lubog pa rin sa utang ang Simbahan. Nakatanggap si Pangulong Lorenzo Snow ng isang banal na paghahayag noong mangaral siya sa tabernakulo sa St. George, Utah, na naghikayat sa kanya na bigyang-diin ang pagsunod sa batas ng ikapu. “Dumating na ang panahon,” pahayag niya, “upang lahat ng Banal sa mga Huling Araw, na hangad maghanda para sa hinaharap at matatag na tumayo sa wastong pundasyon, ay gawin ang kalooban ng Panginoon at magbayad ng kanyang buong ikapu.”8 Naglakbay siya sa mga bayan-bayan sa buong Utah, sumasamo sa mga miyembro na magbayad ng tapat na ikapu at nangangako ng kapwa espirituwal at temporal na mga pagpapala. Ang mga pagsisikap ni Pangulong Snow ay nagpaibayo ng katapatan, at sa loob lamang ng ilang taon, nabayaran ng kanyang kahalili, si Joseph F. Smith, ang mga utang ng Simbahan.9
Sa paglipas ng panahon, ang pagbabayad ng ikapu ng mga Banal ay nabago kasabay ng pagbabago ng kabuhayan at mga kalagayan ng mga Banal. Noong una, gumagamit ang mga lider ng Simbahan ng isang kumplikadong pormula upang kuwentahin kung magkano ang ibabayad na ikapu ng mga Banal. Gayunman, noong dekada ng 1840, ito ay pinasimple at ang kinakailangan na lang ay magbayad ng ikasampung bahagi ng kanilang tubo o kita.10 Ang mga paraan sa pagbabayad ng ikapu ay nabago rin sa paglipas ng panahon. Noong ika-19 na siglo, ang mga Banal ay madalas magbigay ng mga donasyong hindi pera, tulad ng mga hayop o ani. Nagsimula sa Nauvoo, maraming Banal sa Nauvoo ang nagbigay ng isang araw sa sampung araw upang magtrabaho sa templo o sa iba pang mga proyekto ng Simbahan. Ang mga opisina ng Simbahan sa Nauvoo at Salt Lake City ay may isang opisina para sa ikapu at bakuran na nagsisilbing lugar na pag-iimbakan ng mga donasyon, tulad ng mga butil, gulay, kalakal, tinibag na mga bato, mga tabla, at mga hayop.11 Sa liblib na mga pamayanan, ang mga storehouse ng mga lokal na bishop ay ginamit din upang paglagyan ng resources ng komunidad.12 Sa pagkuwenta sa kanilang taunang ikapu tulad ng nakasaad sa paghahayag noong 1838, ang mga miyembro ng Simbahan ay isinasama minsan ang pagtaas ng halaga ng lupa bilang dagdag na kita dahil maraming tao ang hindi kumikita. Sa ika-20 siglo, ang perang kinita at mga donasyon ay naging mas karaniwan.13 Sa mga pagbabagong ito, ang ikapu ay nananatiling isa sa mga kahanga-hangang paraan para masunod ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kautusan na ilaan ang kanilang buhay sa gawain ng Diyos. Ngayon, ang pondo ng ikapu ay ginagamit, lalo na, sa pagtatayo ng mga templo at meetinghouse, pagsuporta sa pagsasaliksik ng kasaysayan ng pamilya, pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba, at pagbibigay ng mga serbisyong pantao.
Mga Kaugnay na Paksa: Paglalaan at Pangangasiwa, United Firm o Nagkakaisang Samahan (“Nagkakaisang Orden”), Kirtland Safety Society