Kasaysayan ng Simbahan
Mga Lektyur sa Teolohiya (“Lectures on Faith”)


“Mga Lektyur sa Teolohiya (‘Lectures on Faith’),” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Lektyur sa Teolohiya”

Mga Lektyur sa Teolohiya (“Lectures on Faith”)

Ang Lectures on Faith ay popular na pamagat ng isang set ng pitong lektyur sa teolohiya na ibinigay sa School of the Elders sa Kirtland, Ohio, noong taglamig ng 1834–35. Ang mga lektyur ay kumakatawan sa pinakaunang pagtatangkang bumuo ng sistematikong teolohiya ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ipinaalam ng Aklat ni Mormon at ng mga naunang paghahayag kay Joseph Smith. Sinusukat ng mga ito ang pananampalataya at ang mga kondisyon kung saan ito nakukuha at pinangangalagaan. Tatlong bagay ang kailangan, ang mga lektyur ay nagtuturo, para sa sinumang “may kakayahang mag-isip at matalinong nilalang” na ipakita ang pananampalataya sa Diyos na kailangan para sa kaligtasan: una, ang ideya na mayroong Diyos; pangalawa, wastong ideya tungkol sa Kanyang pagkatao at mga katangian; at ikatlo, ang kaalaman na ang landas ng buhay na hangad ng isang tao ay ayon sa Kanyang kalooban.1 Idinidetalye at ipinapaliwanag ng mga lektyur ang mga ideyang ito.

Ang unang lektyur ay inilathala bilang isang matinding pagtuligsa noong Pebrero 1835, at ang ikalima at ikaanim ay inilathala sa pahayagan ng Simbahan noong Mayo 1835. Lahat ng pitong lektyur ay sama-samang inilathala kalaunan sa taong iyon sa unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan, ang mga lektyur na bumubuo ng “doktrina,” at ang mga paghahayag ni Joseph Smith, ang “mga tipan.” Ang mga lektyur ay kasama sa mga Ingles na edisyon ng Doktrina at mga Tipan hanggang 1921 at sa karamihan ng mga pagsasalin na hindi sa wikang Ingles.

Ang mga lektyur ay walang tinukoy na awtor o may-akda, at walang mga kopya ng manuskrito, kaya puno ng haka-haka sa kung sino ang sumulat ng mga lektyur. Ayon kay Jedediah M. Grant, isang residente ng Kirtland noong 1835, sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay kapwa gumanap na mga guro sa paaralan. Sinasabi ng mga iskolar na sumuri sa kaunting dokumento ng kasaysayan na si Sidney Rigdon ang awtor o kahit paano ay malaki ang naitulong niya sa paggawa ng mga lektyur.2 Sa katunayan, ang tawag dito ni Brigham Young ay mga lektyur na “inihanda ni Brother Sidney.”3 Ang lawak ng paglahok ni Joseph Smith sa produksyon ng mga lektyur, kung mayroon man, ay hindi batid. Gayon pa man, ang pagsasama ng mga lektyur sa Doktrina at mga Tipan noong 1835 ay malakas na nagpapahiwatig na inaprubahan ni Joseph Smith ang nilalaman ng mga lektyur.4

Ang paglalathala ng Lectures on Faith sa Doktrina at mga Tipan ay nagpataas sa katayuan nito sa mga miyembro ng Simbahan. Gayunman, sa unang bahagi ng ika-20 siglo, tumindi ang pag-aalala ng mga lider ng Simbahan tungkol sa ilan sa mga pahayag na nasa Lectures on Faith. Halimbawa, binabanggit sa ikalimang lektyur ang Ama bilang isang “personaheng espiritu,” na tila salungat sa turo ni Joseph Smith (na ipinahayag noong 1843, ilang taon matapos ibigay ang mga lektyur) na “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao” (DT 130:22).5 Nadama ni Elder James E. Talmage, na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na namuno sa komite na gumawa ng pagbabago sa Doktrina at mga Tipan noong 1921, na mas mabuting “iwasan ang kalituhan at kaguluhan sa mahalagang puntong ito ng paniniwala.”6 Bukod pa rito, ang mga lektyur ay tinanggap lamang ng Simbahan bilang mga aralin sa teolohiya, paliwanag ng komite ni Talmage. Batay sa mga rekomendasyong ito, ang Lectures on Faith ay inalis sa Doktrina at mga Tipan.

Kahit pagkatapos alisin ang mga ito sa Doktrina at mga Tipan, ang Lectures on Faith ay pinag-aralan nang madalas ng mga missionary at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan sa muling inilimbag na mga edisyon, at ang mga lektyur ay paminsan-minsang binabanggit sa mga lathalain ng Simbahan. “Ang relihiyon na hindi nangangailangan ng sakripisyo ng lahat ng bagay,” na madalas na nababasa, “ay hindi kailanman may kapangyarihang sapat upang lumikha ng pananampalatayang kinakailangan tungo sa buhay at kaligtasan.”7

Mga Kaugnay na Paksa: Doktina at mga Tipan

Mga Tala

  1. Doctrine and Covenants, 1835, 36, josephsmithpapers.org.

  2. Noel B. Reynolds, “The Case for Sidney Rigdon as Author of the Lectures on Faith,” Journal of Mormon History, vol. 31, no. 3 (Fall 2005), 1–41. Tinangka ng iba na maglagay ng awtor batay sa mga pag-aaral ng salita. Tingnan sa Alan J. Phipps, “The Lectures on Faith: An Authorship Study,” master’s thesis, Brigham Young University, 1977.

  3. Brigham Young, Discourse, April 4, 1860, Pitman Shorthand Transcriptions, Church History Library.

  4. “Appendix 1: First Theological Lecture on Faith, circa January–May 1835,” sa Matthew C. Godfrey, Brenden W. Rensink, Alex D. Smith, Max H Parkin, at Alexander L. Baugh, eds., Documents, Volume 4: April 1834–September 1835. Vol. 4 ng Documents series ng The Joseph Smith Papers, inedit nina Ronald K. Esplin at Matthew J. Grow (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 457–67.

  5. Doctrine and Covenants, 1835, 53, josephsmithpapers.org.

  6. Larry E. Dahl, “Authorship and History of the Lectures on Faith,” sa The Lectures on Faith: In Historical Perspective, Larry E. Dahl at Charles D. Tate Jr., eds. (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 1990), 18.

  7. Doctrine and Covenants, 1835, 60, josephsmithpapers.org.